IPINAGDIWANG ng Kardinal Gaudencio Rosales ang kanyang ika-75 kaarawan kasabay ang hiling ng Santo Papang manatili siya bilang pinuno ng Arkediyosesis ng Maynila.

Sa isang liham, hinimok ng Papa Benito XVI si Rosales na ipagpatuloy ang kanyang paglilingkod sa Arkediyosesis ng Maynila, bagamat nakasaad sa batas ng Simbahan na kailangang magretiro ang mga obispo sa itinakdang edad na 75.

Isinumite ni Rosales ang kanyang liham ng pagreretiro sa Santo Papa noon pa lamang Hunyo 10. Saa sulat na ito, ipinahayag ni Rosales ang kanyang pasasalamat sa Birheng Maria at sa Simbahan na nagbigay sa kanya ng karangalang maglingkod sa Simbahan bilang obispo sa loob ng 33 taon.

Ipinaabot ng kardinal ang kanyang liham ng pagreretiro ng mas maaga upang bigyang daan ang wastong pagpili ng Arsobispong hahalili sa kanya. Ayon kay Rosales, itututon niya ang kanyang buhay matapos ang pagreretiro sa pagdarasal, pagninilay-nilay, at pagsusulat, ngunit una pa rin sa mga planong ito ang kanyang pagsunod sa kagustuhan ng Diyos at sa kasiyahan ng Santo Papa.

Kasabay ng kanyang kaarawan noong Agosto 10, hiniling ni Rosales ang isang linggo ng pagdarasal at pagninilay-nilay sa kanyang buhay at ministeryo sa Simbahan.

Pagtitiwala’t pagdududa

Sa isang Misa para sa kaarawan ng kardinal noong Agosto 8, ihinayag ni Kardinal Ricardo Vidal ng Arkediyosesis ng Cebu ang kanyang pagkagalak at pasasalamat sa Diyos sa pagkakaroon ng simbahan ng isang alagad na katulad ni Rosales.

“Nagpapasalamat ako sa Diyos sa kanyang pagpapadala ng isang taong nagbigay ng bagong pananaw hindi lamang para sa (Arkediyosesis ng) Maynila kundi pati na rin sa buong Pilipinas,” ani Vidal sa kanyang sermon.

READ
Church still has power

Tinukoy din ni Vidal ang naiibang pagtugon ni Rosales sa mga pangangailangan ng mga mahihirap sa Arkediyosesis ng Maynila mula nang manungkulan siya bilang kardinal rito.

“Malinaw na ipinakita (ni Rosales) ang kahulugan ng pagiging Simbahan ng Mahihirap sa pamamagitan ng paglulunsad ng Pondo ng Pinoy,” ani Vidal na minsang binansagan si Rosales bilang “Cardinal Dency.”

Sa naturang Misa, ibinahagi rin ni Rosales ang kanyang buhay bilang isang pari at obispo sa Batangas, Maynila, Antipolo at Bukidnon, ayon sa www.rcam.org. Aniya, ang kanyang buhay bilang ministro ng Simbahan ay puno ng pagdududa mula noong ordinahan siya bilang pari noong Marso 23, 1958, hanggang sa pagtanggap niya sa posisyon bilang Arsobispo ng Maynila, ngunit nalampasan niya ito sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos.

“Malinaw sa akin ang tawag ng Panginoon, at mas mataas ito sa tawag ng bokasyon ng pagiging pari at Obispo, at ito ay ang pagsasabuhay ng imahen ng Diyos,” aniya sa wikang Ingles. “Pinadama sa akin ng Panginoon ang katotohanan na kung kaya kong maging tapat at mabuting tao na laging nagsasabuhay ng kabaitan, awa, katotohanan, katapatan, at kapatawaran ng Diyos, walang dahilan upang hindi ako maaaring maging mabuting pari o obispo sa mundong ito o sa susunod pa man.” Winika ito ni Rosales sa harap ng mga kapwa obispo at pari sa Misa nang ilarawan niya ang pangamba ng pagkakaroon ng mataas na tungkulin sa Simbahan matapos siyang italagang katulong na obispo ng Maynila noong 1974.

Bago nito, nagsilbi si Rosales bilang pari sa seminaryo noong 1958. Naging kura rin siya ng Banaybanay sa Lipa, Batangas noong 1970, kung saan inilunsad niya ang katekismo para sa mga bata at sa matatanda. Sa maliit na bayang ito binisita niya ang bawat tahanan at nagturo ng katekismo. Pinasinayanan din niya ang isang dyaryo para sa naturang parokya. Noong Oktubre 28, 1974, itinalaga siya bilang katuwang na Obispo ng Maynila at kura ng parokya ng Antipolo. Naging rektor din siya ng San Carlos Seminary noong 1980.

READ
Literature's varied connections tackled

Hindi nagtagal, noong 1982, ginawa siyang katuwang na Obispo naman ng Malaybalay sa Bukidnon, sa kainitan ng rebelyon ng Moro National Liberation Front at New People’s Army. Aniya, sa una ay naramdaman niyang hindi siya gusto ng mga pari at mga tao roon, ngunit nagsikap siyang pag-isahin ang ngayo’y Diyosesis ng Malaybalay.

“Naging mahirap para sa akin na kumbinsihin ang mga tao na ang aking Gawain ay bahagi ng Mabuting Balita na kailangan kong ipalaganap,” ani Rosales. “Matapos ang anim na taon, saka pa lamang nagkaisa ang mga kapwa ko pari roon.”

Noong Marso 18, 1993, bumalik siya sa Lipa para maging Arsobispo nito, kaakibat ang bagong yugto ng mahirap na pakikisama. Ngunit muli niyang napagkaisa ang mga kapwa niya alagad ng Simbahan. Bunga nito, nakapagtatag siya ng isang programa para sa mga paring magreretiro.

Noong Nobyembre 21, 2003, itinalaga siya bilang Arsobispo ng Maynila sa edad na 74 taong gulang matapos pumanaw si Kardinal Jaime Sin. Aniya, panibagong pagtanggi ang umusbong sa loob niya, ngunit natanggap niya rin ito sa banding hu li.

“Ang aking Gawain ay ang akayin ang Simbahan ng Maynila tungo sa isang direksyon, na siya kong gagawing malinaw. Muli, ako’y walang pagtangging tatalima habang iniaalay ang aking sarili para sa Diyos, kasama si Hesus, sa tulong ni Hesus,” ani Rosales sa pagpapahaba ng kanyang termino bilang Arsobispo at Kardinal ng Maynila. May sa ulat mula sa www.rcam.org

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.