BAGAMAN tila maliit na bahagi lamang ang pag-aaral ng Filipino sa kasalukuyang programang akademiko ng Unibersidad, minsan din itong nagsilbing pugad ng kasanayan, pagkilala at pag-unlad sa wikang pambansa.
Unang itinuro ang asignaturang Tagalog sa Unibersidad noong 1937, kung saan tatlo lamang ang mga Pilipinong naging mag-aaral nito. Nang sumunod na taon, tumaas ang bilang ng mga mag-aaral nito. Kinalaunan, itinuro na rin ang Tagalog sa College of Liberal Arts mula 1945 hanggang 1948.
Sa pagbubukas ng klase noong 1941, nagsimulang maghandog ang Faculty of Philosophy and Letters (Philets) ng kauna-unahang kurso sa Filipino sa Unibersidad, ang Bachelor of Literature in National Language.
Noong taon ding iyon, unang inalok ng College of Education ang BSE National Language. Subalit nang lumaon, pinalitan ang pangalan ng kurso ng BSE Filipino alinsunod sa pagpapalit ng pangalan ng wikang pambansa batay sa Saligang Batas ng 1987. Patuloy pa rin itong inaalok ng Unibersidad, bagaman tatlong taon nang walang kumukuha ng programa dulot ng kawalan ng kagustuhan ng mga mag-aaral na ipagpatuloy ang pag-aaral nito.
Nagkaroon naman ng inagurasyon ang Department of National Language noong 1943, matapos itong itatag noong 1938 sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Jose Villa Panganiban, isang dalubhasa sa Filipino at “Ama ng Varsitarian.” Subalit pinalitan ng Department of Pilipino ang pangalan ng kagawaran noong 1967 nang tumayong pinuno nito si Dr. Antonia Villanueva, isang propesor at dalubhasa sa pagtuturo ng pambansang wika.
Nagsilbing layunin ng kagawaran na payabungin ang pagkilala sa wikang pambansa, tumulong sa pagpapalaganap nito, at ituro sa mga estudyante ang mga pangunahing elemento ng wika at magbigay-kaalaman tungkol sa panitikang Pilipino. Ilan sa mga programang nasa ilalim ng kagawaran ang Advanced Pilipino Grammar, Survey and Appreciative Study of Filipino Literature, Methods of Teaching Filipino in the School Level at Pilipino Semantics.
Muling nadagdagan ang mga kursong may kaugnayan sa wikang pambansa nang maghandog ang Philets ng kursong Bachelor of Literature in Tagalog Journalism noong 1955. Tanging si Hilario Coronel, isang manunulat na nakatanggap ng ikalawang gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa Filipino, ang nakapagtapos sa unang taon ng paghahandog ng Unibersidad ng kurso. Sa mga sumunod na taon, hindi umaabot sa 10 ang bilang ng mga mag-aaral na nagsisitapos dito. Si Pelagia Zamora na ang huling nagtapos sa kursong ito noong 1968.
Unang hinandog ng UST Graduate School ang MA Filipino noong 1951 subalit, gaya ng BSE Filipino, walang mag-aaral na nagpahayag ng kagustuhang kumuha ng nasabing kurso simula 2001.
Sa kasalukuyan, nanatili pa rin ang pagtuturo ng asignaturang Filipino. Subalit tinanggal ang mga kurso at kagawarang nakatuon sa pagpapayabong ng pambansang wika tulad ng Bachelor of Literature in Tagalog Journalism at Department of National Language.
Ayon naman kay Dr. Clarita Carillo, Vice-Rector of Academic Affairs, nagsasagawa ang kanyang opisina ng mga pag-uusap at pag-aaral kung posible muling maitaguyod ang Department of Filipino na nakatuon sa pagpapayabong ng pag-aaral ng wikang pambansa at paghimok sa mga estudyante na muling pag-aralan ang Filipino. J. J. L. Ignacio
Tomasalitaan:
Pumaram (pandiwa) – pagkawala o pagkaalis ng mga bagay
Halimbawa:
Muli na siyang pinayagang umalis ng bahay nang pumaram ang kanyang lagnat.
Sanggunian:
Fr. Fidel Villaroel, O.P., Prof. Clarita Carillo, Ph.D, Prof. Michael Anthony Vasco, Ph.D, Alumni Directory 1611-1971, The Varsitarian, Jan. 30, 1957, p. 37, at The University of Santo Tomas in the Twentieth Century ni Josefina L. Pe