UMAANDAR na naman ang ugali nating “ningas-cogon”

Dumaan lamang ang mga buwan ay may mga panibago nang usapin na bumabagabag sa ating bayan. Ito ay sa kabila ng hindi pa pagkaresolba ng mga nauna nang isyu.

Isang halimbawa na lang ng mga isyung ito ay ang ZTE scandal. Kung ating magugunita, naging laman ito ng mga balita noong unang tatlong buwan ng taong ito. Muling dumalas ang mga rally na tumutuligsa sa katiwalian, na naging madalang na mula nang pumutok ang tangkang kudeta noong 2006. Nagpatawag pa ang Senado ng mga hearing upang imbestigahan ang mga detalye ng naunsyaming kontrata sa pagitan ng gibyerno at ng isang kompanyang Tsino.

Ngayon, ano na ang nangyari sa mga “investigation in aid of legislation” na ito? Nasaan na rin ang mga nasangkot na personalidad? Mababatid na nagsimula nang mawalan ng interes ang mga tao hinggil sa usaping ito nang tumagal na ang mga Senate hearing hinggil sa ZTE-NBN scandal.

Hindi rin nakatulong sa mga nagnanais na itaguyod ang pagmamasid sa isyu ang naging pagpapasiya ng Korte Suprema na sakop ng “executive privilege” ang hindi pagsasalita ni Romulo Neri, ang dating direktor ng National Economic Development Authority, ukol sa tatlong tanong na maaaring makadawit umano sa Pangulo sa isyu.

At sinundan pa ito ng mga balita tungkol sa inaakalang kakulangan sa bigas, ang lingguhang pagtaas ng presyo ng mga petroleum products, ang awayan sa pagitan ni Winston Garcia, ang chairman ng Government Service Insurance System (GSIS), at ng pamilyang Lopez, at ang madugong nakawan sa isang sangay ng RCBC sa Cabuyao, Laguna.

READ
His own life

Naalala ko tuloy ang isang text message ng isang manonood sa DZMM Teleradyo na nagsasabing nakakasawa nang buhayin pa uli ang usapin hinggil sa ZTE-NBN scandal. Sa halip, aniya, mas dapat pagtuunan ng pansin, hindi lamang ng gobyerno kung hindi pati na ng mga tao, ang paglutas sa mga araw-araw na suliranin ng pagkakaroon ng disenteng tirahan, pagkain at trabaho.

May punto naman siya. Mabubusog nga ba tayo kung patuloy nating susubaybayin ang mga “marathon hearing” sa Senado hinggil sa kung sinong opisyal ang nag-alok (o tumanggap) ng suhol upang patuluyin ang broadband project? Na sa bandang huli naman ay wala tayong napala kung hindi nakarinig lang ng mga panibagong termino para sa katiwalian?

Pero, kung ganoon ang ating klase ng pag-iisip, nangangahulugan namang hinahayaan na lamang natin na hindi mapanagutan ang mga taong may kinalaman sa mga iregularidad sa proyektong iyon. At para na ring itinuturo natin sa ating mga anak na “masama ang mangupit sa tindahan sa kanto pero ok lang kung mandambong sa kaban ng bayan, basta malakas ka’t may kapangyarihan.” Kumusta naman iyon.

At sa ZTE-NBN deal pa lamang iyan. Baka nakalilimutan natin na sa ilalim pa lamang ng administrasyon ni Pangulong Arroyo ay marami nang mga iskandalo ang dumaan at lumipas na parang hangin, gaya ng “fertilizer” scandal”, “Hello Garci scandal” pati na ang mga anomalya sa pagbili ng kagamitan ng mga sundalo. At kung babalikan pa natin ang ating kasaysayan, mababatid nating marami pang tanong na hindi pa nabibigyan ng sagot gaya ng kung sino ba ang “utak” sa asasinasyon kay dating Senador Ninoy Aquino, kung si Emilio Aguinaldo nga ba ang nagpapapatay kay Antonio Luna, kung ano na ang nangyari sa mga Pilipinong naging “kolaboreytor’ noong panahon ng mga Hapon at iba pa. Tiyak akong makakabuo tayo ng isang libro ukol sa mga usapin sa ating kasaysayan at lipunan na wala pa ring tiyak na wakas.

READ
'Gospel-imbued' politics urged

****

Sa puntong ito ay nais ko nang magbigay ng pasasalamat sa lahat ng taong naging bahagi ng aking buhay, sa bahay man, sa klase o sa Varsitarian.

Sa mga manunulat ko sa Filipino section, sina Joseinne at Richard (bagama’t maaga kang umalis ng ’V’), salamat at “napagtiyagaan” ninyo ako bilang patnugot ng ating seksiyon. Marami akong natutunan sa aking pakikihalubilo sa inyo. Salamat rin kay Ate Ellaine, ang patnugot ng seksyon na aking naabutan noong una akong pumasok sa ’V’ dahil sa pagtitiwala niya sa akin bagaman at naging “pasaway” akong manunulat ng seksiyon noong una; pati kay Lee, ang sumunod kong naging patnugot at dating ka-barangay, salamat sa iyong pagsuporta sa akin at sa iyong kabaitan kahit minsan hindi ako nakatutupad na makasumite nang maaga sa mga deadline.

Salamat din sa mga naging miyembro ng “Logistics” Committee, sina Levine, Emil, Samuel, Roman at Paul. Nakaraos ang ating grupo sa lahat ng extra-editorial activity nang dahil sa inyong tulong, pagsuporta at pag-unawa sa aking mga kakulangan bilang committee head.

Salamat rin kina Matt, Carlo, Samboy at Mitch dahil sa mga ibinigay niyong “technical assistance” sa akin lalo na pagdating sa lay-outing at graphic design. Dahil sa inyo ay may mga napulot akong aral na hindi ko natutunan sa loob ng klase.

Salamat din kina Ketch, Celina, Myla at Raye, at marami akong natutunang terminong medikal mula sa inyo na naging mahalaga sa akin sa kasalukuyan.

Nais ko ring ipaabot ang pasasalamat kina Kristine, Jenny at Vet, dahil sa apat na taong pinagsamahan natin sa klase at sa ’V’ Patunay kayo na ang pagkakaibigan ay parang alak, “habang tumatagal lalong sumasarap.”

READ
The Great Unwashed and social injustice

Sa aking mga kasamahan na kasabay ko ring nagsitapos ngayong taon, sina Ayn, Tanya, Au, Carla at Nathaniel, salamat sa mga panahong nakahalubilo kayo. Sana ay maging matagumpay kayo sa inyong mga piniling larangan.

Kay Tunying, salamat sa ating mga huntahan hinggil sa pagpapatakbo ng dyaryo, politika at pag-ibig. Magkaibigan nga talaga tayo dahil magkatugma ang ating “dayalektika” ng pag-iisip.

Sa iba pang mga kasamahan ko sa ’V’ ikinalulugod kong naging katrabaho ko kayo sa pahayagan. Lumawak pa ang aking mga pananaw sa buhay dahil sa inyo.

Higit sa lahat, nagpapasalamat ako kina Mama at Papa dahil sa kanilang pagsuporta upang ituloy ko ang aking pagpasok sa ’V’ pati na sa mga kapatid ko dahil sa kanilang pag-uunawa na sa bawat pag-alis ko ng bahay ay “Varsi na naman” ang aking pakay. Hanggang dito na lamang ang aking pagmamasid.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.