DINAKIP ng UST security guards ang isang magnanakaw sa tapat ng Engineering pedestrian gate noong Hulyo 21, matapos niyang nakawin ang bag ng isang Tomasino sa loob ng Unibersidad.

Kinilala ng UST Safety and Security Services (UST-SSS) ang inarestong 25 anyos na suspek na si Jefferson Olivar, residente ng Mt. Halili Street sa Sampaloc, Manila.

Sabi ng biktimang si Rhett Cruz, isang estudyanteng nasa ikalawang taon sa Painting sa College of Fine Arts and Design, nawala ang kanyang bag sa pagitan ng ikatlo at ikaapat ng hapon, matapos niyang iwan ito sa isang bleacher sa Engineering Sports Complex para kunin ang kanyang t-shirt.

Maliban sa uniporme, nakuha rin kay Cruz ang isang Motorola E398 cellphone, at pitakang may lamang P300.

Ayon sa ulat ng UST-SSS, namataan si Olivar ni Edilberto Repicio, civilian security guard ng UST, na nakasuot ng unipormeng tulad sa mga UST civilian guards at nagmamasid-masid bago maganap ang nasabing pagnanakaw.

“Ngayon lamang daw nakita ni Repicio ang naka-unipormeng lalaki kaya naghinala siya na may binabalak itong masama,” ani Clemente Itable, Jr., isang UST security officer.

Sinabi ni Itable na minanmanan na ni Repicio si Olivar nang makita nitong kinuha ng suspek ang bag ng biktima.

Nabawi kay Olivar ang lahat ng kagamitan ni Cruz.

Dinala si Olivar sa University Belt Area Police Community Precinct, kung saan nagsampa si Cruz ng kasong pagnanakaw laban kay Olivar.

READ
The toxic's comeback

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.