ISANG Tomasino ang hihiranging “Blessed” ng Simbahang Katolika sa darating na Oktubre.
Ayon sa pahayag ng Vatican noong Hulyo 19, si Jose Maria de Manila, isang Capuchinong pari, kasama ng 500 pang Espanyol na martir, ay nakatakda para sa beatipikasyon sa Okt. 13.
Ang seremonya na gaganapin sa Tarragona, Spain ay pangungunahan ni Kardinal Angelo Amato, prefect ng Congregation for the Causes of the Saints. Tatawagin ang pari bilang “Blessed Jose Maria de Manila.” Si Jose Maria o Eugenio Sanz-Orozco, ang isa sa libu-libong martir na pinatay ng mga Espanyol sa Madrid noong Agosto 17, 1936 upang sugpuin ang Kristiyanismo sa bansa.
Ayon kay P. Eugenio Lopez, provincial minister ng Capuchin Philippine Province, magdudulot ng mahalagang pagbabago sa Simbahang Katoliko sa Pilipinas ang mangyayaring beatipikasyon.
“We have been a Catholic country for so long and we have only so far two saints, Lorenzo Ruiz and Pedro Calungsod and this one gives us a sort of a new impetus in our faith with Jose Maria de Manila,” ani Lopez.
Tomasinong tunay
Kinumpirma ni Prop. Regalado Trota Jose, archivist ng Unibersidad, na si Sanz-Orozco ay nag-aral sa UST noong taong 1894 hanggang 1895.
Batay sa kaniyang rekord, nag-aral si Jose Maria ng Pranses at nagtapos ng Bachelor of Arts sa edad na 14 noong Marso 19, 1895.
Ngunit bago lumipat ng Unibersidad ng Santo Tomas, nag-aral siya ng dalawang taon sa Ateneo Municipal de Manila kung saan niya tinapos ang una at ikalawang taon sa sekondarya noong 1890 hanggang 1892.
Ipinagpatuloy niya ito sa Colegio de San Juan de Letran noong 1892 hanggang 1894. Lumipat siya sa UST sa ikalimang taon.
“Lahat ng grado niya galing sa Ateneo at UST [ay] sobresaliente na nangangahulugang pinakamataas,” ani Regalado.
Dagdag niya, isang natural na proseso lamang ang paglipat ni Jose Maria galing sa tatlong paaralan.
“‘Yung higher courses talagang [kinukuha] sa UST, natural lang ‘yan. Parang high school tapos lumipat sa UST,” aniya.
Si Jose Maria ay ipinanganak noong Set. 5, 1880 sa Maynila kina Don Eugenio Sanz-Orozco, huling alkadeng Kastila sa Pilipinas at Doña Feliza Mortera y Camacho.
Bagama’t ang kanyang mga magulang ay Kastila, maituturing na isang “natural de Manila” si Sanz-Orozco. Nanatili siya sa Pilipinas hanggang 16 anyos at ipinagpatuloy ang pag-aaral sa Espanya.
“‘Natural de Manila,’ ibig sabihin dito siya tumira [at] ipinanganak dito sa Manila,” ani Regalado.
Sa Espanya siya pumasok sa pagpapari at noong Nob. 30, 1990 ay inordenahan bilang Capuchino.
Ani Lopez, ang pagmamahal ni de Manila sa kanyang pananampalataya ang naging susi upang maitakda si de Manila para sa beatipikasyon.
“His love for the Gospel, love for Christ, love for the church and his willingness to give his life for the mission of the Gospel, for the mission of Jesus, that is the main reason why actually he was being beatified,” ani Lopez.
Kinakailangan pa ng isang milagro upang ganap na maging santo si Jose Maria.
“In beatification, if you are a martyr, hindi kailangan ‘yung miracle but for canonization, kailangan ng miracle,” ani Lopez.
Binigyang-diin din ni Lopez na mas mapalalakas lamang ang pananampalatayang Katoliko dahil sa gaganaping beatipikasyon.“Sa bawat santo, banal na itinatanghal o ihinahayag ng simbahan nagkakaroon ng halimbawa sa pagsunod natin sa ating pananampalataya, [at] sa pagsunod natin sa ating Panginoon,” ani Lopez.
‘Pagmamahal sa bayang tinubuan’
Ayon kay Lopez, ang pagdagdag ni Sanz-Orozco ng “de Manila” sa kanyang pangalan noong siya’y pumasok sa buhay relihiyoso bilang Capuchino ay nangangahulugan lamang ng kanyang pagmamahal sa Pilipinas. “Filipino by heart, kasi even if he has been to Spain already, he still desires to go back to the Philippines and he did not drop in his religious name, he still placed there, ‘de Manila’. That was the practice before pero, actually hindi naman substantial yun pero he still took the name of Jose Maria de Manila,” ani Lopez.
Ani Lopez, ipinakita lamang ni Jose Maria na ang pagmamahal sa pananampalataya ay maiuugnay rin sa pagmamahal sa bayan.
“Kasi minsan tayo hindi natin naiuugnay yung ating pananampalataya sa pagmamahal sa bayan, parang separate entity siya eh, sa pamamagitan ni Jose Maria de Manila, nakikita natin na magkatugma, magkasama ‘yun, magka-ugnay ‘yung pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa sariling bayan,” aniya.