MASAMA na naman ang timpla ng araw ko. Walang pasok pero may prelims. Katulad ito ng bagoong at ice cream na parehong masarap ngunit hindi maaring pagsabayin. Hindi ko malaman kung ano ang hihilingin sa Diyos dahil iisa lang ang puwede.

“Inuulit ko po ang announcement mula sa DepEd, may pasok daw ang lahat ng year level,” sabi ng taga-anunsyo. Ngunit nagkataon nga lamang na higit na makapangyarihan ang tinig ni dean kaysa kay Ernie Barong.

“Nasaan ang payong mo, Mel? May bagyo raw sabi sa radyo,” paalala ni Ma kanina nang kinuha ko ang aking baon habang nagmamano.

“Ma naman, ambon-ambon lang ‘yan. Alam niyo naman po ang PAGASA, matuluan lang ng dumi ng ibon sa langit, magdedeklara na ng delubyo.”

“Bahala ka, sabi ni Joe Taruc.”

“Aalis na po ako!” siningit ko kaagad bago pa makapagsimula si Ma ng kaniyang litanya ng sariling bersiyon ng mga balita.

“Hindi ka ba magpapaalam sa Pa mo?” sabay turo sa larawang nakulong sa loob ng isang matandang lagayan ng libro.

Napailing na lamang ako at sabay na napangiti. Tingnan mo nga naman ang nakatatawang kapalaran. Umulan rin noong mga panahong nawala si Papa.

Napabuntong-hininga si Ma.

“Sige na, pumasok ka na nga at baka ma-late ka pa.”

Paglabas sa aming bakod, napatitig ako sa kalangitan at nakadama ng malaking panghihina at pagkamangha. Kulay grasa ang alapaap, ang kalangitang makapangyarihan, nakapangingilabot, kayang bumuhay, maminsala, at sa kaso ko, dahilan upang mawalan ng klase. “Ibang trip na naman ito,” nabulong ko sa aking sarili matapos pumara at makisiksik sa kakarag-karag na dyip.

Tatlumpung minuto bago mag-alas-siete ayon sa aking relo. Dumarami ang patak ng ulan sa wind shield ni manong tsuper habang hindi mapakali ang mga pasaherong kasakay ko. Mukhang hindi lang ako ang malapit nang mahuli. Sa kasamaang palad, wala kaming magagawa kahit na magngangangawa pa kami sa tsuper. Hindi naman tumatagos sa heavy traffic ang sasakyang ito tulad ng kay Harry Potter.

Bente minuto na lang bago magsimula ang aming pagsusulit. Minabuti kong harapin na lamang ang aking kapalaran sa unos kaysa amagin sa loob ng dyip. Umaalingasaw na naman ang mabahong amoy mula sa mga imburnal. Nagbabadya na malapit na namang maging ilog ang paligid ng unibersidad. Humanap kaagad ako ng bubong na maaring masilungan.

Huminga ako nang malalim. Pumorma. On your mark! Get set! Go!

Track and field yata ang kinuha kong P.E. ngayong semestre kaya naman buong sigla ang aking pagtakbo. Ngunit mamaya, mawawalan na rin ito ng saysay dahil paglangoy naman ang kakailanganin, sabi ko sa sarili. Iniwaksi ko na ang aking natitirang dignidad. Bahala na kung ano ang iisipin ng mga taong makakakita sa akin.

Matapos magtampisaw sa mga nabubuong sapa sa may kahabaan ng kalsada ng España, narating ko rin ang hagdan ng overpass.

Tuwing sira ang stoplight ko lamang ito inaakyat o kung wala lang talaga akong panakip sa aking bunbunan tulad ngayon. Mas matagal kasi ang oras na gugugulin mo sa pag-akyat dito, kaysa sa tuwirang pagtawid sa kalsada.

Nang simulan ko ang pag-akyat, napansin ko ang mga taong nauna sa akin na nag-uumpukan sa taas ng overpass. Tititig sandali ang karamihan at maya-maya, bababa na silang muli. Pati ba naman dito, nagkaka-traffic na. Nang marating ko na ang tuktok, isang dating kamag-aral na may dala-dalang itim na payong ang nakasalubong kong bumaba.

“Lito!” bati ko sa kaniya na maya’t-maya’y sumisilip sa kanyang relo.

“Oy, ikaw pala Mel!” sabi niya sa akin.

“Pasensya na kung naistorbo kita sa iyong malalim na pagmumuni-muni.”

“Sira! May pamuni-muni ka pang nalalaman. Wala ka na bang alam gawin kundi manira ng araw ng ibang tao?” pangiti niyang sinabi.

Panandaliang natahimik si Lito. Mukhang nagdadalawang-isip siya kung ipagpapatuloy ang gustong sabihin.

