Ganito tayo nabubuhay:
Binibilang natin ang mga araw,
At maaari nating ikatuwa,
O ikabahala ang pagtanda.
Tayo’y mga sakop ng panahon.
Nalalaman natin ito kasabay
Ng kamalayan ng oras
Ng almusal, ng paglalaro,
Ng pananahimik, ng pagkainip.
Nananatiling buo at malawak
Ang panahon, isang laging
Nariyan at hindi matatakasan.
At walang saysay layuan
Ang hindi naman matatakasan.
At walang saysay layuan
Ang hindi naman humahabol.
Gaya ng mga alon, nasasabi
Ng tao: “Nalagpasan ko yun!”
Pero ang mga alon doon
Ay mga alon ditto: iisa, buo.
Parang panahon, nariyan,
Ngunit pwede ring wala.
Kaya makikibaka tayo para
Patunayan kung anong
Mayroon sa dulo niyon.
Hanggang magugol natin
Ang buong buhay sa pag-asam
Sa kung anong nawawala.
Hanggang sa huli,
Kapag natanggap nating
Lipas na ang dating umaga,
Tayo’y babangong tumatawa
Sa kalagitnaan ng gabi.
Nagtagumpay ang panahon,
At nakakatawang malamang
Wala palang dahilan
Ang lahat ng ating ginawa.

Montage Vol. 10 • December 2006

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.