IKA-12 ng Oktubre, 1999, katanghalian, Benguet

Kumakalampag sa bubong ng bus ang malalaking patak ng ulan at animo’y bubutasin iyon. Isang oras na ang lumipas nang magsimula akong sumakay mula Itogon. Batid kong halos walong barangay na ang aming nilagpasan at malayu-layo na ako sa mapanghusgang mga mata nina Kuya Konde at Kuya Apo.

“Ano na? Iiwan mo kami?” nagngingitngit at may halong pangungutiya ang tinig ni Kuya Apo nang katukin ako sa aking silid kaninang umaga. “Para ano? Para magpaka-inutil sa Maynila? Hindi ba’t ginawa na iyon ng mga magulang natin? O nasaan sila ngayon?”

Hindi ako kumibo. Gusto kong sabihin sa kaniya na mula pagkabata, wala akong ibang hiniling kung hindi ang makita sina itay at inay. Sa kuwento ng Lolo, maglalabing-isa na si Kuya Apo noon habang pitong taong gulang naman si Kuya Konde kung kaya’t pawang galit ang nabuo sa kanilang mga puso nang hindi na bumalik galing Maynila ang aming mga magulang.

“Kapag may nangyari sa‘yo at hindi ka na nakabalik dito, huwag mong sasabihing hindi kita kailanman pinaalalahanan.” Ibinalibag ni Kuya Apo ang kawayang pinto at dinampot mula sa mesa ang kaniyang hard hat bago tumungo sa direksiyon ng minahan.

Isang taong gulang pa lamang ako nang magpasiya ang aming ama na sa Maynila sumugal sa kapalaran kasama ng aming ina. Hindi raw niya masikmura ang buhay ng isang minero. Bilang isang purong Ibaloi na tubong La Trinidad, Benguet, napakahalaga ng kabundukan sa kanilang pangkat. Hindi maatim ng kaniyang konsiyensiya na bunga ng pagsira sa kalikasan ang pagkaing aming pinagsasaluhan noon.

Iyon lamang ang alam ko tungkol sa kaniya. Nakakatuwang isipin na kung ano ang kinamumuhian niyang gawain, iyon ang kasalukuyang bumubuhay sa amin.

“Miyong, hindi ka na ba talaga mapipigilan?” Marahang hinahaplos ni Kuya Konde ang mapupulang balahibo ng isang tandang at pilit na ikinukubli ang matinding pagkadismaya.

Umiling ako. Tumango na lamang siya at hindi ako nilapitan. “Mag-ingat ka kung gayon. Gabayan ka sana ni Kabigat. Huwag mong aasahang humihinga pa ang Lolo sa iyong pagbalik. Malubha na ang kaniyang kalagayan.” Bumuntong-hininga siya. “Nawa’y hindi ka parusahan ng egma-sas sa pagtalikod mo sa kabundukan.”

READ
UST leads heritage preservation of Vigan

Kinilabutan ako sa pagbanggit ng parusa. “Babalik ako, Kuya,” mahina kong tugon.

“Huwag kang mangako ng hindi mo kayang tupdin.”

Ibinulong ko na lamang sa malamig na hangin ang aking pangako. Alam kong makararating iyon sa Kabunian, ang aming mga panginoon, at mauunawaan nila ang aking kalagayan.

Sa pagbaba sa unang lambak mula sa aming tahanan, lumingon ako sa huling pagkakataon.

Ika-14 ng Oktubre, 1999, Pasig

Unang araw ko pa lamang sa lungsod subalit dama ko na ang sinasabi nilang malawak na agwat ng mahirap at mayaman. Sa isang talipapa kung saan ako napadpad sa pagtunton sa address na iniabot sa akin ng Lolo, nasilayan ko ang isang batang pamilya. Bata sapagkat batid kong wala pang dalawampung taong gulang ang ina ng dalawang marurungis na paslit. Ilang minuto pa ang lumipas nang may isang itim na kotseng nagbaba ng bintana upang magtapon ng basura. Kumaripas ang mga bata at nag-unahan sa pulang supot na initsa sa bangketa. Gutom at matinding kahirapan. Mahirap ka na nga, wala pang magmamalasakit sa iyo. Ibang-iba sa Itogon.

Matapos magtanung-tanong, pumara ako ng dyip. Kumakalam na ang aking sikmura at tila hinahanap ang mga lutong Itogon. Wala nang ibang natitira sa aking baon kung hindi ang isang maliit na supot ng biskwit. Sa mga ganoong pagkakataon ko naaalala ang mga sermon ni Kuya Apo. Marahil, ito na ang sinasabi ni Kuya Konde na parusa sa akin ng egma-sas: ang pagganti ng kabundukan sa mga lumilisan dito.

“Saan ho ito bababa?” Naalimpungatan ako sa aking pag-iisip. Pinagtitinginan na ako ng mga kasakay ko sa dyip sapagkat pangatlong tanong na pala iyon ng tsuper.

Dali-dali kong kinapa ang maliit na piraso ng papel sa aking bulsa. “Ah… eh… sa Malinao po.”

