Halos magiba ang ikalawang palapag dahil sa takbuhan ng mga kapatid ko. Alam nga nilang tulog pa ako, hindi pa rin naiwasang mag-unahan sa pagbaba dahil mahuhuli na sila sa eskwela.
“Jed! Jenny! Baba na’t kumain na,” sigaw ni Nanay.
Si Nanay talaga, mapapagising ka sa sarap ng kanyang mga luto. Langhap kasi hanggang sa kuwarto ang amoy ng tocino, bacon, sinangag at itlog. Bagaman Biyernes ngayon at day-off ko sa trabaho, bumangon ako nang maaga kahit puyat ako sa nakaraang gabi. Kinuha ko ang robe ko’t tinungo ang komedor.
“Good morning, Ma. O, nasaan na sina Jed at Jenny?”
“Hi, ate. Wow, ang aga mong gumising. Gabi ka nang umuwi,” sabi ni Jenny.
O, Juri, matulog ka pa, maaga pa,” sabi ni Nanay.
“Maingay po kasi kayo, parang mayroon dalawang higanteng nag-uunahan sa ginto,” sabi ko kay Jenny. Natawa si Nanay.
Minsan lang kaming magsama nang ganito. Sabado’t Linggo lang ang pagkakataon naming magkita. Kadalasan, alas-singko pa lang ng umaga, wala na ako sa bahay. Malayo pa kasi ang bahay namin sa pinapasukan kong bangko.
Isa akong bank executive sa Makati at ako ang kumakayod para sa amin. Maaga kaming naulila sa ama.
Namatay si tatay noong sampung taong gulang pa lang ako. Kapapanganak lang ni Nanay noon kay Jenny nang maaksidente si Tatay kaya hindi na ito nakilala ni Jenny. Swerte pa nga si Jed dahil anim na taon na siya noon at kahit paano, nakasama niya si Tatay.
Kahit paano, tumutulong si Nanay sa mga gastusin. Malaking ginhawa rin para sa amin ang maliit na sari-sari niya. Dito kinukuha ni Nanay ang baon nina Jed at Jenny sa eskwela. Magtatapos na si Jed sa kursong Advertising samantalang nasa ikatlong taon ng high school si Jenny.
“Hi, ate! Kumusta ang pinakamagandang ate sa mundo?” biro ni Jed.
“Huwag mo akong lokohin, kumain ka na’t baka maubusan ka pa.”
Nakakatuwa talaga kaming magkakapatid. Sabi ni Nanay, para daw kaming mga bumbilya na nagbibigay liwanag sa bahay.
Pero dumarating ang panahon na napapagod ding magbigay ng liwanag ang mga bumbilyang ito.
Dahil ako lang ang inaasahan ng aking mga kapatid at ni Nanay, hindi ko namamalayang nakalimutan ko na pala ang aking sarili. Tulad noong isang linggo, bagong sweldo pa lang ako noon ngunit parang nilipad lang ang pera sa aking mga kamay.
“Ate! Periodical test ko na. P4,000 ang babayaran ko,” sabi ni Jenny.
“Ate! Wala pa akong pambili ng mga tech pens. Mga P1,600 yon. Kailangang-kailangan ko na yon mayroon na kasi kaming mga plates na gagawin,” wika naman ni Jed.
Wala akong magawa kundi ibigay ang kanilang mga hinihingi kahit bibili sana ako ng bagong damit na magagamit ko sa trabaho. Paulit-ulit na kasi ang isinusuot kong damit.
“O, heto na po. Jenny, ingatan ang pera at baka mawala. Wala na akong ibibigay sa’yo. Jed, siguraduhin mong tech pens ang bibilhin mo,” paalala ko sa kanila.
“Thanks, ate,” tugon nila, sabay halik sa magkabilang pisngi ko’t dampot ng kani-kanilang mga bag.
Hindi pa ako nakakaupo, heto naman si Nanay. Dala-dala ang orange, puti, at blue na papel. Mga bayarin sa kuryente, tubig at telepono.
“Juri, ang pambayad ng mga ito. P4,000 lahat-lahat. Alam mo namang ngayong panahon, lahat mahal na,” ani Nanay.
“Nay, di naman po ako nagrereklamo. Kaso lang wala na akong pambili ng bagong damit, kawawa naman ako,” pabirong tugon ko kay Nanay.
“Hayaan mo’t matatapos na rin si Jed, may makakatulong na sa iyo,” wika ni Nanay. “Pasensiya na’t mukhang nagiging pabigat na kami sa iyo.”
“Si Nanay talaga, ang drama. Okey lang yon. Mahal ko kayo kaya ko ginagawa ‘to,” sabi ko.
Nagulat na lang ako nang kinurot ako ni Jed. Mauubusan na pala ako ng paborito kong bacon.
“Uy, si Ate. Ang aga-aga ng daydream. Iniisip ang mga manliligaw niya,” biro ni Jed.
“Sino ba sa kanila, ate?” sunod ni Jenny.
“Tigilan niyo ang ate ninyo, baka inaantok lang yan,” saway ni Nanay.
“Iniisip ko kasi kung kailan kaya ako makakabili ng blazer. Dapat kasi noon pa ako nakabili,” tugon ko.
Nagulat ako nang abutan ako isang kahon ni Nanay. Inisip ko kung ano ang laman ng kahon at walang sabi-sabi, binuksan ko ito. Itim na blazer . Maganda at mukhang bagay sa akin. Inabot naman ni Jed ang isang maliit na kahon. Binuksan ko rin ito. Silver anklet naman ang laman. Bago pa ako makapagsalita, iniabot naman ni Jenny ang isang bag. Silver bracelet naman ang laman ng bag.
“Para saan ito? Suhol?” biro ko.
“Happy birthday, Ate Juri!” sabay-sabay na sabi nila.
Hindi ko namalayang dumating na ang aking kaarawan. Pinasalamatan ko sila at hinalikan sila isa’t-isa. Inilabas ni Nanay ang cake at saka sinindihan ang kandila.
“Wish muna, ate,” paalala ni Jenny.
Hindi ko na sinabi ang hiling ko. Hinipan ko na lamang ang kandila. Masaya ako’t kahit paano, naalala nila ang isa sa mahahalagang araw sa aking buhay.