ALAM ba ninyong mayroong mungkahi noon sa pagpapatayo ng monumento bilang pag-alala sa mga Tomasinong namayapa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig?
Pinangunahan ng UST Post, isang asosasiyon ng mga dating mag-aaral ng Unibersidad, ang pagtatayo noong 1949 batay sa ulat ng Varsitarian.
Ginamit dito ang disenyong ginawa ng Dekano ng Kolehiyo ng Arkitektura na si Antonio Rocha. Hindi naman pinangalanan ang mga Tomasinong pinaglalaanan ng monumento.
Ayon sa ulat, nagkakahalaga ng humigit-kumulang dalawang libong piso ang monumento.
Nabuo ito sa pamamagitan ng boluntaryong pamimigay ng kontribusiyon.
Naglaan ang mga dating mag-aaral sa Unibersidad ng tatlo hanggang 10 piso bawat isa.
Nagbigay naman ng ambag ang mga kasapi ng fakultad kung saan nabibilang ang pangulo ng UST Post at propesor sa Kolehiyo ng Medisina na si Basilio Valdes.
Nakipag-ugnayan ang asosasiyon sa Central Board of Students at iba pang mga organisasyon sa ikatatagumpay ng gawain.
Inilahad din ng Secretary General noon na si Padre Francisco Villacorta, O.P. ang pakikipagtulungan ng administrasiyon sa mga nag-ayos nito.
Subalit sa kabila ng mga plano at inambag ng mga Tomasino, hindi natuloy ang pagsasagawa ng nasabing proyekto.
Tomasino siya
Ang kontribusiyon at dedikasiyon sa Simbahang Katolika ang nagpapatunay na karapat-dapat parangalan bilang Outstanding Thomasian si Arsobispo Bernardito Auza.
Nakuha ni Arsobispo Auza ang kaniyang Licentiate in Philosophy noong 1981 at Licentiate in Theology, master’s degree sa Education noong 1986 sa Unibersidad. Inordina naman siya noong Hunyo 29, 1985.
Nagtapos siya ng Doktorado sa Sacred Theology noong 1990 at Licentiate in Canon Law noong 1989 sa Pontifical University of St. Thomas (Angelicum) sa Roma.
Nakumbinsi siyang pumasok sa Pontifical Ecclesiastical Academy (Vatican Diplomatic School). Dito niya nakuha ang diploma para sa Holy See Foreign Service noong 1990.
Kasalukuyan siyang umuupo bilang Permanent Observer of the Holy See to the United Nations sa New York at Permanent Observer of the Holy See to the Organization of American States sa Washington, D.C.
Si Arsobispo Auza rin ang Titular Bishop of Suacia, Apostolic Nuncio to Haiti, at Co-Consecrated Bishop sa Saint Peter’s Basilica sa Vatican.