MAKALIPAS ang apat na daang taon ng pagpanaw ni Msgr. Miguel de Benavides, O.P., buhay na buhay ang paaralan na minsa’y mistulang pangarap lamang.
Ginunita ng mga Tomasino ang ika-apat na sentenaryo ng pagkamatay ni Benavides, kinikilalang nagtatag ng Unibersidad at ikatlong arsobispo ng Maynila, noong Hulyo 26.
“Hindi lamang basta nangarap si Msgr. Miguel de Benavides,” ani Arsobispo Gaudencio Rosales sa isang misa para kay Benavides sa Manila Cathedral. “Ginawa niya ang lahat para matupad ang mga pangarap niya.”
Donasyon
Bago siya namatay noong 1605, inihabilin ni Benavides ang natitirang niyang P1,500 at kaunting koleksyon ng libro kina P. Domingo de Nieva, O.P. at P. Bernardo de Sta. Catalina, O.P., mga kapwa niya Dominikano, upang gamitin sa pagtatatag ng isang kolehiyo. Ang Colegio de Nuestra Señora del Santissimo Rosario, isang seminaryo, ang pinagmulan ng ang Unibersidad ng Santo Tomas.
Pinangunahan ni UST Rektor P. Tamerlane Lana, O.P. ang pag-alay ng bulaklak sa rebulto ni Benavides sa Plaza Sto. Tomas, na replika ng rebultong nakatayo ngayon sa Plaza Benavides ng Unibersidad. Pinalipat ng mga Dominikano ang orihinal na rebulto sa bagong campus bago pa bombahin ang Intramuros noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Samantala, inilabas din ang libro ni Fr. Fidel Villaroel, O.P., Chief Archivist ng UST Library, tungkol sa buhay ni Benavides na may pamagat, “Miguel de Benavides, O.P. (1550-1605): Friar, Bishop, and University Founder.”
Kasama si Benavides sa unang pangkat ng mga Dominikanong dumating sa bansa noong 1587 upang palaganapin ang Katolisismo. Isa siya sa mga paring Kastila na naging malapit sa mga Pilipino dahil sa pagtatanggol niya sa kanila sa mga mananakop na Kastila.
‘Benavides Forum’
Sa Unibersidad, ang sabay-sabay na Benavides Forum ang naganap sa iba’t ibang kolehiyo at pakultad ng Unibersidad. Inanyayahan ang mga tumanggap ng Benavides Achievement Award upang gunitain ang buhay ni Benavides at magbigay inspirasyon sa kanilang kapwa Tomasino.
Isa sa kanila si Noel Abalajon Jr., ang kauna-unahang mag-aaral ng Faculty of Philosophy na nakatanggap ng Benavides Achievement Award noong 2002.
Aniya, nararapat lamang na pasalamatan si Benavides sa pagtatatag ng pinakamatandang instutusyon ng pagpapari at akademya sa Asya.
“Dapat pasalamatan si Arsobispo Miguel de Benavides dahil sa kanyang pagpapastol at pagmamahal sa tao,” ani Abalajon., na tumangap din ng Rector’s Academic award, Quezon Leadership award, at Aquinas awardsa taong iyon.
“Natutunan kong maging mapagpakumbaba sa kabila ng lahat ng natamo kong tagumpay,” aniya.
Mula noong 1979, ibinibigay ang Benavides Achievement Award sa mga Tomasinong bumabandera sa iba’t ibang regional, national, at international events.
Maliban kay Abalajon, dumating rin ang iba pang mga alumni ng UST tulad ng scriptwriter na si Jun Lana ng Faculty of Arts and Letters at ang mang-aawit na si Sarah Geronimo ng Education High School.
Dumalo rin sina Jayson Buensalido, ang topnotcher sa nakaraang architecture licensure exams; Maria Rachel Capili, kauna-unahang Benavides Awardee ng College of Nursing; at Engr. Christian Reyes ng Faculty of Engineering.
Ipinalabas rin ang On His Bequest, isang 10-minutong dokyumentaryo tungkol sa buhay ni Benavides.
Isang concert naman ang ginawa sa Central Seminary Gym sa alaala ni Benavides. Nagtanghal ang UST Singers, Liturgikon Voice Ensemble, at UST Symphony Orchestra sa concert, na dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng Unibersidad, mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansa, at alumni.
Kasabay ng concert ang paglunsad ng centennial committee na mangangasiwa sa ikaapat na sentenaryo ng Unibersidad sa taong 1611. Kasama sina Edsel Van d.T. Dura at Jianne dL. Yamzon