“…ANG TAO’Y mananatiling di-ganap at di-tapos…Hindi niya makakamtan ang lubos na kaganapan sa buhay, sapagkat hindi maglalaon siya ay mamamatay.” – Florentino T. Timbreza

***

Limampu’t anim na si Nanay ngayon. Bitbit ang tatlong puting rosas at tatlong asul na kandila, tinungo ko ang sementeryo matapos magsimba. At tulad ng dati, matapos ang pagdarasal, wala na akong ibang pinagkakaabalahan kung hindi ang titigan ang lapidang siyam na taon nang nagpapaalala sa puntod ng aking ina- Haydee A. Jabeguero, Born: November 25, 1945; Died: March 18, 1993.

Sandali akong napapikit sa nakasisilaw na sinag ng papalubog na araw. Dapithapon na pala. Kasabay nito, nagbalik ang ilang alaala ng aking kabataan- si Nanay.

***

Dapithapon din noon at abala akong nakikipaghabulan sa aking mga kaibigan. Takbo dito, taya doon, at takbo ulit.

“Ipe, uwi na,”wika ng isang malat na tinig na tila mapuputol na ang litid sa pagsigaw. Sa tonong paputol-putol, tiyak kong ang Nanay iyon.

Sa pag-aakalang nakaligtaan lamang niya na walang pasok sa eskuwela kinabukasan, hindi ako tumigil sa aking pagtakbo. Sa gitna ng mabibilis na galaw, nauulinigan ko pa rin ang tawag ng aking ina. Ngunit, nanatili akong bingi.

“Ipe, kanina ka pa tinatawag ng Nanay mo. At saka gabi na rin naman, umuwi na tayo,” humihingal na pag-anyaya ng isa kong kalaro.

Nag-aalisan na ang lahat ngunit hindi pa rin ako natinag sa aking kinatatayuan. Kunot-noo kong sinundan ng tingin ang papaalis kong mga kaibigan. Habang papalayo ang kanilang mga anino mula sa akin, papalapit naman ang tinig na sambit ang aking pangalan. Ipe, umuwi na tayo.

Tengang kawali akong pumikit at sinikap na payapain ang sarili sa pamamagitan ng paghinga ng malalim. At ilang sandali pa, naramdaman ko ang pagtapik sa balikat ng isang mabigat na palad. Tiyak kong iisa lamang ang nagmamay-ari nito at ng malat na boses na tumawag sa akin kanina. Muli sinabi niya, “Anak, uwi na tayo.”

Ang bigat ng pagkakapatong ng palad ni Nanay sa aking balikat ang nagpaalala sa akin ng isang linggo niyang pagrarasyon ng tubig sa aming lugar para lang may maibaon ako sa aking pagpasok sa eskuwela. Suyang-suya man sa nagawang pagsundo sa akin, umuwi na rin ako.

***

Biglaang naputol ang aking pagbabalik-tanaw sa aking kabataan nang nakaramdam ako ng init sa aking palad. Natumba pala ang isa sa mga kandilang itinirik ko kanina at pumatak ang luha nito sa aking kanang palad. Dahil buhay pa naman ang ningas ng dalawang kandila, naisip kong itabi na lamang ito. Ngunit nang tingnan ko ang nagdidilim na kalangitan, tiyak kong kunin ang posporo sa aking bag upang pagningasin ang natumbang kandila.

READ
Dichotomies

Mapusyaw ang ibinibigay na liwanag ng buwan at kakaunti lamang ang bituing nakalatag sa langit. Muling nagbalik sa aking gunita ang mga huling bahagi ng aking kamusmusan kasama si Nanay.

***

Dahil iilan lamang ang bituin na nasa langit ng gabing iyon, nagmistulang lampara ang siga na nilikha ni Nanay. Nakasanayan na niya ang magsiga gabi-gabi. Pamparami raw kasi ito ng bunga ng puno ng Sampalok na nasa tapat ng bahay namin.

Sa dalas ng pagsisiga, halos masaulo ko na ang bilang ng bao ng niyog na ginagamit niya. Hindi ito lumalagpas sa sampu. Ayon kasi kay Nanay, iyon daw ang tantsadong bilang ng baong maaabo sa loob lamang ng isang minuto.

Ngunit kakaiba sa nakasanayan ang gabing sunduin ako ni Nanay mula sa aking pakikipaghabulan.

Noon, napansin kong napakaraming bao ng niyog ang nakasalang. At tiyak kong mahigit pa ito sa dalawampu. Napakalaking dagdag kung tutuusin. Tila wala nang susunod na paggagamitan ang bao upang isiga sa isang salangan lamang.

Itatanong ko sana noon kay Nanay ang tungkol sa dami ng bao, ngunit biglang nagsalita ang kapatid ko, “Ang galing talaga ni Nanay Ate!”

Ngumiti na lamang ako tanda ng pagsang-ayon. Samantalang ang Nanay naman ay nagbitiw ng pahayag na wari’y sagot sa sinabi ng aking kapatid, “Hindi laging nariyan ‘yan anak.”

Napangiti na lamang ako sa tinuran ng Nanay kahit hindi ko lubusang naunawaan ang sinabi niya.

At sa harap ng nagliliyab na apoy, niyakap kami nang mahigpit ng Nanay. Matapos ang ilang minuto, nagpaalam na siyang papasok ng bahay.

“Papasok na ako’t ihahanda ko pa ang mesa. Bantayan n’yo ang siga.”

“Ipe, dagdagan mo ng bao ang siga kung kinakailangan. Huwag mo na akong hintayin,” pahabol na bilin ng aking ina bago ito tuluyang pumasok ng bahay.

