SA IKALAWANG pagkakataon, muling nagpakita ng angking talento ang mga dalubhasa sa sining ng musika, pagpipinta, at panulaan sa nakaraang Brushes with Words and Chords II ng Center for Creative Writing and Studies (CCWS), College of Fine Arts and Design (CFAD), at Conservatory of Music na tinanghal sa Museum of Arts and Sciences noong Hulyo 5.

Upang maipakita ang kagandahan ng pagsasama-sama ng tatlong sining, binigyan ng pampanitikang interpretasyon ang mga dibuho sa pamamagitan ng tula, na nilapatan naman ng musika habang binabasa ang mga ito.

Tatlong mukha sa loob ng isang kuwadradong nililok mula sa pilak ang ipinakita ng dibuho ni Benedicto Ducat na “Three Faces”, na siya namang binigyang-kahulugan ni Michael Coroza sa kanyang tulang “Nakakuwadrong Langit.”

Mula sa mga dibuhong “Cloud 9” at “Bunny Bone” ni Mark Salvatus, isang propesor sa CFAD, isinulat ni Ramil Digal Gulle ang “Bunny and Cloud” na nagmistulang panunuya ng mga larawan na saliwa sa marahang pagsasalarawan nito.

Nakakuha rin ng atensyon mula sa mga manonood ang dibuho ni Rhoda Recto na “Connecting,” na tinambalan ng tulang “Nexus: A Prayer” ni Ralph Semino Galan; ang dibuhong “New Impressionist” ni Buen Calubayan na sinamahan ng tulang “Christ is not a god. But TV is heaven. And your kiss is hell.” ni Lourd Ernest de Veyra; at ang dibuhong “Mayflower I” at “Mayflower II” ni CFAD Dean Jaime delos Santos, kasama ang mga tulang may parehong pamagat ni Dr. Ophelia Dimalanta, na siyang panghuling pagtatanghal sa palatuntunan.

Sa bawat pagbasa ng tula ng mga makata, maririnig ang iba’t ibang himig ng mga musikerong tumutulong sa pagkondisyon sa lugar ng malayang sining. Bilang pagtatapos, tumugtog si Music Dean Raul Sunico ng “Allegro de Concierto” na mariing tumanggap ng papuri mula sa mga manonood.

READ
Fiesta season lives on

Sa pamamagitan ng samu’t saring tula, dibuho at musika, naipakita ng mga manlilikhang Tomasino na patuloy pa rin ang kinang ng mga sining dito sa Unibersidad.

Makikita rin ang mga tula kasama ang mga dibuho bilang espesyal na tampok sa Tomas 9, ang opisyal na journal ng CCWS.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.