Dibuho ni Carlo Patricio P. Franco
BILANG tagapagtaguyod ng kaunlaran at pagbabago, bahagi ng kultura at kasaysayan ng Unibersidad ang paglahok sa mga usapin hinggil sa makabagong teknolohiya. Isang magandang halimbawa nito ay ang pagsali ng pamantasan sa dalawang pambansang pagpupulong tungkol sa nuclear science.

Ginanap noong Pebrero 22-23, 1957 ang kauna-unahang Philippine Nuclear Science Conference sa Albertus Magnus Building. Pinangunahan ito ng Philippine Nuclear Research Conference and Training Committee, Philippine Physics Society at Civil Defense Administration (CDA). Tinalakay sa pagpupulong kung paano isusulong ng mga siyentista ang mapayapa at epektibong paggamit ng lakas-nukleyar sa Pilipinas.

Kabilang sa mga lumahok sa pagpupulong ay sina Bise-Presidente Carlos P. Garcia, Padre Ciriaco Pedrosa, ang noo’y tumatayong rektor ng Unibersidad; Salvador Gonzalez ng Philippine Physics Society; Crisostomo Ortigas, ang dating dekano ng University of the Philippines College of Engineering; at Alfredo Eugenio, ang dating direktor ng CDA.

Sa kanyang talumpati, inihayag ni Garcia ang kanyang pagkadismaya sa kawalan ng bansa ng mga instrumento sa pag-aaral ng nuclear science na makatutulong sana sa pagpapakadalubhasa dito ng mga Pilipinong siyentista. Aniya, kung matutugunan ito ng mga kinauukulan ay mapapantayan ng mga Pilipinong pisiko ang mga eksperto mula sa ibang bansa pagdating sa larangang ito.

Sinang-ayunan naman siya ni Padre Pedrosa nang sabihin ng huli na kailangan ng mga “mamahaling” gamit at mga kuwalipikadong tauhan upang mahikayat ang mga mag-aaral na kumukuha ng mga kursong chemistry at physics na gamitin ang kanilang kaalaman sa nuclear science. Iminungkahi naman ni Ortigas na isama sa kurikulum ng mga kolehiyo sa inhineriya ang mga asignatura tungkol sa nuclear science. Bahagi ito ng kanyang “proposed nuclear engineering training in the Philippines.”

READ
100th year of La Naval's canonical coronation marked

Tinalakay naman ni Eugenio ang iba’t ibang uri ng “radioactive fallout” o ang duming sumama sa hangin na nagmumula sa mga pagsabog ng bombang-nukleyar at kung paano ito nakakapekto sa kalusugan ng tao.

Bago naganap ang naturang pagpupulong, isang naunang seminar na tungkol din sa nuclear science ang isinagawa sa Albertus Magnus Building noong Pebrero 22, 1956. Ipinahayag dito ng dating Bise-Presidente Garcia ang negosasyon ng pamahalaan ng Pilipinas sa Estados Unidos upang itayo ang isang atomic reactor sa bansa. Paliwanag niya, bunsod ito ng pagkapili sa Pilipinas bilang sentro ng pagsasaliksik sa Asya para sa pag-aaral ng enerhiyang nukleyar.

Nagsalita sa seminar na iyon sina Dr. Joaquin Marañon, ang delegado ng Pilipinas sa International Conference for the Peaceful Use of Nuclear Energy sa Geneva, Switzerland; Dr. Yu Ming Hsieh, ng University of the East, Dr. Theodore Brings, ng Far Eastern University, at Dr. Hans Scharpenseel ng Araneta Institute of Agriculture. Kanilang tinalakay kung papaano magagamit ang lakas-nukleyar sa mga mapayapang paraan gaya ng sa biyolohiya at industriya.

Nasimulang matupad naman ang balak na ito ng mga siyentista na gamitin ang lakas-nukleyar para sa mapayapang paraan sa Pilipinas nang itayo ang research reactor ng Philippine Atomic Energy Commission (kasalukuyang Philippine Nuclear Research Institute) noong dekada 60 at ang Bataan Nuclear Power Plant noong dekada 80. Ngunit hindi ginamit ng gobyerno ang huli dahil ito ay malapit sa isang fault line ng bulkang Pinatubo.

Ipinakita ng paglahok ng Unibersidad sa dalawang pagpupulong na iyon ang kakayahan nitong makisabay sa pagtaguyod ng mga bagong tuklas sa agham at teknolohiya upang maisulong ang pag-unlad ng bansa. Ruben Jeffrey A. Asuncion

Tomasalitaan:

READ
Academic calendar shift is pro-Philippines

atomisador (pangngalan) – isang kasangkapan para sa pagwiwisik ng isang likido

Halimbawa:

Kinukumpuni ng pisiko ang atomisador na kanyang gagamitin sa eksperimento.

Sanggunian:

The Varsitarian, Tomo 29, Blg. 3, Marso 1957

The Varsitarian, Tomo 28, Blg. 3, Marso, 1956

www.pnri.dost.gov.ph

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.