Nang nararamdaman na ni P. Miguel de Benavides na nalalapit na ang kanyang kamatayan, gumawa siya ng testamentong nagsasaad ng kanyang kagustuhan na magtayo ng isang kolehiyo. Handa siyang maglaan ng isang libong piso at ipagkaloob ang kanyang personal na koleksyon ng mga aklat upang maisakatuparan lamang ito.

Mula sa koleksiyon ni P. Benavides, lumaki ang bilang ng mga aklat ng Unibersidad. Noong 1613, ibinahagi ng Obispo ng Vigan, Ilocos Sur, dating Nueva Segovia, na si P. Diego de Soria, ang kanyang personal na koleksiyon para sa lumalaking populasyon ng kolehiyo.

Nakatayo sa hilaga ng Intramuros ang gusali ng kolehiyo na katatagpuan ng maliit na aklatan. Tatlong siglo itong nanatili rito hanggang ilipat ang karamihan sa mga aklat sa kasalukuyang Main Building ng Unibersidad noong 1927.

Tuluyang inilipat dito ang mga nalabing libro bago masira ng Ikalawang Digmaan ang kolehiyo noong 1945.

Karamihan sa mga librong natanggap ng Unibersidad noong siglo 17 at 18 ay galing sa Mexico o sa Europa, sakay ng galyon ng Acapulco. May dumating ding mga libro mula sa mga ekspedisyong pangmisyunero mula Espanya at ibang parte ng mundo. Para sa mga kumbento, kolehiyo at mga himpilan ng misyon sa kapuluan ang mga librong ito.

Nagpadala ng kinatawan sa Madrid ang mga Dominikano sa Pilipinas hindi lamang upang makapagpadala pa ng mga misyunero sa bansa at sa kolehiyo kundi upang maglagak ng mga libro sa aklatan.

Lumaki lalo ang koleksiyon dahil naging tradisyon ang pagbabalik ng mga aklat ng mga pari na talagang pag-aari ng komunidad matapos silang mamatay.

Maraming mga pari at propesor ang sumunod sa mga halimbawa nina P. Benavides at P. Soria. Isa na sa mga ito si Obispo Francisco Gainza na nag-ambag sa aklatan ng kanyang koleksiyon ng mga libro at mga sariling sulat.

Tungkol sa Bibliya, relihiyon, pilosopiya, at humanidades ang karamihan sa mga librong matatagpuan sa mga estante ng aklatan noon. Huli na lamang dumating ang mga libro tungkol sa agham at iba pang paksa.

Ang rare books section na ginagamit na lamang ngayon para sa masusing pananaliksik, bibliograpikong interes at bilang palamuti sa mga pagtatanghal ay dating mga napapanahong kasangkapan ng mga guro at estudyante sa kanilang pag-aaral araw-araw.

Ang unang palimbagan

Unang nagtayo ng palimbagan ang mga Dominikano sa Pilipinas. Ang Doctrina Christiana ang kauna-unahang librong nalimbag sa bansa. Dibuho ni P. Francisco Blancas de San Jose, sa tulong ng pintor na si Juan de Vera, ang unang tipograpo.

Mula noon, tumaas na ang dami at kalidad ng produksiyon ng UST Press at ng iba pang mga palimbagan. Ayon kay W. Retana, isang dakilang bibliyograpo, maganda ang mga produkto ng UST Press at hindi pahuhuli sa iba.

READ
Taguan at kamatayan

Sa kasalukuyan, matatagpuan sa UST Central Library at UST Archives ang maraming librong unang inilimbag sa bansa, karamihan ay may relihiyosong nilalaman, na hindi mahahanap sa ibang aklatan.

Noong 1768, napagpasiyahan ng Hari ng mga Bourbon na si Charles III na paalisin ang mga Heswita sa lahat ng mga kolonya nito, kasama na ang Pilipinas. Kinumpiska ng pamahalaang Kastila ang lahat ng mga pag-aari ng mga Heswita. Hindi inaasahan ng mga Dominikano na makatatanggap ng malaking biyaya ang aklatan ng kolehiyo mula sa mga ito.

Naramdaman ng Unibersidad ang malaking pangangailangan ng aklatan nitong magdagdag pa lalo ng mga libro sa koleksiyon at iba pang mga pasilidad pagpasok ng ika-19 na siglo. Hindi man maikukumpara ang ating aklatan sa mga nasa sa Europa, hindi natin maitatanggi na umunlad ang ating koleksiyon sa bilang at kalidad, lalo pa noong magbukas ang Suez Canal noong 1869.

