BUWAN ng Agosto, panahon ng ating pambansang wika, kultura, at nasyonalismo, at heto tayong mga Pilipino, nagkakawatak-watak.
Hindi lingid sa ating kaalaman ang mga nagaganap na kaguluhan sa ating bansa, mula sa Mindanao kung saan patuloy na nakikipagbakbakan ang mga puwersa ng militar sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF), hanggang sa ating Kongreso kung saan patuloy na nagtatalo ang mga kongresista ng oposisyon at ng administrasyon para sa pagbabago ng ating Saligang Batas.
Sa ganitong magulo at masalimuot na estado ng ating lipunan, may lugar pa ba ang pagdiriwang ng isang bagay na kumakatawan sa ating pagkakaisa – ang ating wika?
Ayon kay Ludwig Wittgenstein, isang kilalang pilisopo ng wika at matematika, ang wika ay sumasalamin sa ating pagiisip at pamumuhay. Ito ang dahilan kung bakit ang pag-aaral at pagtangkilik nito ay hindi lamang nakabukod sa pang-akademikong usapin kung hindi para sa praktikal na pagsusuri ng ating mga sarili upang matugunan natin ang mga problema natin sa lipunan.
Isang patunay ng pilosopiyang ito ay ang paglitaw ng mga salitang nabago ang kahulugan tulad ng kano, salvage, pakikibaka at diktador, na naging bukambibig ng mga aktibista noong panahon ng Martial Law noong dekada 70’. Ang mga salitang ito ang sumisimbolo sa pinagsama-samang pagtutol ng mga mamamayan sa pamumuno ni Ferdinand Marcos.
Walang pinagkaiba ito sa isyu sa pagkakaisa na kinakaharap ng bansa ngayong. Kung nagawang mapagbuklod ni Manuel Quezon ang sari’t saring wika at diyalekto na kumakatawan sa iba’t ibang katutubo ng ating bansa upang mabuo ang Filipino, hindi imposibleng maatim natin ang pagkakaisa gamit ito bilang batayan.
Ang unang bagay na mahihinuha natin mula sa katangian ng Filipino ay hindi natin maaring madaliin ang pagkamit ng pambansang wika o sa kaso natin ngayon, ng ating pambansang kapayapaan. Tulad ng mahabang prosesong pinagdaanan ng pagbuo ng Filipino, hindi rin madali ang pagkamit ng kapayapaan sa Mindanao sa pamamagitan ng memorandum of agreement sa MILF o ang pagkuha ng suporta ng mga mamamayan para sa pagbabago ng ating Saligang Batas sa pamamagitan ng Charter Change. Tulad ng sa wika kung saan ang Tagalog ang nagsisilbing pangunahing batayan, ang kapayapaan ay dapat nagmumula sa dahan-dahang asimilasyon ng isang panig na magsisilbing pundasyon.
Dito papasok ang ikalawang aspeto ng wika tungo sa pagkakaisa: ang importansya ng mga mamamayan sa pagbabago ng ating lipunan.
Hindi puwedeng diktahan ang mga Pilipino kung ano ang wikang kanilang dapat gamitin, dahil ito ay nakasalalay sa kanilang pasya kung tatangkilikin nila ito o hindi. Tulad ng naganap na kasunduan sa pagitan ng MILF at ng pamahalaan kung saan hindi nabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayang nakatira sa mga lugar na kasama sa napagkasunduang Bangsamoro Juridical Entity na magbigay ng kanilang pagsang-ayon o kabaligtaran nito.
Kagaya rin nito ang isyu sa planong pagpapalit ng Saligang Batas. Paano makakasiguro ang mga mamamayan na ang nilalakad na pagpapalit ng Saligang Batas tungo sa parlamentaryo mula sa presidensiyal na sistema ng gobyerno ay makakabuti sa kanila, gayong ang mga nagsusulong nito ay ang mga kongresistang walang inatupag kundi ang kanilang pansariling interes? Ito ang prinsipyong pinanghahawakan ng mga taong patuloy na tumututol sa pagbabago ng Saligang Batas dahil na sa mga mamamayan pa rin dapat ang huling salita sa nasabing isyu.
Bagamat maraming kinahaharap na pagtutol mula sa mga iba’t ibang kritiko, tulad ng wika, ang kapayapaan ay importante sa pag-unlad ng ating bayan kung kaya dapat ito bigyan ng pangunahing pansin ng ating gobyerno.