READ
Of tiles, strips, and noses

“Kumusta na nga pala kayo ng mama mo? Pasensya na Mel kung hindi ako nakasama noong isang linggo dahil may importanteng bagay akong inasikaso noong mga araw na iyon,” aniya.

“Ayos lang iyon. Medyo nalulungkot at nagdedelusyon pa si Ma pero ako, ayos na”

“Eh, ang bago mong kapatid? Ayos na ba kayo?” dagdag niyang tinanong.

Teka, masyado na yatang personal ang mga tanong niya. Kaya naman pala kahit nagmamadali nakuha pa niyang makipagtsikahan sa akin. Ang mga tao nga naman talaga, mahilig sa tsimis. Maturuan nga siya ng leksiyon.

“Wala na yata sa lugar ang tanong mo, Lito, pero dahil mukhang gusto mo talagang malaman, pagbibigyan kita. Siyempre, galit ako sa kanya, sa kanyang ina, at sa aking magaling na ama. Marahil walang problema kung umasta na lang siyang masama mula sa simula. Hindi katulad ng ginawa niya. Nagpanggap pa siya na responsable at mapagmahal sa pamilya, tapos malalaman mo na lang ang mga kabalastugang pinaggagawa niya habang ibinabaon na siya sa hukay. Gawin ba naman kaming uto-uto ni Ma.” Kitang-kita ko ang pagkalito sa mata ng aking kausap.

“Ano, nasagot ko na ba ang katanungan mo o baka naman gusto mo na ring kumpirmahin kung ano ang trabaho ng kerida ng aking ama?” tanong ko.

Nawalan ng kibo si Lito. Hindi na makatitig sa akin gaya kanina. Pasensyahan na lang kami, pagod na akong magpakaplastik tuwing tatanungin ako ng mga tao tungkol sa aking ama, para lang makapagpanatili kami ng kahit kaunting dignidad sa aming pamilya. Pero kung alam na halos ng buong Pilipinas ang aming kinakaharap na sitwasyon, parang walang saysay ang aming pagiging sibil. Ayaw ko sanang sirain ang araw ni Lito pero nauna siyang manira ng sa akin.

“Pasensya na, Mel. Wala nga sa lugar ang tanong ko kanina.”

Tumingin ito sa malayo tapos sa kanyang relo.

“Sige, Mel. Mauna na muna ako,” sabi ni Lito habang ipinagpatuloy ang pagbaba.

“Bakit nga pala ayaw mong dumaan dito sa overpass?”

“Kung ako sa iyo, Mel, maghahanap na lang ako ng ibang daraanan.” Hindi siya lumingon pabalik o tumigil man lang sa paglakad.

“Ano bang meron dito?”

“Basta huwag mo nang alamin. Pero sinisiguro kong hindi mo iyon magugustuhan,” huling tugon ni Lito.

Tinitigan ko ang kanyang likuran hangang sa tuluyan na itong nawala sa aking paningin.

Bibihira ko na lang siya makausap, nagkasamaan pa kami ng loob. Ayos talaga si Pa. Nakalibing na nga, nakakapanggulo pa rin siya sa buhay namin ni Ma. Isinaisip ko ang sinabi ni Lito; baka naman mayroong holdapan o ‘di kaya isang media traffic coverage sa itaas. Madali lang kasi para sa kaniya na sabihing sa ibang lugar na lang ako dumaan dahil mayroon siyang dalang sariling payong. Hindi katulad ko na halos kalahating ligo na ang inabot para lang marating ang overpass. Tumingin ako sa aking relo, labing-isang minuto bago mag-alas siete. Wala na akong oras. Bahala na.

Sumingit ako sa mga taong nakikiisyoso at ayaw pa ring umalis doon upang malaman na pinagkakaguluhan nila ang isang matandang lalaki na nakahandusay sa gitna ng daan. Mukhang hindi na siya humihinga. May patay na naman. Talagang suki na yata ako ni Kamatayan. Inusisa ko nang mabuti ang katawan mula sa aking kinalalagyan. Buto’t balat na lang halos ang makikita sa kanyang matandang pangangatawang natatakpan ng mga pinagtagpi-tagping retaso ng tela. Punong-puno ng dungis hindi lang ang kanyang kulubot na balat, kundi pati na rin marahil ang kanyang pagkatao mula sa polusyon at panunuya ng lipunan. Nakatalikod ang ulo nito kaya kita ang maputi at nalalagas nitong buhok. Marahil mabuti na rin ito, dahil kung sakaling nakaharap ito na bukas ang mata sa publiko, magkakaroon naman ng bagong karagdagan ang mahabang listahan ko ng mga bangungot.