Dumating ang malaking pagsubok nang sumulat ang mga manunulat at teologong sina P. Norberto del Prado at P. Evaristo Fernandez Arias sa Dominican Provincial Chapter sa Maynila. Nagsasaad ang sulat ng kanilang mga reklamo sa kakulangan ng aklatan. Maging si P. Zeferino Gonzalez, isa sa mga pinakamahuhusay na pilosopong nagsasalita ng Kastila, ay may gayunding reklamo sa aklatan.

Subalit dahil sa mga sulatin ng mga paring sina Zeferino, Del Prado, at Arias, napatunayang hindi naman nahuhuli ang koleksyon tulad ng sinasabi.

Pag-aari ng theologian, kanonista, istoryador, at iskolar na si P. Francisco Gainza ang 20 tomo ng mga libro sa UST Archives. Nagsimula ang kanyang termino bilang Obispo ng Naga, dating Caceres, noong 1862. Hinayaan siyang dalhin ang kanyang koleksyon na naibalik lamang nang siya ay mamatay noong 1879.

Nang dumating ang mga Amerikano, napalitan ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Ginamit ang wikang Ingles bilang instrumento sa pagtuturo. Ang mga librong nasusulat sa Kastila at Latin ay inilagak na lamang sa mga espesyal na bahagi ng aklatan.

Sa loob ng 377 taon, mula sa dating lokasyon nito sa Intramuros, hanggang sa kasalukuyang kinalalagyan nito, hindi nawala ang integridad ng UST Central Library mula nang namatay si Benavides.

Pag-usad ng koleksyon

Ang pananaliksik sa mga librong naunang nailimbag mula sa kolehiyo ng San Juan de Letran ay natapos na noon pang Abril 1943. Kaagad nang sinimulan ang masususing paghahanap at pangongolekta sa lahat ng mga aklat na pagmamay-ari ng Unibersidad. Karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa museo ng Unibersidad at sa UST Central Library.

Bunga ng maingat na pag-aaral, natagpuang may mga katalogo pala na naimprenta tungkol sa mga librong nailimbag bago ang ikalingwalong siglo. Ang mga ito ay kinapapalooban ng pamagat ng aklat, pangalan ng manlilimbag, petsa at lugar ng pagkalimbag, at maikling paglalarawan sa nilalaman ng aklat.

READ
Eye to eye in Stalingrad

Humigit-kumulang sa apatnaraan ang nakolektang katalogo na kumakatawan sa halos limandaang bilang ng aklat.

Pagkaraan ng masusing paglilitis, natapos din ang pangongolekta sa mga librong inilimbag hanggang 1575.

Nagkaroon ng mungkahing isama ang mga antigong libro mula sa ecclesiastical library ng seminaryo at UST Archives. Dahil dito, ang tatlumpu’t dalawa na bilang ng aklat mula sa UST Archives, pati ang labintatlo na mula sa seminaryo, ay ibinigay sa mga mananaliksik upang isama sa katalogo. Lahat ito ay naimprenta bago pa mag-1543. Napagkasunduan ding isama lahat ng mga aklat na nalimbag limampung taon matapos ang taon ng paglimbag.

Karamihan sa mga lumang aklat ay nakasulat sa Latin. Mayroong mangilan-ngilan na nakasulat sa Espanyol at Italyano. Madalang matagpuan ang mga nakasulat sa Pranses at Griyego.

Ang mga pagsasalin ay gawa ng mga Amerikanong dating bihag ng Kampo Santo Tomas noong panahon ng Hapon na sina Leila Maynard at Robert M. Strong. Ang pagsasalin ay pinondohan ni G. Luiz de Alcuaz, dating propesor sa Physical Chemistry ng Unibersidad.

Sa kabila ng lahat ng pag-aaral at paghahanap, ang koleksiyon ay hindi pa rin kumpleto. Imposible nang mahagilap lahat ng mga aklat sa tagal at dami ng mga ito.

Simula sa pagkakatatag nito, ang Unibersidad ay nananatili pa ring isa sa mga pangunahing imbakan ng ating pambansang kultura. Iniingatan ng institusyong ito ang isa sa mga natatanging yaman hindi lamang ng unibersidad, kundi pati na rin ng bansa. Ilan lamang ang mga sumusunod sa mahahalagang kabilang sa koleksiyon ng mga pambihirang aklat ng Unibersidad.

