IBA TALAGA ang Pasko sa Pilipinas.
Sa kabila ng dami ng problemang dinaranas natin taun-taon, may kakaibang ngiting namumutawi sa mga labi ng bawat taong makakasalubong mo sa kalye, sa eskuwela o di kaya’y sa opisina. Sadyang kakaibang sigla ang naidudulot ng simoy ng Pasko sa ating mga Pilipino.
Hindi maikakailang malakas ang impluwensya ng Kristyanismo sa ating bansa dahil sa buong Asya, tayong mga Pilipino ang may pinakamaaga, pinakamahaba, at pinakamatagal na pagdiriwang ng Pasko. Pagpatak pa lang ng buwan ng Setyembre, nagsisimula nang makarinig ang lahat ng mga tugtuging pamasko sa radyo. Mayroon na ring mga kaakit-akit na mga ilaw, parok,at palamuti sa daan. Siksikan na rin sa mga mall at mga tiangge sa Divisoria. Halos lahat ng mga palabas sa telebisyon ay may temang tungkol sa Pasko.
Sa mga opisina, hinihintay na rin ang pinakaaabangang Christmas bonus at 13th month pay na kanilang ipang-aaginaldo sa mga inaanak at pamangkin. Sa mga magkakamag-anak at magkakabarkada naman, nauuso na rin ang Christmas party, kris kringle at monito-monita, at kahit kapos sa salapi, lakas-loob pa rin ang lahat na magbigay ng regalo.
Pagsapit ng buwan ng Disyembre, malakas na ang bentahan ng puto bumbong, bibingka, fruit cake, at hamon. Tila may malaking pagdiriwang sa mga simbahan sa araw ng Misa de Gallo at Panunuluyan. Nagiging masalimuot naman ang mga kusina ng karamihan sa atin sa pagmamadaling mairaos nang maayos ang masaganang pista ng pagkain sa Noche Buena. Tuloy naman sa pananalangin ang mga namamanata ng Simbang Gabi na sana’y sa huling araw nito ay kasihan ng Panginoon ang kani-kaniyang mga kahilingan. Kahit pagod at puyat, nakangiti pa rin sila.
Ang kapistahang ito ay hindi natatapos sa mismong araw ng Pasko. Tumatagal ito hanggang Enero sa pagdiriwang ng kapistahan ng Epifanio at kahit matapos na ang araw na ito, maraming dekorasyon pa rin ang maiiwan sa mga bahay-bahay.
Isang malaking pagdiriwang talaga ang Pasko sa Pilipinas at isa itong malaking bahagi ng ating kultura at pagiging Kristyanong bansa na ating maipagmamalaki sa buong mundo. Maipagmamalaki mong isa kang Pilipino dahil ang pagdiriwang ng Pasko sa ating bansa ay sadyang namumukod-tangi at walang kapantay ang saya. Isa rin ito sa mga bagay na maipagpapasalamat natin sa Maykapal dahil ang Pasko ay isang malaking regalo para sa lahat ng mga Pilipino dahil sa pamamagitan ng likas na kabutihang naidudulot ng diwa nito, malaking pagbabago ang makikita sa ugali ng karamihan. Sabi nga sa isang awiting pamasko,
“Ang pag-ibig naghahari.”
Sa lahat ng Pilipino sa loob at labas ng bansa, isang maligayang Pasko at manigong bagong taon.
Pwede narin ito