“Subalit ang bawat pag-akyat sa bahaghari / katumbas ng mga luha ng kandila / dulot ang sugat sa pusong nababahala / sakaling humalik ang langit sa lupa.” — Kristian Sendon Cordero, Alter Christus

NAKASASAWA na ngang magbasa ng mga akdang patungkol sa mga hinaing ng mga Filipinong guro sa Unibersidad. Paulit-ulit na ring nalalathala sa Varsitarian ang mga nanlulumong pahayag ng mga tagapagtaguyod ng sariling wika, subalit tila nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan lamang ang administrasyon hanggang malimutan na at muli na namang puputok ang isyu sa susunod na taon.

Tiyak na matapos ang buwang ito, mabubulok na naman ang diskurso at mananatili na lamang itong nasa pahayagan na wala ni kahit anong aksyon. Hahayaan na lamang ba ng Unibersidad na tumawid sa iba at doon magpakadalubhasa ang mga anak nito dahilan sa pagkatigang ng suporta para sa mga Filipinong manunulat? Nakatatawa namang isipin na kapag nagtagumpay sila sa mga patimpalak, tatawagin pa rin silang “Tomasino,” dangal ng UST.

* * *

Sa paghahain ni Speaker Jose de Venecia sa kanyang planong hindi ituloy ang eleksyon ng barangay sa 2005 upang ilagak daw ang ilalaang pondo, tiyak na babahain siya ng sandamakmak na reaksyon mula sa mga mamamayan (ikatutuwa naman ng mga nasa poder) lalu na sa mga nag-iisip na kabataan. Ibig sabihin ba nito, hahaba pa ang taon ng Sangguniang Kabataan (SK) na wala namang ginagawa kundi magpalaro ng basketball tuwing bakasyon?

Sa bayan at lalawigan pa lamang namin, lumipas na ang dalawang taon subalit wala pa ring magandang programang inilalaan ang Pederasyon ng SK na tumutugon sa pangangailangan ng nakararami, ngunit nakatatanggap pa rin sila ng suweldo.

READ
Be agents of change, student leaders urged

Ipinapakita lamang nito na hindi akma ang noong binagong batas na ginawang 15-18 ang edad ng kakandidato at boboto sa SK. Magising naman sana ang mga kabataang ito kahit sa huling taon at mapag-aralan sana ng National Youth Commission (NYC) ang kalagayang ito upang maharang agad ang hain ni De Venecia.

* * *

Binabati ko ang mga Tomasinong naglaan ng panahon upang ipaalala sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng wikang Filpino. Sa Faculty of Arts and Letters, College of Architecture, at sa Salinggawi Dance Troup. Bahagi kayo ng mainit na laban para sa sariling wika. Sana hindi lamang ito matapos sa buwang ito dahil hindi naman sa buwan lamang ng Agosto tayo Filipino.

Kay SK Bernard Mimis, patuloy ka sanang maging ilaw sa iyong mga kasama. Huwag kang mag-alala dahil lagi kami sa iyong likuran upang suportahan ka.

Binabati ko rin ang Tomasino at Bulakeñong si Bb. Diana Cecilia Zamorra bilang isa mga mapalad na napili na maging kinatawan ng Pilipinas sa Ship for South East Asian Youth Program ng NYC. Salamat sa pagtukoy mo sa amin bilang iyong inspirasyon.

* * *

Salamat na lamang at maraming boluntaryong organisasyong pangkabataan na kahit walang pondo, patuloy na nagsasagawa ng mga proyekto upang mapunan ang pagkukulang ng mga SK.

Sa Bulacan, malapit na ang “Tinig-Kabataan 2” upang maiparating sa lahat na may “tinig” pa rin ang mga kabataan, at hindi natutulog ang mga “pag-asa ng bayan” upang talakayin ang mga isyung panlipunan. Magtatagumpay tayo at ito ang patutunayan natin.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.