BAKIT mo hahayaang manipulahin ng sigarilyo ang iyong buhay?
Ito ang tanong na ibinato ng tagapangasiwa ng UST Health Service na si Dr. Maria Salve Olalia sa mga Tomasinong naninigarilyo, habang tinawag niyang “kabalintunaan” ang apat na taong nang ipinatutupad na no-smoking policy sa loob ng Unibersidad.
“Hindi maaring sabihin ng UST na smoke-free ito habang ang mga estudyante ay malayang nakapaninigarilyo sa labas lamang ng kampus,” ani Olalia.
Sinabi ni Olalia na ang layunin ng No-Smoking Policy na ipinatupad noong 2003 ay upang pigilan ang mga Tomasino sa paninigarilyo.
Dinagdag pa ni Olalia na malapit sa mga karamdaman sa puso at baga tulad ng emphysema at pneumonia ang mga taong mahilig manigarilyo.
Ayon sa 2004 National Nutrition and Health Survey, lumalabas na 34.8 porsyento ng mga Pilipinong naninigarilyo ay nag-uumpisang manigarilyo sa edad na 20, mas mataas kung ikukumpara sa 32.7 porsyento noong 1998. Bukod dito, tinatantiyang higit 30,000 Pilipino ang namamatay kada taon dahil sa lung cancer at iba pang karamdamang sanhi ng paninigarilyo.
Ngunit para kay Rowena Juan, isang manlalako ng sigarilyo sa may Dapitan ang bisyong ito ang tumutulong sa kanya na mairaos ang pang-araw na buhay. Kumikita siya ng P300 sa isang araw sa pagbebenta lamang ng sigarilyo.
Tinuturo namang dahilan ni John (hindi niya tunay na pangalan), isang estudyante ng Medisina, ang stress at peer pressure bilang mga pangunahing dahilan sa pagkalulong ng mga estudyanteng tulad niya sa nasabing bisyo.
Gayunpaman, umaasa si Olalia na sa pamamagitan ng mga no-smoking posters na kanilang ipinaskil sa buong Unibersidad noong mga nakaraang buwan, mapagtatanto ng mga Tomasino ang masamang dulot ng paninigarilyo sa kanilang kalusugan.
“Ang nakakalungkot dito, alam ng mga estudyante na masama ang paninigarilyo. Kulang lamang sila ng motibasyong ihinto ang bisyong ito,” ani Olalia.
Kailangan lamang maisip ng mga Tomasinong maninigarilyo na ito ay hindi hindi isang ordinaryong bisyong-pangkalipunan ang paninigarilyo kundi isang sakit na kailangang mapuksa, ayon kay Olalia.
“Patuloy na gumagawa ang Unibersidad ng mga hakbang upang maitaguyod ang mabuting kalusugan ng bawat Tomasino. Subalit ang huling pagpapasya tungkol sa usapin ng kanilang kalusugan ay nakasasalay pa rin sa mga estudyante,” ani Olalia.