MAKAILANG beses na nating narinig ang mga katagang, “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay mahigit pa sa hayop at malansang isda.” Nakakairita na nga itong marinig minsan lalo kung ika’y nasa loob ng klase ng Filipino. Higit pa siguro kung isa ka sa mga tulad kong nagtatanong kung mayroon na nga ba tayong sariling wikang mamahalin.

Sa ngayon, laganap ang tinatawag na “taglish” o “enggalog” na gumagamit ng Ingles at Tagalog ng papalit-palit sa pakikipag-usap at ngayon nga ay maging sa pagbabalita sa radyo, sa telebisyon, at dyaryo. Marahil ito na rin ang dahilan kung bakit naging patok sa masa ang ganitong uri ng pananalita.

Tama nga siguro ang isang bantog na pilosopo na si Michel Focault na ang lahat ng umiiral na kagawian ay itinatakda lamang sa pamamagitan ng mga ugnayan ng kapangyarihan (power relations).

Madaling lumaganap ang paggamit ng “taglish” at “enggalog” dahil na rin mas minabuti silang gamitin ng mga mamamahayag. Malakas talaga ang kapangyarihan ng pamamahayag.

Subalit malaki ang nawawala sa mga Pilipino.

Sa “taglish” at “enggalog,” nawawala ang pinag-uugatan ng husay sa pakikipag-ugnayan. Bilang resulta, hindi nahahasa ang mga gumagamit nito sa Filipino man o sa Ingles.

Hindi ko rin naman masisisi ang pahayagan dahil wala naman silang magagawa kundi ang gumamit ng pinakamadaling gamitin sa komunikasyon lalo pa’t wala namang matibay na batayan ang tinatawag na “Filipino” ngayon. Ngunit bakit kailangan pang humantong sa ganito?

Nakalulungkot isipin na kung paano nagsasang-ayunan ang pulitika ng wika sa paggamit ng “taglish” at “enggalog” sa mga pahayagan, gayun din naman kalakas o mas matindi pa ang pulitika sa pagtutunggalian sa pagbubuo ng isang matibay na pundasyon ng Wikang Filipino.

READ
Thomasians land in Archi board top 10

May sari-sariling istilo ng Filipino na nga ang mga malalaking unibersidad sa Pilipinas tulad ng Unibersidad ng Pilipinas, La Salle, at Ateneo. Ilan nga sa mga istilo ay ang pagpapahintulot ng pagpapalit ng koda kung saan hindi magkasundu-sundo ang mga eksperto.

Tama, may mga salitang hindi maisasalin sa Filipino dahil kapag ginawa iyon, hindi masasakop ang buong kaisipan tungkol sa bagay na tinutukoy ng salitang iyon.

Gayunpaman, ang mga salita naman na mayroong naaayong salin sa ating wika ay hindi na dapat i-isang tabi para lang maipasok ang mga banyagang salita.

Sa nangyayari ngayon, kung ano ang uso, iyon na ang dapat. Minsan nga sa klase ka pa masasabihan na “kakaiba” ka na nalalapit na rin sa impresyon na mali dahil ang ginagamit mo ay hindi na ginagamit sa pakikipag-usap.

Bakit? Kasi nga, ang laganap na ay “taglish” at “enggalog”–ito ang uso. Nasaan na ngayon ang wikang dapat mahalin? Mayroon pa ba?

Kung masusunod nga ang teorya ng ugnayan ng kapangyarihan ni Focault na nangyari na nga nang lumaganap ang “taglish” at “enggalog,” mayroon pang pag-asa ang pagkakaroon ng isang wikang masasabi nating sariling atin. Hindi iyung tipong halo-halo.

Kaso, mangyayari lamang ito kung magiging mas malakas ang mga nagtataguyod ng isang wikang Filipino. Sa ganitong lagay, hindi lamang dapat gobyerno ang kumilos, pati dapat ang akademya.

Malaki na ang hahabulin ng mga magsusulong, kung mayroon man, ng totoong Wikang Pambansa, hindi pa ba dapat magsimulang tumakbo ang pagsulong ng isang tunay na wika?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.