READ
'Haircut policy' hiniling na ibasura

“Halatang bagong-salta,” bulong ng isang babae sa kaniyang kasama.

“Mukhang katutubo,” tugon ng isa. “Tignan mo ang mga paa. Baka tumatawid pa ‘yan sa bubog.” Sabay silang naghagikhikan.

Nagkibit-balikat na lamang ako at nagkunwaring hindi sila naririnig.

Mas malaki ang agwat ng mga laking-probinsiya at mga intelektuwal (o minsa’y mapagkunwaring intelektuwal) ng lungsod.

Bumaba ako sa gilid ng isang lumang simbahan. Hindi ko alam kung saan ako patungo kaya napagpasyahan kong pumasok at magmasid.

Tahimik sa loob at kaunti lamang ang tao. Naalala ko tuloy ang mga Katoliko sa Benguet. Payapa silang namumuhay sa paanan ng kabundukan at sila iyong mga taong palaging nakangiti kung makakasalubong mo sa bayan.

Sa dingding sa gilid ng altar matatagpuan ang rebulto ng isang napakagandang babaeng akay-akay ang kaniyang lalaking anak. Kaparehong-kapareho ito ng nasa simbahan sa La Trinidad. Naitanong ko tuloy sa aking sarili kung ano marahil ang pakiramdam ng haplos ng isang ina.

Lumapit ako sa isang babae na nag-aayos ng mga paninda sa gilid ng mga tulusan ng kandila.

“Maaari ho bang magtanong?” Nang tumango siya, bumuntong-hininga ako bago banggitin sa unang pagkakataon ang pangalan ng aking ina. “Kilala niyo ho ba si Nerida Payaw? Heto ho ang retrato niya. Dito ko raw ho siya matatagpuan.”

“Hijo…” Tumingin sa akin ang babae. “Matagal nang yumao si Nerida.”

Huminto ang mabilis na pintig ng puso ko. Para akong aatakihin. Hindi ko malaman ang aking ikikilos o itutugon.

“Ikinalulungkot ko… Puntahan mo si Father Sales,” idinagdag niya, batid ang aking pagkabagabag. “Baka matulungan ka niya.”

Hindi ko alam kung nakapagpasalamat man lamang ako bago ako umalis sa kaniyang harapan. Ang sigurado ko lamang ay ang walang patid na pagtulo ng luha sa aking mga mata.

“May iniabot sa akin si Nerida bago siya malagutan ng hininga,” ani Father Sales bago ibinigay sa akin ang isang maliit na sobre. “Ikaw pala si Miyong, ang bunso niyang anak. Palagi ka niyang nababanggit. Simula nang masagasaan sa highway ang kaniyang asawa, palagi na siyang pagala-gala riyan sa labas ng simbahan kaya minabuti kong kilalanin siya.

READ
Thomasian's versatility brings life to Filipino art

“Lumuwas daw sila ng Maynila upang mag-aral at magpetisiyon sa pamahalaan. Nais nilang ipahinto ang pagmimina sa Benguet, partikular na sa lugar ninyong mga Ibaloi. Tagalinis namin siya rito sa simbahan. Palagi siyang nasa paanan ng Birhen, nagdarasal. Nang turuan kong magrosaryo, laking gulat ko nang mas madalas pa siyang nakaluhod kaysa sa mga deboto ng Imaculada Concepcion.”

Habang binabasa ko ang liham ng aking ina, hindi ko mapigilang magsisi sa mga panahong nagalit ako dahil wala siya sa buhay ko. Sabi sa liham, naiinggit siya sa Birhen sapagkat nakasama niya si Hesus sa kaniyang Misteryo Paskal, samantalang siya, hindi man lamang kami nakitang lumaki. Aniya, para sa aming kapakanan ang paglalayon nila ni Tatay na ipatigil ang minahan sa aming mga kabundukan. Ito raw, kapag nagpatuloy, ang sisira sa aming kinabukasan.

Kalakip ng kaniyang sulat ang isang rosaryo na gawa sa mga makukulay na beads mula sa Benguet.

“Matuto kang magdasal, Miyong,” sulat niya. “Ganito lamang: isang kahilingan kada butil ng rosaryo. Ang Birhen ang gagabay sa iyo. Siya ang tatayong nanay sa inyong magkakapatid ngayong wala na ako…”

Ika-18 ng Nobyembre, 2014, magbubukang-liwayway

“Halina’t lalarga na tayo!”

Labinlimang taon ang matuling lumipas. Aakyat akong muli sa kabundukan ng Benguet. Alam kong wala na si Lolo subalit naroon pa rin sina Kuya Apo at Kuya Konde. Kamusta na kaya sila? Mababawasan kaya ang parusa sa akin ng kabundukan ngayong isasalba ko ang buhay niya?

Isinilid ko sa brown envelope ang mga dokumento mula sa korte at sa DENR bago iniabot ang isang lata ng cookies para sa batang pamilya sa terminal ng bus.

“Wow! Salamat po, Father!”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.