TIYAK na magugustuhan ng mga kabataan ang pag-aaral sa pamamagitan ng bagong aklatan ng Grade School Department at Education High School Department ng College of Education.
Ninais ito ng Prefect of Libraries P. Angel Aparicio, O.P. sa kanyang mensahe noong inagurasyon ng aklatan noong Hulyo 25.
Ayon kay Prop. Nenita Caralipio, punong-guro ng elementarya, nagsimula ang proyekto nang humingi ng karagdagang espasyo ang dating head librarian na si Prop. Erlinda Flores para makakuha ng bagong gamit para sa aklatan.
“We gave her (Prof. Flores) the faculty room of the teachers still it was too small. Ang aming elementary library naiiwanan na ng other schools lahat nagkaroon ng mga innovations,” wika ni Caralipio.
Matatagpuan ang dating aklatan sa harapan ng dating kantina. Ginawang tatlong magkakahiwalay na aklatan para sa mga mag-aaral sa pre-school, elementarya, at hayskul ang dating kantina ng College of Education nang natapos ang kontrata nito.
Napunta sa cafeteria ng buong kolehiyo ang kantina ng mga studyante. Nakuha ng hayskul ang silid na kinatatagpuan ng dating kantina at nagkaroon naman ng dalawang karagdagang silid ang elementarya.
“It has not been easy to convert an old-dark damp unsanitary place, infested with awful odors and plagued with rats into this place in which you stand today. Remember that pozo negro of the Education building stands below our feet. As for the place, I hope you will agree with me, there has been a great improvement: it is more spacious, better lighted,with beautiful furniture,” wika ni P. Aparicio.
Magdadagdag ng mga shelves para sa 2,000 pang librong makukuha ng Education Elementary mula sa Central Library.
Kasalukuyan ding isinasaayos ang pagkabit ng aklatan sa Online Public Access Code (OPAC). Ginagamit ang OPAC, isang sistemang elektroniko, upang matulungan ang mga estudyante sa paghanap ang isang partikular na libro. Mayroong natatanging silid ang aklatan na tinatawag na activity room, isang silid na puno ng mga unan at mats upang maging komportable sa pagbabasa. Pagdadausan ng film viewing at puppet shows para sa mga mag-aaral sa elementarya ang silid na ito.
Nakalaan ang storytelling at puppet show para sa mga nasa kinder at ikalawang baitang. Samantalang para sa kindergarten at prep naman ang easy reading. Upang mapaunlad ang bokabularyo at kasanayan sa pagbabasa ng mga nasa ikalawang baitang, magkakaroon sila ng fast reading. Mayroon namang film showing ng mga klasikal at tradisyonal na pelikula at paggamit ng instructional materials para sa lahat ng baitang.
“Before p’wede mo silang (utusan na) you get this book, ngayon, hahanap talaga sila ng gustung-gusto nila. Noong opening, all the children eagerly wanted to come and get the books they love,” ayon sa head librarian na si Benilda Certeza.
Dahil sa mga bagong kagamitan, kinakailangang matutunan ng mga bata kung paano gumamit ng aklatan. Nagkaroon ng oryentasyon ang mga bata noong Agosto 15 upang maging disiplinado sila sa loob ng aklatan. Maria Pacita C. Joson