TINUTUTULAN ng ilang mga lider-estudyante ang malawakang pagpapatupad ng mga alituntuning sa haircut at grooming, dahil ang mga ito diumano ay ginagamit ng mga opisyal ng Unibersidad upang hindi sila bigyan ng edukasyon na bayad na ng mga estudyante at magulang.

Matatandaan naging malaking usapin ang haircut at grooming policy nang magreklamo ang ilang mag-aaral ng programang AB-BSE ng Fakultad ng Sining at Panitik at ng College of Education dahil binawalan sila ng gwardiya ng Education Bldg. na makapasok dahil diumano’y mahaba ang kanilang buhok.

Sinasabi ng mga lider-estudyante na ang pagbabawal sa mga estudyanteng makapasok sa mga gusali at makapunta sa kanilang mga klase dahil sa napakababaw na katwiran na nilabag nila ang haircut at grooming policy ay mistulang “estafa.” Nagbayad ng napakalaking tuition ang mga estudyante sa Unibersidad ngunit hindi nagbibigay ang UST ng serbisyo na bayad na ng napakalaking halaga, ani ng mga estudyatente.

Kamakailan lamang, hiniling ng mga lider-estudyante ng AB ang pagbabasura ng haircut at grooming policy dahil wala ito diumanong kaugnayan sa kalidad ng edukasyon.

“Napagkasunduan ito ng Konseho at Board of Majors matapos ang pagpupulong kasama ang dekano at ang mga miyembro ng Students Welfare Development Board (SWDB) ng fakultad,” ani John Christian Valeroso, pangulo ng konseho ng AB.

Naniniwala si Valeroso na maaari pa rin makapagtamo ng karangalan ang isang estudyante anuman ang hitsura ng buhok nito.

“Importante sa lahat na masipag mag-aral, may takot sa Diyos at wastong prayoridad ang isang estudyante, hindi na kailangang usisain pa ang gupit ng buhok,” ayon kay Valeroso.

Taliwas naman ito sa pananaw ng tagapag-ugnay ng SWDB sa AB na si Florencia Ledesma, na nagsabing wala namang naging problema ang board of majors ukol sa patakaran sa buhok.

READ
A real working council this year, CSC pledges

“Hindi naman kasi ang board of majors at miyembro ng Konseho ang may mahahabang buhok,” ani Ledesma. “Hindi rin kabilang sa naisagawang pagpupulong ang karamihan ng mga estudyanteng mahahaba ang buhok.”

Noong Hulyo, nagpadala ng liham ang ABSC at board of majors sa Dekano Armando de Jesus at SWDB na nagpapahiwatig na hindi sila sang-ayon sa haircut policy. “The policy contradicts the nature of liberalism of the Faculty of Arts and Letters (and) does not determine a student’s academic performance nor does it define a student’s intellectual capacity,” ani ng liham.

Dagdag pa ng liham: “Freedom of expression can be manifested in numerous ways and hairstyle is one of them.”

Tugon ni Ledesma na higit na makakabuti kung susunod sa patakaran ang mga estudyante, tutal marami naman sa kanila ang maikli ang buhok. Dagdag pa niya, kinakailangan din naman nilang magpagupit oras na magtapos sila dahil ito ang isa sa mga pamantayan ng mga kumpanya.

“Ngunit hindi rin namin maitatanggi ang karapatan ng mga etsudyante sa pagpapahayag ng kanilang sarili lalo na dito sa Fakultad ng Sining at Panitik,” sabi ni Ledesma.

Gayon pa man, ayon kay de Jesus, ang pormal na panukala ni Valeroso at ng board of majors ay dumaan sa Academic Senate pagkatapos nitong maipasa sa Rektor. Dagdag pa ni De Jesus, ang Academic Senate ang siyang magpapataw ng huling desisyon at kamakailan, napagpasyahan na mananatili ang AB sa pagsunod sa panuntuhan sa buhok.


College of Fine Arts and Design

Sa College of Fine Arts and Design (CFAD), tinuligsa ng mga estudyante ang “mala-Pasistang” pagpapatupad ng haircut at grooming policy, na diumano’y labag sa kalayaan ng artistikong paglalahad na kailangan sa pag-aaral ng sining.

READ
Students join initiative vs 'pork'

“Sinusupil nito ang karapatan namin sa malayang pamamahayag.” Ani Jo-Anne de Borja, isang Advertising junior.