READ
Making it to the top is not a one-in-a-million chance

Napansin ko na nagsisibaba na lang muli ang karamihan sa mga taong nasa paligid marahil sa pandidiri, pagkatakot o dahil iyon ang ginagawa ng karamihan. Ang kaunting natira na mukhang handang makipagpatintero sa mga 10-wheeler truck, huwag lang mahuli, ay hinakbangan na lamang ang bangkay. Sila ang mga mararapat na bansagang tunay na beterano sa karera ng mga daga sa parteng ito ng Maynila. Desperado, nakisabay na rin ako sa mga ito.

Ano naman kung dadaanan ko ang isang bangkay? Hindi naman ito isang mortal na kasalanan, hindi ba? Paulit-ulit ko itong tinatanong sa aking sarili habang tinatahak ang kabilang dulo ng tulay. Isang patak ang tumulo mula sa noo ko patungo sa aking labi. Maalat-alat. Pawis ito at hindi patak-ulan. May kutob akong hindi ito nagmula sa aking pagtakbo kanina. Karma ba ito sa paninirang-puri sa mga patay?

Huminto ako sa gitna ng overpass na hindi malaman kung ano ang gagawin. Buwisit talaga ang konsensyang iyan. Bubulungan ka tapos biglang iiwanan ka sa ere kapag kinakailangan na ng pagbabanat ng buto. Pinagtitinginan na ako ng mga tao. Mabuti pa ang Good Samaritan sa Bibliya, walang mga manonood at kahit papapaano’y buhay at pinagnakawang manglalakbay lang ang kaniyang tinulungan. Naloko na! Bayani o duwag na lamang ang maari kong kalabasan mula sa situwasyon na ‘to.

Sandamakmak na mga boses ang biglang nagsulputan mula sa kung saan. Ito ang mga kakambal ng aking mabuting konsensya. “Iwan mo na iyan at bahala na ang mga basurero riyan,” sabi ni Kamangmangan. Bigla namang sumiksik si Talino at nagsabing may sistema naman ang lipunan para sa mga ganitong kaso, kaya umalis na ako at problemahin na lamang ang aking prelims. “Estudyante ka lang. Gawin mo ang iyong responsibilidad. Tanga ka naman pala e! Latak na lang iyan ng lipunan na walang silbi at dumaragdag pa sa problema ng mundo, pag-aaksyahan mo pa ng oras mo,” hirit ni Galit. Sari-saring boses pa ng demonyo ang biglang nag-uunahang magbigay ng kanilang mga mungkahi. Isang boses para sa kabutihan at sandamakmak naman para sa kasamaan.

Umiikot na ang aking paningin at nawala na ako sa aking sarili. Ang gulo, parang sesyon sa senado. Simpatya, galit, pakalungkot, at kahihiyan na naghalo-halo sa isang dominanteng emosyon—takot. Kailangan ko nang tumakas. Sa gitna ng lahat ng kalituhang ito, napahawak ako sa basang hawakang bakal.

Iniangat ko ang aking kamay. Basa ito ngunit kitang-kita ang marka ng alikabok. Luminaw na muli ang aking isipan at pandinig. Walang tunog ng mga busina ng mga sasakyan. Tanging mahinahong ingay ng mga patak ng ulan sa bubong na yero ang aking naririnig. Mayroon isang orkestrang tumutugtog ng requiem. Alam ko na ang aking dapat gawin pero parang mabigat pa rin ito sa aking damdamin.

Humarap muli ako sa bangkay at dahan-dahang lumuhod sa may uluhan nitong nababalutan ng puting buhok. Wala naman itong bahid ng dugo. Kinapa ko ang pulso nito para siguruhing wala na talaga itong buhay. Malamig at wala ng tibok, maaari nang ideklerang clinically dead ng isang doktor ang kaharap kong katawan. Pero kung tutuusin, wala naman itong halos ipinagbago kung ikukumpara noong palaboy-laboy pa ito sa lansangan. Kahit humihinga pa, patay na ito sa mata ng lipunan. Nang higpitan ko na ang paghawak sa dalawa nitong kamay, isang lalake na nakaputing uniporme ang biglang sumulpot mula sa grupo ng mga manonood at sabay humawak sa paanan at tumitig sa akin. Tumango ako. Bagaman walang palitan ng mga salita ay nagkaintidihan kami. Sinimulan naming buhatin ang bangkay patungo sa tabi ng daan. Magaan ito; kasimbigat lamang ang katawan ng kumpol na natitira mula sa mga pinagsama-samang patpat at retaso ng tela ng isang sumabit na saranggola.

