02:58 ng umaga. Dalawang minuto mula ngayon, eksaktong dalawang taon na ang nakalilipas mula nang magpaalam kami ni Jake sa isa’t isa. Hanggang ngayon, sariwa pa ang mga alaala, hanggang ngayon dinudurog pa rin ang aking damdamin; at hanggang ngayon, hindi pa rin ako dinadalaw ng antok mula nang humiga ako kanina sa’king kama.
Ika-pitong beses na akong iinom ng pampatulog ngayong gabi. Sayang at kailangang maudlot ang pagkakatitig ko sa kisame dahil alam kong kailangan na ng utak ko na magpahinga at ng damdamin ko na magparaya. Makakatulog ang aking katawan at maiibsan ng gamot ang aking nararamdaman. Ngunit batid kong bukas, sa pagdilat ng aking mga mata, nandito pa rin ang sakit na aking nadarama. Sana hindi na ko magising mamaya.
Binasag ng tunog ng orasan ang katahimikan. Alas tres empunto na. Sa wakas, nakatulog na ko nang mahimbing.
Tumindig ang aking mga balahibo. Isang masamang panaginip ang gumising sa’king pagkakahimbing. Alas tres na ng madaling araw, ‘saktong dalawang taon na pala ang nakararaan mula ng maghiwalay kami ni Ly.
“Hindi niya lang alam kung gaano ko pa rin siya kamahal hanggang ngayon.”
Maaga pa, pero kahit anong pilit ko, hindi ko alam kung bakit hindi na ko makatulog.
Rrrrrriiiiiing……
Ngayon ko lang yata naunahan ng gising ang alarm clock ng cellphone ko dahil hindi na ako nakatulog mula kanina. Mas mabuti nang pumasok ako sa eskwela nang puyat pero maaga kaysa naman puyat na nga, late pa tulad ng mga nakasanayan ko na.
Dating gawi; papasok sa eskwela, magbabarkada, iinom, uuwi, kakain at matutulog, pagkatapos papasok na naman. Paulit-ulit at nakakasawa, alam kong wala na kong patutunguhan. Hindi naman ako ganito dati, hindi naman ako ganito dalawang taon na ang nakararaan.
Hindi ko maiwasang isipin si Ly dahil sa’king panaginip kanina. Gusto ko siyang i-text ngunit may pumipigil sa’kin–bakit ko naman gagawin ‘yon? Ano bang namamagitan sa aming dalawa?Ano ko ba siya at ano ba naman ako para sa kanya? Baka isipin lang niya na naalala ko ang araw na ‘to, na inaalala at mahal ko pa rin siya hanggang ngayon.
Sa huli, nanaig ang aking pagkabahala, tinext ko si Ly pero hindi siya nagreply, kalahating oras ang lumipas, isang oras, dalawa, tatlong oras pa, tatlong oras at kalahati ang nagdaan pero wala pa rin siya ni anong sagot.
Higit akong nabahala, gusto ko na siyang tawagan ngunit may pumipigil sa akin–bakit ko naman gagawin ‘yon? Ano bang namamagitan sa aming dalawa? Ano ko ba siya at ano ba naman ako para sa kanya? Baka isipin lang niya na naalala ko ang araw na ‘to, na inaalala at mahal ko pa rin siya hanggang ngayon.
“The number you have dialed is either unattended or out of coverage area. Please try your call later.”
Sa huli, nanaig pa rin ang aking pagkabahala, tinawagan ko si Ly pero unattended ang phone niya. Wala na akong nagawa. Kunsabagay, baka ayaw na niya kong makausap pa.
Alas singko y media na pala, isang araw na naman ang nagdaan pero parang wala akong natutunan sa mga pinag-aralan namin kanina.
“Pare gimmick naman tayo. Sasama raw sina Mich at Belle. Maraming pang chikas do’n.” Nag-aayang gumimik ang barkada pero wala ako sa mood para lumabas at magsaya, uminom tapos sumuka at makipagkilala saka mangulila–kay Ly.
Riiing-riiing…riiing-riiing…
“Hello”
“Jake, kailangan nating mag-usap. Magkita tayo mamayang ten, doon sa dati. Goodbye.”
Bago pa ko nakapagsalita, naibaba na ni Ly ang telepono.
Alas nwebe na pala ng gabi. Nakatulog pala ako nang humilata ako kanina sa magulo kong kama galing sa eskwela.
Maganda pa rin ang kaniyang boses at malumanay pa rin siyang magsalita. Ngunit ang kaniyang tinig, may lungkot na dinadala.
Ano naman kayang pag-uusapan namin? Naalala kaya niya ang araw na ‘to? Inaalala at mahal pa rin kaya niya ako hanggang ngayon?
“Haha! Tama na ang ilusyon. Kaya nga ako nakipaghiwalay sa kaniya, dahil mayroon na siyang iba.”
Mahilig kami ni Ly kumain. Pagkain ang isa sa mga nagbuklod at nagpatatag ng aming samahan. Paborito namin ang chocolate cake at hot coffee lalo na pag-umuulan o malamig ang panahon.
