Kuha mula sa CULTURAL CENTER OF THE PHILIPPINES

MAPANGUTYA at mapanlaban sa kanilang mga point of view, halatang may bahid din pala ng pagka-rebelde ang dugo ng mga Tomasinong artista matapos maparangalan ang dalawang alumni mula sa College of Fine Arts and Design (CFAD) sa nakaraang 13 Artists Awards sa Cultural Center of the Philippines (CCP) noong ika-siyam ng Hulyo.

Inihahandog ng isang beses kada tatlong taon, kinilala sa 13 Artists sina Buen Calubayan at Raul Ignacio “Iggy” Rodriguez bilang dalawa sa mga pinakatanyag na pausbong na mga lokal na artista, dala ng kanilang mga obrang lumilihis sa tradisyonal na gawi ng sining.

Si Calubayan ay hinirang sa kaniyang pagpapatibay ng misyong sosyo-kultural ng mga pintor gaya ng kaniyang masusing pagdududa sa tunay na relihiyon ng mga Filipino—Diyos ba o konsumerismo—at ang inpluwensiya nito sa kapanahong lipunan. Kahanga-hanga naman ang naging papel ni Rodriguez bilang artista sa mga kilos-protesta laban sa kasalukuyang administrasyon, sa paggawa niya ng mga effigy at iba pang mga obra na nagsilbing representasyon ng mga inaaping sektor.

Sining ng ateismo

Ngunit para sa Tomasinong pintor na si Calubayan, hindi isang gantimpala ang kaniyang natanggap, kundi isang “balidasyon lamang” sa kanya bilang artista ng kaniyang lipunang ginagalawan.

“Hindi dito nagtatapos ang trabaho mo bilang artista, isa lamang itong utos na pagbutihin mo pa ang gawa mo dahil mabusisi na nilang titignan ang mga susunod mong gawa,” banggit ni Calubayan.

Pinatibayan naman ni Calubayan ang kaniyang kawalang-paniniwala sa obrang Kill You By Means of Natural Selection, kung saan inudyok niya ang mga tagapanood na pakainin ng lason ang mga daga na nakakulong sa isang hawla.

READ
So what's new with 'new writing'?

Maaari rin sila sumilip sa isang barung-barong kung saan nagtayo si Calubayan ng higanteng imahe ng Santo Papa na pinaliligiran ng maliliit na utak gawa sa luwad at mga laruang daga.

Nagtapos ng kursong Advertising noong 2001, nakilala si Calubayan sa local na senaryo dala ng kaniyang pagtuligsa sa relihiyon at pagkapoot sa kulturang konsumerismo ng mga Filipino na halata sa kaniyang mga obra. Ang mga nasabing ideyolohiya rin ang nagpaalis sa kanya mula sa CFAD bilang propesor noong 2007 dahilan sa bukas niyang pagpapahayag ng kaisipang ateista sa isang katolikong institusyon.

“Ang sining ay isang paraan lang ng pamumuhay. Wala tayong nais mapatunayan, hindi iisa ang nagpapatakbo nito, wala ring Diyos sa sining,” aniya ni Calubayan. “Hindi uso dito ang idolization, winawasak lamang nito ang ating identity, kontrolado ng mga ito ang ating kaisipan.”

Sining bilang panlaban sa sistema

Samantala, kitang-kita sa obra ni Rodriguez na “Symphony of Destruction” na itinampok sa 13 Artists Awards ang tema ng social realities.

Ayon kay Rodriguez, ang kaniyang gawa “ay mas kritikal sa nangyayari sa buong mundo.” Idinagdag pa niya na “may banyagang industrial superpower na naipataw sa atin ng iba’t ibang batas at mga kasunduan na pumapabor sa mga industrial powers, multinasyonal, at transnasyonal na kumpanya.”

Ang mga ito ay nailarawan niya sa pamamagitan ng paggawa ng isang higanteng kundoktor na nagpapatugtog ng piyesang pinamagatang Global Anthem Pax Romana-Pax Americana. Imbis na mga nota, makikita sa mga piyesa ang tatak ng iba’t-ibang produktong galing sa Amerika at titulo ng mga batas at kasunduan na pabor sa nasabing bansa.

READ
Gordon sa UST-RCYC: 'Maging pinakamagaling'

“Nakikita ko na ang mga artists ay dapat manindigan para sa bansa at komunidad niya,” sabi ni Rodriguez ukol sa pagpili niya ng tema. “Tama lang na sagutin, maging responsive at kritikal ang mga tao sa panahon ngayon. Iyon ang tungkulin ng bawat tao at artista,” dagdag pa niya.

Si Rodriguez ay kumuha ng Advertising sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1991 subalit hindi siya pormal na nakapagtapos dahil sa kakulangan sa ROTC. Ngunit hindi ito nakapigil sa kanya sa pagsabak sa sining. Miyembro siya ng Ugat Lahi Artists Collective, isang grupo na gumagawa ng iba’t-ibang obra para sa mga kilos protesta, kaya naman karamihan sa kaniyang mga gawa ay nakalihis tungo sa mga isyung politikal.

Naniniwala naman siya na ang pagkapanalo niya ng 13 Artists Award ay hindi lamang isang parangal, kundi bilang isang pagkakataon.

“Hindi lang ako natuwa dahil sa award kundi pati na rin sa binukas na pagkakataon nito para mas lalong maipakita at maihatid ang gusto kong sabihin tungkol sa lipunan at sa ating bansa,” sabi ni Rodriguez.

Sa pagkapanalo nina Calubayan at Rodriguez, na ang layon ay maimulat ang mata ng mga tao, makikita na ang sining ay hindi lamang isang paraan ng pagpapahayag ngunit ito rin ay nakakapagpagalaw sa lipunan.

“Kailangan natin maging kritikal sa mga pangyayari ngayon. Tayo ay hindi simpleng manonood o bystanders. Dapat tayo maging aktibong kalahok,” sabi ni Rodriguez.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.