Ang komiks ay isang pinagsanib na midyum na may aspetong nakatalaga sa mga letra at larawan. Sa pamamagitan nito, maaaring mas maging epektibo ang paglalahad nito ng kuwento dahil sa mga mambabasa.
Ngunit dahil sa pagsaklaw nito sa dalawang magkaibang uri ng sining, isa pa ring malaking debate kung ito ay maituturing ba bilang isang panitikan o isang sining biswal.
Ang isyu na ito ay malawak na pinagdedebatehan at ang mga kartunista ay mga iba’t ibang kuru-kuro ukol dito.
Amalgamasyon?
Ayon kay Andrew Villar na siyang mayguhit ng komiks na Ambush na makikita sa Manila Bulletin, ang komiks ay sining biswal sapagkat ang mga guhit mismo ang nagsasalita upang maihatid ang isang malinaw na mensahe sa mga mambabasa.
“Nagpapakita ito ng mga larawan na nagbibigay buhay sa karakter, ngunit kasing importante din nito ang berbal na aspeto dahil ito ang bumubuo at naglalathala ng istorya,” aniya.
Dagdag pa niya, ang komiks ay kuwento, pero ito ay ipinapakita sa pamamagitan ng larawang tuloy-tuloy o sequential art.
Ayon naman kay Julius Villanueva, na mayguhit ng Life in Progress sa Manila Bulletin at nagtapos sa Faculty of Arts and Letters sa Unibersidad, ang komiks ay may storytelling potential na wala ang pelikula at panitikan.
“Bawat linya, may kahulugan. Pwedeng magpahiwatig ng emosyon o saloobin ng karakter o magbigay ng tono ng kuwento,” aniya.
Tingin naman ng editor ng PSICOM Publishing na si Alexie Cruz, hindi kailangang bigyan ng klasipikasyon ang komiks sapagkat hindi siya berbal o biswal na sining lamang.
“Ang komiks ay laging magiging parte ng literatura na kung saan kailangang magsama ang parehong berbal at biswal upang mabuo ang isang kumpletong karanasan,” aniya.
Mayroon din namang mga komiks na gumagamit ng estilong pantomime na walang speech balloon. Isa sa mga iyon ay ang 12 ni Manix Abrera, na mayguhit din ng Kikomachine Komix! na regular na lumalabas sa Philippine Daily Inquirer.
Panitikan nga ba?
Ikinalulungkot naman ng ibang mga komikero ang hindi pagtanggap ng ibang mga kritiko sa komiks bilang isang sining.
“Minsan may kinausap ako sa CCP para sa isang proyekto, nung nalaman niya na komiks, di na siya sumagot,” ani Villar. “Sa akin kasi, importante na gumawa na lang ng kuwento, gumawa na lang ng komiks para maibahagi sa iba ang trabaho ko, di ko na pinapansin kung tawagin siyang panitikan o hindi.”
Ayon naman kay Villanueva, hindi dapat agad husgahan ng mga mambabasa ang isang komiks.
“Ang komiks ngayon ay may stereotype na akala nila ay isa itong adolescent power trip na hatid ng superhero komiks, o kaya naman isang children’s book dahil nabababawan sila sa kombinasyon ng teksto at guhit,” ani Villanueva.
Dagdag pa niya, ang komiks ay isang katangi-tanging midyum na puwedeng maghatid ng iba’t ibang uri ng kuwento, hindi lamang puro superheroes at fantasy.
Ayon naman kay Stanley Chi, na mayguhit ng Chopsticks, dapat daw natin panatilihing bukas ang ating isip pagdating sa ganitong malalawak na isyu.
“Maraming natutong magbasa dahil sa komiks at maraming nilikhang mga obra dahil sa komiks na ngayon ay napapanood mo na sa tv, at pelikula.” ani niya. “Isa itong paraan upang mahikayat ang tao na magbasa at mapalawak ang kaniyang imahinasyon.”
Para naman kay Villar, wala siyang oras para makipagtalo sa mga taong humuhusga sa komiks at nagsasabing hindi ito panitikan.
“Ang komiks ay kuwento, yun lang ang masasabi ko.” JAN DOMINIC G. LEONES at AZER N. PARROCHA