Sa isang coffee shop kami magkikita, tatlong kanto mula sa amin. Dito kami madalas kumain at mag-usap, kung minsan sumasama ang best friend niyang si Hannah.
Hindi na masyadong matao. Hindi ko siya agad nakilala. Ang akala ko nga mauuna ako dahil 20 minutes advanced ako kaso mas maaga pa pala siya. Nakaupo s’ya sa madalas naming pwesto–sa isang sulok na hindi matao at pandalawahan lang, na kung minsan nagiging pantatluhan. Dahil nakita ko na siya, palagay na ang aking kalooban.
Hindi nagbago ang kagandahan ni Ly. Humigit ito lalo sa suot niyang puting bestida. Mas maitim ang buhok niya kaysa dati. Ngunit ang mga mata naman niya, tila may nangingilid na mga luha, pilit ikinukubli, at ang mga labi niya–may pait na dinadala.
“Sory ha, naunahan mo na naman ako.” Ang nakangiti kong bati sa kaniya pero sa aking dibdib nagtatago ang pag-aalala at kaba.
“Ayos lang ‘yon.”
“Ano nga palang gusto mo?”
“Yung katulad na lang ng dati.”
Matipid siyang magsalita ngayon. Dumating ang waitress.
“May I take your order sir?”
“Two slices ng dark choco cake, one decaffeinated Mocha Latte and Café Mocha with extra shot. ”
“Okay. Your order will be served in a moment sir.”
Wala akong balak sabihin sa napanaginipan ko kagabi pero wala akong ibang masabi. Bahala na.
“Alam mo, napanaginipan kita kagabi. Malungkot ka raw at hindi makatulog kaya uminom ka ng maraming sleeping pills.”
“Talaga? Ang weird naman ng panaginip mo.”
“Sir, heto na po ‘yung order n’yo.”
“Salamat.”
“Ah…ano nga palang pag-uusapan natin Ly?”
“Gusto kong magtapat ka. Mahal mo ba si Hannah?”
Nagulat ako sa tanong niya.
“Hindi.”
“Paano ko malalamang nagsasabi ka ng totoo?”
“Iniisip mo bang kaya ako nakipaghiwalay ay dahil may mahal na kong iba? Na siya ang minamahal ko?”
“Dahil ‘yun ang mga sinabi niya sa akin.”
“Hinidi totoo ‘yan! Hindi mo lang alam kung gaano ako nasaktan. Bawat gabi walang ibang laman ang isip ko kundi ikaw. Sa loob ng dalawang taon nangungulila ako sa iyo, Ly. Siya ang nagsabing sa’king may iba ka nang mahal. Ayaw mo lang makipaghiwalay dahil ayaw mo kong masaktan. Hinihintay mo lang na matapos na tayo…at dahil mahal kita, ibinigay ko ang kalayaan para maging masaya ka.”
“Hindi ‘yan totoo. Ikaw lang ang minahal ko Jake. Iniisip kita bago ako matulog. Bawat araw sariwa ang mga alaala, at bawat gabi, dinudurog pa rin ang loob ko.”
Umaapaw ang galit ko kay Hannah. Namumuhi ako sa kaniya. Makakapatay yata ako ng tao.
“Niloko niya tayo. Ginago niya tayo. Pero, hindi pa naman huli ang lahat. Magsimula tayong muli Ly. ”
“Patawarin mo ko Jake, huli na ang lahat sa atin.”
“Hindi kita maintindihan. Mahal pa rin naman natin ang isa’t isa, bakit mo nasabi yan?”
“Jake gusto kong tandaan mo ‘to. Ikaw lamang ang aking minahal at mamahalin. Naibsan na ang aking pagdadalamhati. Maraming salamat sa wagas na pag-ibig na iyong inalay at sa lahat ng mga pinagdaanan natin. Sabihin mo sa aking matalik na kaibigan, napatawad ko na siya at hindi magbabago ang aming pagsasamahan. Kung hindi man tayo para sa isa’t isa sa panahong ito–hihintayin kita. Paalam.”
“Bakit? Aalis kaba? Hindi kita maintindihan.”
Riing-riing…riing-riiing…
Mula sa mesa nakita ni Ly na tumatawag si Hannah sa cellphone ko.
“Sagutin mo na Jake.”
“Excuse me.”
“Anong kailangan mo, Hannah?”
“Si Ly…si Ly wala na Jake.”
“Alam na namin ang katotohanan.”
“Si Ly patay na. Nagpakamatay siya kaninang madaling araw–overdose ng sleeping pills.”
“Ano?”
Tumayo ang aking mga balahibo. Ayaw kong maniwala ngunit sa aking paglingon, wala na si Ly. Tumulo ang mga luha mula sa aking mga mata.
Nang gabing iyon, hindi ko na pinaghintay pa si Ly. Tinapos ko na ang aming pangungulila. Sa wakas, magsasama na rin kami ng wagas.
Montage Vol. 10 • December 2006