LAHAT tayo ay naghahangad na makahanap ng taong mamahalin at magmamahal din sa atin. Ito ang tema ng Fast Food, Fast Women ni Direktor Amos Kollek ng bansang Israel.

Ang kuwento ay tungkol kay Bella, isang “waitress,” at ang kanyang madalas na mga kostumer na sina Paul, Seymour at Graham. Lahat sila ay naghahangad na makahanap ng tunay na pag-ibig sa mabilis na lungsod ng New York.

Sa edad na 35, walang asawa at anak, si Bella ay kabit ng isang direktor sa Broadway. Malapit na siyang mawalan ng pag-asa na magbago pa ang kanyang buhay hanggang sa makilala niya si Bruno, isang manunulat at taxi driver.

Sa pag-aakalang lahat ng lalaki ay takot sa usapang kasalan at pamilya, sinabi ni Bella kay Bruno na wala siyang planong mag-asawa at ayaw niya sa bata. Hindi niya alam na si Bruno pala ay nag-iisang magulang ng dalawang anak na iniwan ng dati nitong asawa. Dahil dito, nagkunwari si Bruno na siya ay nag-iisa lamang at sumang-ayon sa paniniwala ni Bella.

Simpleng istorya at karaniwang tagpuan lamang ang Fast Food, Fast Women, ngunit dahil magagaling ang mga aktor, nagkaroon ng dating ang pelikulang ito. Ang mga aktor na kabilang sa pelikula ay sina Anna Thomson, Jamie Harris, Louise Lasser, Robert Modica, Lonette McKee, Victor Argo, Angelica Torn, Austin Pendleton, Valerie Geffner, at Mark Margolis.

Kapani-paniwala ang pagganap ni Thomson bilang Bella. Naipakita niya ang kalungkutan nito kahit puro katatawanan ang mga eksena. Ganoon din ang kanyang katambal na si Harris sa papel bilang Bruno.

READ
Trabaho peryodismo

Ang tatlong matandang lalaki naman na sina Modica, Margolis, at Argo ay kagigiliwan ng mga manonood lalo na sa mga eksenang nagpapakita ng kanilang mga karanasan sa paghahanap ng pag-ibig. Kadalasan, katatawanan ang mga nangyayari sa kanila, tulad na lamang ng engkuwentro nila sa isang ‘prostitute.’

Katatawanan at drama, ang Fast Food, Fast Women ay isang dagdag na tagumpay sa Cinemanila Festival.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.