Habang hinahatid ng aking paningin ang Nanay, inagaw ng napakataas na liyab ng apoy ang aking pansin. Sa dami ng mga baong uling na ipinansisiga, buhay na buhay ang ningas nito. Ngunit sandali pa, mabilis na bumaba ang apoy. Ang nakita ko palang mataas na pagliliyab ang siyang hudyat ng pagkamatay ng siga.

READ
Budapest to host 52nd Eucharistic Congress in 2020; Philippine Church prepares to mark 5th centenary of the faith in 2021

Nang nilapitan ko ang siga, wala na pala itong bao, pulos abo na at maliliit na pirasong baga na lamang ang natira. At dahil sa pag-aalalang kagagalitan ako ng Nanay pagbalik nito, madali akong tumayo upang magtungo sa tabi ng motor ng tubig na siyang pinaglalagyan ng mga sako ng baong uling.

Ngunit nakadadalawang hakbang pa lamang ako, naramdaman ko ang biglang pagyanig ng buo kong katawan nang magkaroon ng isang malakas na pagsabog.

***

Dumagundong. At patlang. Natagpuan ko na lamang ang sarili katabi ang aking kapatid na nababalot na ng isang pulang kumot at nakalapat ang ulo sa isang bulaklaking unan habang nakahiga sa banig. Nang tingnan ko ang paligid mula sa aking kinahihigaan, tiyak kong nasa bahay kami ni Tiya Claire.

Yari sa plywood ang kisame namin at hindi sa semento. Puti ang kulay ng dingding namin at hindi pula. At natiyak kong wala ako sa bahay namin dahil iba ang nagpatulog sa aming magkapatid. Alam na alam kasi ng Nanay na hindi ako nakatutulog nang mahimbing ng may kumot at unan.

Tatayo na sana ako upang mag-usisa nang bigla kong marinig ang isang humahagulgol na tinig. Si Tiyo Nestor iyon.

“Wala na si Manang Adeng.”

Nanlaki ang aking mga mata sa narinig. Sa paulit-ulit na paghinga, pilit kong pinabagal ang mabibilis na pagpintig ng aking puso.

***

Sumabog ang motor ng tubig sa labis na air pressure na namuo rito. Ayon sa mga imbestigador, patuloy raw na bumomba ang makina ng motor gayong wala nang tubig na lumalabas mula sa ilalim ng lupa. At dahil ilang talampakan lamang ang layo ng Nanay mula sa motor nang sumabog ito, hindi na niya naabot ang ospital.

***

Hindi maampat ang aking pagluha sa tuwing naaalala ko ang Nanay. Lumobo ang mukha niya. Ang kayumanggi niyang balat ay mala-lamog na labanos sa dami ng pasa ng kanyang namumuting katawan.Tila retasong basahan ang ilang bahagi ng katawan niya dahil sa mga tahing sariwa.

READ
Hospital changes management

Mistulang tinik na bumabaon sa talampakan ang bawat langitngit ng aming papag. Nayayanig ang kabuuan ng aking kamusmusan sa nalilikhang dagundong ng bawat yabag na malikha ng mga nakikiramay. Damdamin na higit na nag-umapaw nang makita ko ang ataul ng Nanay na unti-unti nang sinasakop ng lupa.

Nagbalik sa aking isipan ang gabing sinundo ako ng Nanay sa gitna ng napakainit na habulan naming magkakaibigan. Bumalik din sa akin ang sigang nilikha niya nang gabing iyon.

Ipe, dagdagan mo ng bao ang siga kung kinakailangan. Huwag mo na akong hintayin. Paulit-ulit ko itong narinig sa aking isipan.

***

Marahil, mananatiling nakalutang sa ere ang aking isipan kung hindi ako tinapik noon ng isang matandang babae na pinagkamalan ko pang si Nanay dahil sa bigat at gaspang ng mga palad nito.

“Nakikiramay ako,” sambit ng matanda bago ito tuluyang lumakad papalayo mula sa aking puwesto.

Wala na ang napakalalim na hukay na kinasasadlakan ng aking paningin kanina. Natabunan na ito ng lupa.

Nang madama ko ang biglaang pananakit ng aking ulo, sandali kong ipinikit ang aking mga mata. Sa pagkakataong iyon, tila wala ng alaala ang mabuo sa aking isipan. At kung hindi pa dahil sa korona ng bulaklak na may nakasulat na Condolences from Trane Philippines, muntik ko nang nakalimutang Nanay ko pala ang inilibing. Nang tinahak ko ang daan pabalik ng aming bahay, naisip kong sana’y natuluyan na lamang ako kasama ni Nanay.

***

Ano nga kaya kung natupad ang kahilingan ko noon na mamatay na? Sa init ng puntod ng Nanay, higit kong naramdaman ang init ng pagmamahal niya. Habang pinagmamasdan ang tatlong asul na kandilang lumuluha patungo sa pangalan ng aking ina, naisip kong tunay ngang bago pa man isilang ang tao, palagi na itong namamatay, naghihingalo, at nagpapaalam.

Ang buhay ay isang yugto ng isang napakahabang paglalakbay, pagkalagot ng hininga. Kagaya marahil nito ay kung gaano kabilis maupos ang kandila hindi pa man nasisindihan nang lubusan ang mitsa.

Katulad ng isang siklo, ang kamatayan ay maaaring hudyat ng katapusan o simula, maaaring pareho, puwede rin namang wala sa dalawa. May humihinto upang may makapagpatuloy. May natatapos upang makapagsimula. May namamatay upang may mabuhay.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.