TULUYAN na bang naging blonde ang pinoy?

Hindi maipagkakailang dumadami ang pelikulang gawa sa Hollywood na sumasapaw sa mga pelikulang Pilipino. Gumawa man ng pelikula ang mga Pinoy, bakya naman daw ito.

Sa Pinoy Blonde na handog ng Unitel Pictures (2005), ipinakita ang klase ng mentalidad na ito na umiikot sa mga pangyayari sa buhay ng magpinsang sina Andrew (Boy2 Quizon) at Conrad (Epy Quizon).

Isang gabi, binigyan ng huling habilin sina Andrew at Conrad ng kanilang naaksidenteng tiyuhin (Mark Gil) na magdala ng isang paketeng hindi nila alam ang laman, sa isang abandonadong hotel at kunin ang isang bagahe.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, napagitna sila sa mga mangangalakal ng ilegal na droga (Eddie Garcia, Ricky Davao at Jaime Fabregas) na naging dahilan ng kanilang pagtatago mula sa mga ito buong gabi.

Kapansin-pansin ang iba’t ibang personalidad na may mga cameo role sa pelikula: Richard Gomez, Joel Torre, Richard Gutierrez, Nicolette Bell, Ara Mina, Cherie Gil, Joey Marquez, Giselle Toengi at Vandolph Quizon.

Lubhang nakakatawa ang dalawang pangunahing tauhan, na madalas humihiram ng mga sikat na linya mula sa mga pelikulang Terminator, Star Wars, The Matrix at Kill Bill, marahil mula sa kanilang pagiging drop-out sa isang film school. Ngunit unti-unting magbabago ang dating ng pelikula dahil sa kanilang pagtatalo kung sino ang mas magaling na direktor: si Lino Brocka, na mahusay sa pagsasalaysay ng buhay maralita gaya ng mga makikita sa kanyang mga obrang Insiang, Jaguar at Maynila sa Kuko ng Liwanag, o si Ishmael Bernal, na kilala naman sa pagpapakita ng mga makabagong tema tulad ng kanyang mga pelikulang Nunal sa Tubig, Ligaw na Bulaklak at Himala.

READ
Prescriptions for advancement

Ngunit nagmistulang disertasyon sa kinalimutang sining ng pelikulang Pilipino ang Pinoy Blonde. Maraming bahagi ng pelikula kung saan mistulang tinuturuan nito ang mga manonood ukol sa kalagayan ng pelikula sa bansa.

Makikita rin sa isang bahagi ng pelikula ang mga tauhan sa obra nina Brocka, Bernal, Gallaga (Oro, Plata Mata, Scorpio Nights), at Mike de Leon (Sister Stella L, Bayaning Third World) na nakasalubong nina Andrew at Conrad, marahil upang ipaalala ang nakalimutang kagalingan ng pelikulang Pilipino.

Kasama rin sa pelikula ang mga maliliit na mensahe ng kwento, tulad ng pagtanggap ni Conrad na may anak na siya sa kasintahan na ginaganapan ni Iza Calzado, at ang mga patama tungkol sa pulitikal na sitwasyon ng Pilipinas.

Kung sa aspetong teknikal naman titingnan, naipakita ng tanyag na direktor ng Pinoy Blonde na si Peque Gallaga ang kanyang mahusay na paglalaro sa mga biswal, na hinaluan din ng mga animation na siyang nagpagaan sa pelikula. Gayundin naman ang mga special effects na kanyang ginamit, tulad ng paggaya niya sa isang eksena sa Kill Bill, na tumulong sa aspetong biswal ng pelikula.

Sa kabila nito, halata pa rin ang bukod-tanging mensahe ng pelikula—na lubos ang pagtatangkilik ngayon ng mga Pilipino sa mga banyagang katumbas nito. Sa isang eksena, tinanong ni Davao si Conrad kung kaya niyang magbigay ng isang linya na galing sa gawa ni Brocka. Hindi siya nakapag-bigay.

Sa dami ng mga imahen at mensahe na nakapaloob sa buong pelikula, sa huli, makikita ang pagbabago nina Andrew at Conrad na hinahangad ni Gallaga—ang muling pagkilala sa pelikulang Pilipino, na hindi lamang mga bakyang pelikulang puno ng pantasya, ngunit mga obrang may mensahe sa lipunan. Brian P. Sales

READ
When opposites attack

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.