Ilan sa koleksyon

Ang La Guerra Judaica ay ang nag-iisang incunabula sa aklatan ng Unibersidad. Isinulat ito ni Josefo Flavio (Josephus Flavius), isang Hudyo at tanyag na historyador. Parangal ito kay Reyna Isabel at inilimbag sa Espanya noong 1492.

Ito ang pinakalumang aklat sa katalogo, na tungkol sa digmaang Hudyo. Ang libro, na nahahati sa pitong bahagi, ay sinimulan sa monologo ni Palencio. Sinulat ang orihinal na kopya nito noong taong 75 sa wikang Aramaic.

Ang aklat ay nilimbag sa Espanya at kabilang sa isa sa mga mahusay na incunabula. Ang mga pahina ay may kalidad at hindi binibilangan. Wala itong title page at kadalasang pinaiksi ang mga salita at teksto.

Ang dalawang pangunahing bahagi ng aklat ay sarbey ng kasaysayan ng Hudyo samantalang ang nalalabing limang bahagi ay tumatalakay naman sa mismong digmaan.

Samantala, nailimbag noong 1512 sa Lyon ang Opus Regale. Ito ay tungkol sa mga liham at diskusyon ng awtor na si Joannes Ludovius Vivaldus sa iba’t ibang mga paksa. Isang tomo ng Opus Regale ang nailimbag. Gumamit ang awtor ng Roman numerals sa bawat pahina.

READ
'Dignity, non-negotiable' - theologian

Ang aklat ay sumailalim sa pagtatangkilik ni Luis XII ng Pransiya. Wala itong title page. Isinulat ang libro sa makapal at may kalidad na uri ng papel.

Naimprenta ang aklat na ito sa tatlong libro ang apat na volumes ng Summa Theologica Moralis Partibus IV Distincta. Una at ikalawang bahagi ang nilalaman ng ng unang volume, habang ikatlo at ikalawang bahagi naman ang nilalaman ng dalawang volume. Lahat ng apat na bahagi ay walang mga title page, at sinisimulan ng prologue at talaan ng nilalaman.

Ayon sa nakasaad sa colophon, inilimbag ang libro sa Lyons ni Jacob Mareschel para kay Vincent de Portonaris. Kulang ng mga pahina ang aklat.

Inilimbag ang ikatlo at ika-apat na volumes hindi lamang para kay Vincent de Portinaris, kundi para sa magkapatid na sina Melchor at Gaspar Treschel noong 1829.

Sinusundan ng isang magarbong reportorium na nilikom ni Joannes Molitoris O.P. ang ika-apat na bahagi. Mayroon itong sariling pahina. Kinapapalooban ito ng dedication ni Lambert Campester.

Ang mga aklat ay inilimbag para kay Vincent de Polinaris at Melchor at Gaspar Treschel. Ang pamilya Polinaris ay kilalang manlilimbag na galing ng Italya, ngunit lumipat sa Espanya.

Samantala, sina Melchior at Gaspar Treschel ay anak ng German na si John Treschel, na manlilimbag na noon pang 1487.

Naimprenta ang In Sententias Theologicas nang kulang ang unang bahagi. Isinulat ni Peter Lombardi, ang libro na nahahati sa apat na bahagi. Ito ay ukol sa mga komentaryo ni Durandus, isang Dominikong pilosopo at teologo. Ginamit ang In sententias theologicas bilang textbook sa loob ng 400 na taon.

Binuod ng mga Katolikong encyclopedia ang nilalaman ng mga aklat. Karamihang matatagpuan dito ay mga katanungan tungkol sa doktrina.

Matatagpuan din sa libro ang mga siping nagmula kay Augustine, Ambrose, Jerome at Hilary. Kinakatawan din ng aklat ang ama ng bansang Grego na sina Damascene at Origen.

Sa kabuuan, ang libro ay katipunan ng mga pangugusap at mga sipi na tumatalakay sa mga katanungang pang-relihiyon. Kasama pati ang mga opinyon ng mga tanyag na pilosopo sa aklat.

Nilimbag ito sa Lyon noong 1556 ni Bartholomaeus Fraenus para kay Gaspar de Portonaris, ang may-ari ng palimbagan.

Sa darating na Setyembre, dapat nating abangan ang kompilasyon ng mga rare book ng unibersidad. Ayon kay P. Angel Aparicio, ang kasalukuyang Prefect of Libraries, hindi naging madali ang pagsasama-sama ng mga antigong librong ito.

“(It) was a long process to compile the books. There are more than 400 titles, most of which are written in Latin” ani P. Aparicio.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.