BINIGYANG-pugay ang yumaong pintor na si Oscar Salita sa isang eksibit na pinamagatang Beyond Words na itinanghal sa Beato Angelico Main Gallery mula ika-23 hanggang ika-30 ng Hulyo.

Sa pakikipagtulungan ng College of Fine Arts Student Council at Art Circle Gallery, ang eksibit ay binuo ng iba’t ibang dibuho ni Salita mula sa kaniyang mga unang taon bilang isang pintor hanggang sa katanyagan.

Nilipon ang mga ito mula sa mga iba’t ibang koleksiyon at sa Art Circle Gallery kung saan nakalagay ang karamihan sa kanyang mga gawa.

Kilala si Salita sa kaniyang mga obra kung saan ay walang mukha ang mga paksa. Ang mga oil-on-canvas niya ay may impluwensya ng cubism.

Karaniwan sa mga gawa ni Salita ay ang mga eksenang nagpapakita sa kulturang Pilipino.

Isang komunidad ng mga Pilipinong walang mukha’t naka-pambansang kasuotan at nagidiriwang sa tabi ng palayan ang ipinaloob sa “The Fiesta.” Ito ay sumasagisag ng kaligayahan sa paggamit ni Salita ng mga matitingkad at nakakaakit na kulay.

Tampok din ang mga eksena sa larangan ng palakasan tulad ng “Golf,” “Ice Hockey” at “Basketball.”

Mas binigyang-pansin ni Salita ang galaw at aksiyon ng kanyang mga tauhan dahil karamihan dito ay nakatalikod at kung nakaharap man ay walang mukha. Ginamit ni Salita ang iba’t ibang hugis at eksplisit at malinis na linya upang mabuo ang mga dibuho.

Nagtapos noong taong 1966 sa kursong Advertising, si Salita ay nalinang sa ilalim ng patnubay ng mga nangunang guro ng kurso tulad nina Vicente Manansala, Galo Ocampo at Roberto Chabet. Nakapagtanghal ng 16 na eksibit si Salita sa loob at labas ng bansa at isa siya sa mga nagtaguyod ng grupong Starving Artists. Siya ay naging fashion consultant bago naging ganap na pintor. Yumao si Salita noong Marso 6, 2012 sa edad na 70 anyos.

READ
SOCC shows the way

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.