Mga kawani ng UST, ginawaran ng Papal award

0
1910

Ayon sa ulat ng Varsitarian noong 1987, ginawaran ang siyam na akademikong opisyales ng Unibersidad ng parangal na Pro Ecclesia et Pontifice dahil sa angking kahusayan nila sa kani-kanilang larangan.

Iginawad ang prestihiyosong parangal kina Felix Estrada, Gregorio Moral, Jr., Homero Gonzalez, Mariano Pangan, Carolina Garcia, Karmen Canapi, Magdalena Alonso-Villaba, Melita Zaratan Nable at Eduardo Ignacio noong ika-29 ng Hunyo 1987 sa simbahan ng Santisimo Rosario.

Sa kanyang sermon sa Misa, sinabi ng dating arsobispo ng Maynila Jaime Cardinal Sin na tanda ang parangal na Pro Ecclesia et Pontifice sa pagpapatuloy ng tradisiyon ng Unibersidad na magpamalas ng kahusayan bilang isang akademikong institusiyon sa bansa.

Para kay Garcia, kinatawan ng mga binigyan ng parangal, ipagpapatuloy nila ang kanilang obligasyon sa ngalan ng hustisya at katotohanan. Dagdag pa niya, iaalay nila ang kanilang buhay sa pagbibigay serbisyo sa Simbahang Katolika, sa bansa at sa Unibersidad.

Dating dekano ng Fakultad ng Medisina si Estrada. Itinanghal siya bilang Outstanding Pediatrician ng Philippine Pediatric Society. Nagsilbi rin siyang executive administrative officer at medical director ng noo’y Santo Tomas University Hospital (STUH). Nagtapos siyang cum laude meritissimus noong 1938 sa Unibersidad.

Dating tagapag-ulat ng Varsitarian si Moral. Nagsilbi siya bilang medical director ng STUH at pinuno ng Committee on Postgraduate Medical Education noong 1987. Ginawaran siya ng UST Centennial Service Award noong 1971 at ng Distinguished Teacher Award noong 1987 dahil sa kaniyang kontribusyon sa pagpapayabong ng Philippine College of Physicians.

Si Gonzalez ay dating kalihim ng Catholic Physicians Guild of the Philippines at UST Medical Alumni Association. Naging propesor siya sa Fakultad ng Medisina at executive officer ng Department of Obstetrics and Gynecology ng Unibersidad.

Dating dekano ng Fakultad ng Inhenyeriya at Kolehiyo ng Agham si Pangan. Naging miyembro rin siya ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization National Study Group in Chemistry Teaching at National Research Council of the Philippines.

Kasama rin sa ginawaran si Garcia na dating pinuno sa Department of English at recipient ng Thomas Aquinas Professorial Chair in the Humanities ng Unibersidad.

Taong 1982 nang ginawaran si Kanapi ng Kyung Hee University Medal of Honor for Peace and Welfare Through Education. Dati rin siyang dekano ng Kolehiyo ng Agham at Graduate School ng UST.

Dati naming miyembrong provincial council ng Tertiary of the Order of Preachers si Villaba at naging kinatawan ng grupo para sa inter-religious conference sa Hong Kong. Siya ang dating dekano ng Fakultad ng Sining at Panitik at Graduate School ng Unibersidad. Nakapaglimbag din siya ng mga akda sa edukasyon at pilosopiya.

Dating assistant dean ng noo’y Fakultad ng Parmasya si Nable. Nagtapos siyang cum laude sa Unibersidad at ginawaran ng Presidential Award ng Pharmacy Alumni Association noong 1975.

Pang-siyam sa mga ginawaran ng parangal ang dating direktor ng UST Alumni Association na si Ignacio. Dati rin siyang pinuno ng Division of Chemical Engineering ng Unibersidad.

Unang iginawad ang Pro Ecclesia et Pontifice sa mga nagbigay ng serbisyo sa pag-aayos ng Vatican exposition. Kinalaunan, iginawad na rin ito sa mga indibidwal na nagpamalas ng debosyon sa Simbahang Katolika at sa Santo Papa.

Noong ika-17 ng Hulyo 1888 nagsimula ang parangal na ito na pinasinayaan ni Pope Leo XIII upang gunitain ang kaniyang golden sacerdotal jubilee.

Tomasino Siya
Kinilala si Erlinda Uy-Koe bilang natatanging Tomasino dahil sa kaniyang dedikasiyon sa pagbibigay ng tulong sa mga taong mayroong autism, isang panghabang-buhay na kapansanan na nakaaapekto sa paglaki at nagdudulot ng pagkasensitibo sa pagdama ng tao.

Nagtapos si Koe ng communication arts sa UST noong 1977 at ng kaniyang masteral degree sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1980. Siya ang kauna-unahang chairman emeritus ng Autism Society of the Philippines (ASP) at nagsilbi dito mula 2004 hanggang 2009.

Isa sa mga nangungunang samahan sa Filipinas ang ASP na naglalayong mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga taong mayroong autism.
Ayon sa ulat ng Varsitarian noong 2009, napunta siya sa larangang ito dahil sa kaniyang unang anak na mayroong autism.

Naipamalas niya rin ang kaniyang napag-aralan sa communication arts sa pamamagitan ng pagpapayabong ng paggamit ng organisasyon sa social media.

Pinangunahan niya rin ang Early Detection and Early Intervention Program, sa tulong ng Autism Society sa Norway, na nagbigay ngapagsasanay sa mga barangay health centers sa bansa upang mabigyan sila ng kaalaman sa paggabay sa mga taong may autism.

Ginawaran siya ng The Outstanding Thomasian Alumni Award noong 2009 sa kategorya na Humanitarian Service.

Tomasalitaan
alamís – pangngalan. pahiwatig, talinghagà, tayutáy
Takpan mo man ang kalungkutan sa pamamagitan ng ngiting matamis, kitang-kita ko ang pighati ng puso mo sa iyong alamis.

Sanggunian:
The Varsitarian, Tomo LIX, Blg. 1, July 1987, 1988-1994, p. 3
The Outstanding Thomasian Alumni Awards 2009
Diksyunaryong Jose Villa Panganiban

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.