(Dibuho ni Sophia R. Lozada/The Varsitarian)

BAGO pa man naging isang ganap na aklatan ang Miguel de Benavides Library, ilang pagsubok at sakripisyo ang kinaharap ng mga tagapagtatag at tagapangalaga nito.

Inihabilin ni P. Miguel de Benavides, O.P. ang kaniyang natitirang P1,500 at kaunting koleksyon ng libro kina P. Domingo de Nieva, O.P. at P. Bernardo de Sta. Catalina, O.P., mga kapwa niya Dominiko, upang gamitin sa pagtatatag ng isang kolehiyo.

Ang Colegio de Nuestra Señora del Santissimo Rosario, isang seminaryo, ang pinagmulan ng Unibersidad ng Santo Tomas.

Kasama rin ang obispo na si Diego Soria at ang heograpo na si Hernando de Los Rios Coronel na nagbigay ng kanilang mga pribadong koleksiyon para sa aklatan.

Hindi madali ang magpatayo ng isang silid aklatan noong mga panahong iyon dahil wala pang kakayahan ang mga Philippine press na makagawa ng mga aklat na mayroong matataas na kalidad.

Dala ng mga misyonerong nagpupunta sa bansa ang karamihan sa mga aklat.

Orihinal na matatagpuan sa gusali ng Unibersidad sa Intramuros at iba’t ibang lugar sa paligid ang silid aklatang ito.

Ngunit matapos ang pagkasira ng Unibersidad sa Intramuros, inilipat ito sa Main Building ng sa Sampaloc.

Sa isyu ng Varsitarian noong 1976, inilathala na ang aklatang ito ang naging sandata at katuwang ng mga Tomasino sa paglinang ng kanilang kaalaman sa Unibersdad.

Maaari ring pumunta tuwing Linggo kung may pagsusulit sa susunod na araw.

Taong 1985 nang simulan ang pagpapatayo ng sariling gusali para sa silid aklatan at noong ika-29 ng Oktubre taong 1989 ito natapos.

Ipinangalan ito kay Benavides upang gunitain ang ika-400 na taon ng kaniyang pagkamatay pati na rin ang ika-400 na taon ng pagkakatatag nito.

Sa kasalukuyan, binubuo ang aklatang ito ng 16 na seksiyon at lima pang sangay na aklatan.

Matagumpay rin na sumunod ang aklatan mula sa mano-manong operasyon patungo sa “fully automated” at pagiging “virtual library.”

Kasama si Benavides sa unang pangkat ng mga Dominikong dumating sa bansa noong 1587 upang palaganapin ang Katolisismo.

Isa siya sa mga paring Kastila na naging malapit sa mga Filipino dahil sa pagtatanggol niya sa kanila sa mga mananakop na Kastila.

Tomasino Siya

Hindi matatawaran ang kahusayan ng mga Tomasinong mamamahayag sa pabibigay-boses sa lipunan gaya ni Ruben Viado Nepales Jr.

Nagtapos ng kursong journalism si Nepales sa Unibersidad at naging miyembro ng The Flame, ang opisyal na pahayagan ng Fakultad ng Sining at Panitik.

Naihalal bilang Chairman ng Hollywood Foreign Press Association noong taong 2012. Mamamahayag din si Nepales sa Philippine Daily Inquirer.

Pinarangalan na siya ng iba’t ibang samahan gaya ng National Entertainment Journalism Awards at ng Southern California Journalism Awards.

Noong 2011, ginawad kay Nepales ang The Outstanding Thomasian Alumni Awardee para sa katergoryang media.

Taong 2013 naman ng mailimbag ang kaniyang kauna-unahang aklat na “My Filipino Connection: The Philippines in Hollywood” na nanalo sa book category ng Migration Advocacy and Media Awards.

Sa aklat na ito mababasa ang mga interbyu ni Nepales sa mga artistang Filipino-American at mga Filipino na nasa Hollywood na gaya nina Bernardo Bernardo, Alec Mapa, Vanessa Hudgens, Hailee Steinfeld, Anna Maria Perez de Tagle, Charice Pempengco, at marami pang iba.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.