READ
Sa pag-akyat ng araw ng Pasko

Nang maibaba na ang bangkay, tumayo kaagad ang lalaki at sabay lumayo. Naiwan ako sa aking kinatatayuan. Para sa mga taong nakapaligid, tapos na ang palabas. Panahon na para bumalik sa kani-kanilang mga buhay. Alam kong kailangan ko na ring bumalik sa pagsabay sa agos, ngunit ayaw pa ring gumalaw ng aking katawan.

Anim na minuto bago mag-alas siete. Tumigil ang mundo sa pagikot.

Wala na ang bangkay sa daanan. Ano na ang mangyayari rito? Bigla na lang ba itong maglalahong parang bula? Itatapon na lang ba ito sa basurahan? Ililibing ba ito sa pampublikong sementeryo? Ano nga ba ang katuturan ng ginawa ko kanina?

Nakadama ako ng matinding pagkukulang. Wala na akong ideya kung ano na ang maaaring mangyari, kaya ginawa ko na lang ang aking magagawa base sa aking pananampalataya. Ipinagdasal ko na lamang ang kaluluwa nito ng pinaghalo-halong Our Father, Hail Mary, Angel of God, at Glory Be. Matapos ng limang minutong burol, muling sumulpot ang lalaking tumulong kanina na may kasamang dalawang pulis.

“Pasensya na kung umalis agad ako kanina nang walang paalam. Kinakailangan kasing maiulat agad sa kinauukulan ang tungkol sa bangkay. Sila na ang bahalang magdala niyan sa morgue at sa mga kakailanganin pang imbestigasyon,” nakangiti nitong sinabi.

Hindi ako kumibo.

“Marahil iniisip mo kung mayroon kang pananagutan sa naging kapalaran ng taong grasa.”

“Nakakatawa na kung kailan lang namatay ang isang taong tulad niya, doon lang ako nakaramdam ng simpatya at awa, at nakatulong sa kanyang kalagayan,” tugon ko.

“Nagawa mo na ang parte mo para matulungan siya kanina. At maniwala ka sa akin na malaking bagay na iyon.”

“Ang maalis siya sa gitna ng daanan? Anong silbi n’un?”

Pinagmasdan akong mabuti ng aking kausap na para bang mayroon itong sinisiguro.

“Ngayon ka lang ba nakahawak ng patay?”

Nabigla ako sa tanong niya, pero dahan-dahang akong tumungo. Nagpatuloy sa pagsasalita ang aking di-kilalang kausap.

“At mayroon kang kamag-anak, kaibigan, o kahit sinong malapit na kamamatay lang?”

Tumungo ulit ako.

“Normal lang sa mga taong namatayan kailan lang ng mahal sa buhay ang makaramdam ng tulad ng sa iyo. Iyon siguro ang dahilan kung bakit ikaw lang sa lahat ng mga taong nakakita sa bangkay ang kumilos para itabi ito. Marahil hindi mo pa rin natatanggap ang pagkamatay ng taong mahalaga sa iyo. Pilit mong hinahanap ang taong nawala sa iyo sa bangkay na iyon.”

Naalimpungatan ako nang marinig ko ang mga salitang hinahanap na iyon.

“Nagkakamali ka yata sa interpretasyon mo. Ang totoo nga niyan, galit ako sa taong iyon dahil sa mga kasalanan niyang iniwan sa akin.”

“Huwag mong lokohin ang sarili mo. Hindi sapat ang isang kasalanan upang ikasuklam mo ang isang tao hanggang sa kaniyang kamatayan. Alam mo sa iyong sarili na tama ako. Nagagalit ka lang sa taong tinutukoy mo dahil iniwan ka niya. Intern ako sa ospital ng unibersidad kaya alam ko ang aking pinagsasasabi. Marami na akong nakitang mga taong nagmumura sa harap ng isang bangkay.”

Huminto siyang sandali at nagbuntong-hininga.

“Kahit ako ay nakaranas na ng ganito.”

Lumingon ako sa gilid ng overpass upang itago ang patak na nabubuo sa aking mata. Suko na ako, mukhang tama siya. Sinong mag-aakalang mananalo si Pa kahit wala na siya.

“Overpass.”

“Ano’ng sabi mo?” tanong ko sa aking kausap.

“Ang buhay ay para lamang isang maikling overpass.”

Ginawaran si Samuel Raphael Medenilla ng Rector’s Literary Award at itinanghal ding Kuwentista ng Taon sa ika-22 Gawad Ustetika Patimpalak Pampanitikan na idinaos noong nakaraang taon. Kasalukuyang nasa ikalawang taon sa kursong Journalism, naging kalahok si Medenilla sa Ikalawang Ustetika Palihan Pampanitikan na ginanap noong Setyembre.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.