LINGID sa kaalaman ng mga Tomasino, mayroong dalawang tanggapan para sa mga nagtapos sa Unibersidad—ang Office of Alumni Relations (OAR) at ang Alumni Associations, Inc. (AAI). Ngunit, ano nga ba ang pagkakaiba ng dalawa?

Ang OAR ay isang ahensya ng Unibersidad samantalang ang AAI naman ay isang malayang kalipunan ng iba’t ibang alumni associations sa loob ng Unibersidad.

Ayon kay Robert Sy, direktor ng AAI, nararapat lamang na malaman ng lahat na ang AAI ay ‘di tulad ng OAR na isang opisyal na ahensya ng Unibersidad. Aniya, lahat ng transaksiyon na ginagawa sa ilalim ng OAR ay pinopondohan at sinusuportahan ng Unibersidad.

“The AAI is a conglomerated alumni association of different colleges and faculties in the University,” ani Sy.

Sa kabila ng pagkakaiba ng dalawa, ang mga naturang tanggapan ay parehas na naglalayong mapanatiling konektado at buo ang samahan ng mga Tomasino saan mang panig ng mundo sila naroroon.

Para sa katuparan ng layuning ito, ang OAR at AAI ay magkatuwang na nagsasagawa ng mga proyekto sa loob at sa labas ng Unibersidad, tulad na lamang ng taunang paggawad ng The Outstanding Thomasian Alumni (TOTAL) Award para sa mga Tomasinong nagtapos na nagpamalas ng kahusayan sa kanilang napiling propesiyon. Kabilang na rin dito ang alumni nights o alumni gatherings.

Bukod pa rito, may kani-kaniyang proyekto ang OAR at AAI. Ang nakaraang Velada Tomasina (2012) at ang taunang job fair sa Unibersidad ay ilan lamang sa mga proyekto ng OAR. Samantala, ang mga proyekto naman na may kinalaman sa labas ng Unibersidad tulad ng medical missions at pakikipagtulungan sa iba pang organisasyon ay isinasagawa ng AAI.

READ
UST Museum hosts Pebeo art workshop

Sa kasalukuyan, ang tanggapan ng OAR at AAI ay matatagpuan sa Quadricentennial Pavillion habang hindi pa natatapos ang gusali ng Office for Alumni Relations na matatandaang sinimulan noong Pebrero 4, 2010.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang kinikilala sa larangan ng pagsulat at ng antropolohiya?

Si Jesus Peralta, nagtapos ng Bachelor of Philosophy sa dating College of Liberal Arts ng Unibersidad, ay nagpatuloy ng kursong Master of Arts in Anthropology sa University of the Philippines-Diliman.

‘Di naglaon, siya ay kumuha ng kursong Doctor of Philosophy in Anthropology sa University of California-Davis Campus.

Namayagpag ang pangalan ni Peralta sa larangan ng panitikan nang nagkamit siya ng sampung parangal mula sa Carlos Palanca Memorial Awards. Ilan sa mga akdang naparangalan ay “The Judas,” “The Other’s Son (My Brother’s Keeper),” at “The Tinge of Red.”

Kilalang antropologo, si Peralta ay miyembro ng mga organisasyong nagsusulong ng arkeolohiya sa buong mundo tulad ng Archaeology Institute of America, Archaeological Consultant of the Intramuros Restoration, at Commissioner in the Cultural Committee. Nakapaglathala na rin siya ng mga sanaysay at mga artikulo sa Asia Pacific Quarterly, Pamana, Kultura, The Philippine Quarterly, Archipelago, Archaeology (Archaeology Institute of America), Solidarity, at National Museum Papers.

Noong 1997, nagretiro siya bilang Director III ng National Museum. Sa kasalukuyan, tumatayong consultant si Peralta ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Tomasalitaan:

Pasilambang (pnb)—padaskol-daskol; mabilis at walang ingat sa paggawa ng isang bagay; harabas

Hal.: Pasilambang niyang isinalansan ang mga plorera ng kaniyang ina kaya ang mga ito’y nabasag.

READ
Ebolusyon ng mga kursong pampaaralan sa Uste

Sanggunian:

(2011). 2000 Gawad Alab ng Haraya Awardee. Retrieved April 22, 2013 from http://www.ncca.gov.ph/about-ncca/org-awards/gawad-dangal/jesus_peralta.php

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.