KUNG may lingua franca man ang mga Pilipino, hindi raw ito Ingles o Filipino kundi Taglish. Ito ang obserbasyon ng mga taga-Kanluran, magmula Wikipedia hanggang Varieties of English Around the World ni Roger Thompson. Taglish daw ang talagang salita natin. Makipag-usap ka sa isang Pinoy at hindi ito mapapabulaanan.
Kadalasang sinasabi na kakulangan sa pagkabihasa sa Ingles o Filipino ang dahilan lang bakit nagta-Taglish tayo. Isa pa, pinilit umano ang mga hindi Tagalog na mas bihasa sa Ingles na mag-Filipino kaya hybrid Tagalog-English ang lumalabas sa bibig. Wala ring linaw kung anong salita o baybay sa Filipino ang katanggap-tanggap kaya walang kaayusan sa wika. Kung bakit pa naman isa sa mga pinakamahirap kontrolin ang sinasalita ng tao.
Ngunit bakit pati mga lingguwistiko sa purong Ingles o purong Filipino nagta-Taglish kung hindi pormal ang usapan?
Sa natutunan ko sa Filipino Philosophy, salamin ang wika ng kultura at pag-iisip ng mga nagsasalita nito. Dahil laki tayong mga Pilipino sa globalisadong mundo, information technology, at westernized education, ‘di maiwasang humalo ang salitang banyaga sa ating komunikasyon. Dahil westernisado na ang kultura natin, pati salita sumusunod. Mixed identity kaya mixed din ang salita.
Lahat pati ng midyum mula radyo hanggang telebisyon nasa Taglish. Kung dati purong Ingles ang advisory na ibinibigay ng Globe, ngayon Taglish na. Pati talumpati ng Pangulo sa masa Taglish na rin.
May Taglish kasi na praktikal gamitin, gaya ng “paki-print naman ng report.” Sasabihin pa bang “pakilimbag/imprinta naman ng ulat”? Kadalasang tinatanong na “nagawa mo na ba homework mo?” sa halip na “nagawa mo na ba ang takdang-aralin mo?” Bagaman mas tama ang “takdang-aralin,” bihira na itong gamitin at baka sagutin ka ng Love Radio na “kailangan pa bang i-memorize ‘yan?” Kung sa Ingles mo naman sasabihin sa Pinoy na kausap at hindi naman pormalan, magmumukha kang nagpapaka-coño.
Kung makakasira sa tuluyan o natural na komunikasyon ang isang salita, baka naman hindi na nararapat. Sa usage o practice naman kasi nakadepende ang pagkahusto ng salita. Kung wala na sa use o practice, hindi na communicable.
Bukod pa rito, may mga tinutumbok na natatangi lamang sa Ingles o Filipino kaya nangyayari ang code-switching. Gaya ng Ingles na “honey” at “sweet.” Gayundin ang Filipinong salita na “nagdadalang-tao.” Sa Ingles “pregnant” lang ang katumbas. Sa wika natin, malinaw na tao na ang nasa sinapupunan.
Dahil malaro ang salita sa Taglish, nauso rin ito para cute o bakla ang dating. Andyan ang “gets mo?” “wow ang cool,” “‘di carry ng powers ko,” “correct ka d’yan,” “game ka na ba?” at “ma-beauty pa rin.” Pero may Taglish na masakit sa tenga. Kadalasan, ito ‘yung ang istruktura ng sinabi nasa Ingles, biglang ihahalo sa Filipino. Gaya ng “you will not iwan ha?” o “don’t make hanap na.”
Totoo, wala naman talagang purong wika. Patuloy ang ebolusyon ng mga ito sa mga paghalo-halo. Ang mga “barbarong” salita noon ng mga Angles at Saxons, Franks, at Goths, nahaluan ng Latin bago naging Ingles, Pranses, at Espanyol. Kahit wika natin hindi ba’t halos kinuha na sa Espanyol? Ngayon, tanggap na ang Chavacano, na bastardized Spanish noon. Siguro darating ang panahon na magiging tanggap ang ilang pagta-Taglish. Bukas naman talaga ang wika natin sa banyaga, kaya mula “Pilipino” naging “Filipino.”
Posible naman ang pagsasaayos ng Taglish. Kadalasang kinakabit ang unlapi sa Ingles na salita o inulit na unang tunog nito. Halimbawa, “magda-drive ako” at “magswi-swimming sa beach” sa kanta ng Eraserheads na “Overdrive.” Baka nga isang paraan ang Taglish para mag-adapt ang Filipino sa postmodernong panahon. Puwede itong tingnan na ekstensiyon ng Filipinisasyon, huwag lang ipagkakamali sa tunay na Ingles at tradisyonal na Tagalog.