NASA BANSA ang tinaguriang “Dominican pope,” si P. Carlos Azpiroz Costa, O.P., para sa isang visitation upang kausapin ang kanyang mga kapatid tungkol sa kalagayan ng Ordeng Dominiko sa Pilipinas.

Dumating si Azpiroz sa bansa noong Agosto 26 at mananatili hanggang Setyembre 24. Maglilibot ang Argentinong Dominiko sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas, bahagi ng kanyang tungkulin bilang pinuno ng Orden sa buong mundo.

Nauna na niyang kausapin ang mga pari sa Bahay Dominiko at sa Santo Domingo sa Lungsod Quezon.

Sa isang mensahe para sa mga Dominiko sa Pilipinas, sinabi ni Azpiroz na ang Simbahan ay dapat maging isang pamilya upang magkaroon ng samahan na gaya ng sa mga magkakapatid.

“Sapagkat sa pamilya nakikita ang pagkakaisa ng magkakapatid, ginagawa namin ang aming makakaya upang buuin ang mga komunidad ng kongregasyon bilang isang pamilya,” ani Costa, na nahalal bilang pinuno ng orden noong 2001.

Kasabay na dumating ni Azpiroz ang iba pang mga lider Dominiko sa Timog-Silangang Asya na dumalo sa katatapos na Dominican Leadership Course sa Caleruega retreat house sa Batangas, ani P. Hilario Singian, O.P., socius sa kumbento ng Santo Domingo.

Ayon naman kay P. Chris McVey, O.P., katuwang ni Azpiroz para sa buhay apostoliko, ang pagsesermon sa Misa ay pagtugon sa mga tanong ng mga Katolikong nakikinig, higit sa pagtuturo.

“Ang pagsesermon ay hindi pagtuturo o di kaya’y isang tesis,” ani McVey sa wikang Ingles sa Misa para sa pagtitipon ng mga Dominiko sa Pilipinas na ginanap sa UST Seminary Gym noong Setyembre 1.

“Ang Diyos ang siyang nagbibigay ng sermon, na siyang pagtugon Niya sa mga tanong ng Kanyang mga anak na nakikinig.”

READ
Energy ball for people on-the-go

Iginiit din ni McVey sa kanyang sermon ang kahalagahan ng pakikinig para sa mga pari, madre at mga kapatid na Dominiko.

“Sinasabi sa atin ng Vatican na dapat tayo makinig sa katahimikan, kung saan bumubulong ang Diyos,” aniya. “Sa ganitong disposisyon ipinahihiwatig ng Panginoon na dapat nating ibahagi ang misteryo ng Simbahan para sa mga napapagal. Ang disiplina ng pakikinig ang siyang dapat unang matutunan ng isang Dominiko.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.