Ayon naman kay P. Edgardo Alaurin, O.P., rehente ng Kolehiyo, matagal nang may patakaran ang CFAD hinggil sa mga mag-aaral nito.

“Hindi nilalabag ng patakarang ito ang kanilang karapatan na ihayag ang kanilang mga sarili,” ani niya. “Kaayusan sa panlabas ang nais kong ipabatid sa bawat estudyante ng kolehiyong ito.”

Pinuna ni Alaurin ang aniya pagiging iresponsable ng mga mag-aaral sa pagkakaroon ng mahahabang buhok, na hindi naman nila magawang ayusin o suklakin.

“Hindi ba mas may pribilehiyo ang mga estudyante namin kumpara sa ibang mga kolehiyo na talagang bawal ang mahabang buhok?” ani Alaurin. “Sa ibang kurso, hanggang sa may kuwelyo lamang dapat ang buhok at bawal na kapag lumagpas doon, samantalang sa amin, kahit gaano kahaba ay pupuwede.”

Samantala, mariin namang binatikos ng mga mag-aaral ng Fakultad ng Sining at Panitik ang kontrobersyal na probisyong PPS 1027 ng Student Handbook kung saan ino-obliga nito ang bawat mag-aaral na pumirma sa isang waiver bilang pagsang-ayon sa nasabing alituntunin bago pormal na makapagpatala sa pasukan.

Para naman kay associate professor Jaime de los Santos, dekano ng CFAD, kaakibat ng responsibilidad ang konsepto ng kalayaan sa pagpapahayag ng sarili.

“Kahit nga sa pagkain may responsibilidad rin. Sa tingin mo ba magandang tingnan ang kumakain ng makalat? Siyempre hindi,” ani De los Santos. “Hinahayaan namin ang aming mga estudyante’t propesor sa pagpapahayag ng kanilang sarili, at ang mga bagong patakaran namin ay isang patnubay lamang tungo sa mas malugod na imahe ng kolehiyo.”

Mga guwardiya, nadidiin

Dahil sila ang nagpapatupad ng haircut at grooming policy, nadidiin ang mga gwardiya.

Ayon kay Clemente Dingayan, hepe ng Security Office ng Unibersidad, bagamat maraming hindi sumusunod sa mga paala-ala ng mga guwardiya, sinisikap pa rin ng mga ito na ipaunawa sa mga estudyante ang bawat patakaran.

READ
Panitikang lalong tumingkad bilang pelikula

“Nirerespeto namin ang desisyon ng mga nakakataas sa kagustuhan nilang disiplinahin ang mga estudyante pati na rin ang mga guro,” ani Dingayen. “Kaya kung may mga paglabag sa patakaran at ayaw nilang sumunod, ginagawan namin ito ng ulat at ibinibigay namin sa kanila.”

Subalit sa ilang pagkakataon natatakot o napapahiya ang mga estudyante dahil sa agresibo ng pagpapatupad ng mga guwardiya sa mga patakaran.

“Karaniwang kapag may mga ganitong pangyayari, ipinararating namin ang hinaing ng mga estudyante sa Office for Student Affairs,” wika ni Dingayan.

Ayon naman kay Prop. Anita Garcia, tagapangasiwa ng Student Welfare and Development Board: “Dumidiretso sa amin ang lahat ng hinaing ng estudyante sa isang empleyado o gwardiya dahil kami ang nangangalaga sa kapakanan ng mga estudyante.”

“At minsan may mga pagkakataon ng kailangan kong makaharap ang estudyante at gwardiya sa isang masinsinang pag-uusap.”

Dagdag ni Garcia, sa pakikipag-usap sa dalawang partido ipinapakita sa estudyante ang trabahong kailangan gampanan ng isang gwardiya.

“Sa pakikipag-usap ko sa estudyante, lagi kong binibigyang-diin na tao rin naman ang ating mga guwardiya katulad natin at galing sa mahihirap na pamilya ang karamihan sa kanila,” ani Garcia. “Pero siyempre hindi pinagwawalang bahala ng Office for Student Affairs ang anumang ipinapakitang maling asal ng mga gwardiya.”

“Ang mga estudyante pa rin naman ang una naming iniisip lalo na ang kanilang kaligtasan at kapakanan dito sa ating Unibersidad,” ayon kay Garcia. “Wala namang hindi madadaan sa maayos na usapan, kailangan lamang talaga ng pagpapasensiya sa lahat ng bagay.” Hershey D. Homol, Jonathan Eli A. Libut at Carla Rose R. Malupeng

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.