(Kuha ni Nadine Anne M. Deang)

HINDI nahuhuli ang mga Tomasino sa pangangalaga ng wikang pambansa at isa na riyan ang katangi-tanging pagtataguyod at pagmamahal ni Michael Coroza sa wikang Filipino.

Si Coroza ang isa sa mga hinirang na Kampeon ng Wika ng Komisyon sa Wikang Filipino ngayong taon. Kinilala siya hindi lamang sa angking galing niya sa larangan panitikan at pagsasalin kung hindi pati sa pagsasabuhay niya sa kaniyang tungkulin bilang alagad ng wika.

Nagtapos siya ng pilosopiya sa Unibersidad noong 1990. Nakuha niya ang kaniyang masterado sa Ateneo de Manila University (ADMU) noong 2001 at doktorado sa University of the Philippines noong 2010.

Kasalukuyan siyang propesor sa Kagawaran ng Filipino sa ADMU. Siya rin ang tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas at ng Pambansang Komite sa Wika at Salin sa Pambansang Komisyon para sa Kultura.

Walong beses na rin niyang nakamit ang mga pangunahing gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.

Ilan sa kaniyang mga naisulat ang “Dili’t Dilim” (1997), “Mga Lagot na Liwanag” (2002), “Imbisibol Man ang Tatay” (2009), “Ang mga Kahon ni Kalon” (2010), “Ang mga Lambing ni Lolo Ding” (2012), at “Nawawala si Muningning!” (2015).

Sa isang eksklusibong panayam sa Varsitarian, ibinahagi ni Coroza na hindi lamang siya mananaysay, kuwentista at tagasalin, isang malaking gampanin niya ang pagbabahagi ng kaalaman sa kaniyang mga estudyante.

“Lagi kong sinasabi na nagtuturo ako ng bagay na hindi ko basta pinag-aralan, nagtuturo ako ng buhay at pagmamahal. Totoo, hindi ko lang ito itinuturo, ibinabahagi ko ang aking pagmamahal at buhay. ‘Yon ang panitikan sa akin,” wika ni Coroza.

Binigyang-diin din ni Coroza ang kahalagahan ng panitikan sa identidad ng mga Filipino at sa bansa.

“Nasa mga panitikang ‘yan ang kabuoan ng ating pagkatao bilang mga Filipino, kaya dapat ito’y binabasa. [L]ahat dapat sana magkaroon ng interes sa panitikan,” sabi niya.

Ayon kay Coroza, bukod sa isang karangalan ang kaniyang natanggap, mas itinuturing niya itong hamon.

“Isang pagpapahalaga ito sa nagagawa, ginagawa, sa nagawa na at gagawin pa. Pero higit sa isang karangalan, isang hamon ito para sa atin. Hamon na huwag tumigil sa mga nasimulan na,” wika niya.

“Marami-rami pang nalalabi sa buhay ko at ang ibig sabihin na ginawaran ako ng ganitong titulo, ibig sabihin, lalong dapat ko pang ipagpatuloy ang aking ginagawa. Kaya isang malaking hamon higit sa isang karangalan ang tinanggap ko na ito,” dagdag pa niya.

Ang simula, ipagpatuloy

Itinuturing niyang literary mothers sina Ophelia Dimalanta, Ruth Elynia Mabanglo, at Benilda Santos.

Isang malaking bahagi rin ng buhay ni Coroza ang pagsali niya sa Linangan sa Imaheng Retorika at Anyo simula pa noong 1998.

Ayon kay Coroza, hindi lamang sa panitikan niya nagamit ang wikang Filipino kung hindi pati sa pilosopiya.

“[N]agka-interes ako sa [pagiging] makata, nagkaroon ako ng interes sa wika, sa Filipino at nakita ko ang pangangailangan na dapat talakayin ko ang pilosopiya mismo sa wikang Filipino,” wika niya.

Wika ni Coroza, ang paggamit ng wikang Filipino sa pilosopiya ang isang pagpapasiya sa kaniyang buhay na pinangangatawanan niya hanggang sa kasalukuyan.

“Mataas naman ang marka ko sa mga subject kong Ingles, pero naging isang politikal na pagpapasiya para sa akin na gamitin ang Filipino para sa pagpapaliwanag ng mas mataas na bagay,” wika niya.

Dagdag pa niya, ginawa niya ito hindi lamang para sa kaniyang sarili kung hindi pati sa kaniyang mga kababayang Filipino.

May sari-sariling paraan ng pagbuo ng konsepto ng wikang Filipino ang bawat wika sa bansa kaya dapat itong pangalagaan, wika ni Coroza.

“Napakasaklap na katotohanan na nangyayari. Dahil ‘yong mismong pagwawalang-bahala mo doon sa mga wika na ‘yon at mga wikang pambansa at sa Ingles ka lamang nag-aaral at nagdidiskurso, Ingles lang ang alam mo, hindi mo naiintindihan ‘yong tunay na Filipino,” wika niya.

“Kapag Ingles lang ang alam mo, ang dami mong hindi naiintindihan sa Filipino. Hindi lang ‘yong pambansang wika, kundi pati ‘yong mga katutubong wika at kaya nawawala,” dagdag pa niya.

Iginiit ni Coroza na hindi dapat isawalang-bahala ang wika at panitikang Filipino dahil bahagi ito ng yaman ng bansa.

“Sana mauntog kayo sa lahat ng dapat kauntugan para makita ninyo kung bakit mahalaga ang wika at panitikang Filipino. At mas sumulong-sulong naman ang ating kaisipan patungo sa higit na malayang kalagayan ng ating buhay,” giit niya. may ulat mula kay Neil Joshua N. Servallos

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.