ISANG malaki at mahalagang pagbabago ang naganap sa Varsitarian noong dekada singkuwenta. Kinatatampukan ng mga debate mula sa mga estudyante at muling pamamayagpag ng mga literaryong ideya mula noong nakaraang dekada, pinalitan ni Antonio Infante ng College of Civil Law ang presentasyon ng pahayagan mula sa tabloid at ginawa itong news-literary magasin na inihantulad sa Time Magazine.
Ayon kay Ronaldo Mendoza, Cadet Editor noong 1954, ang laki ng bagong Varsitarian ay bahagya ang ipinagkaiba sa Time Magazine.
“The Varsitarian is slightly smaller (than Time Magazine),” aniya.
Nadagdag pa ang mga simbulo at mag artistikong likha sa bawat pahina na kaiba sa nakaraang istilo nito.
“Quality-wise, the pages were more glossy and artistic. You have the pages with not just an ordinary script,” dagdag pa niya.
Pinagsama din ang news at literary upang maging mas kawili-wili ito at upang magkaroon ng balanse sa mga nilalaman ng pahayagan.
“It was not just straight news, mas subjective sa report. It was not just what, where, when, who, and how,” sabi ni Ronald.
Unang lumabas ang ganitong pormat noong ika-10 ng Agosto ng 1950 na may editoryal tungkol sa “Voice of the Catholic Philippines” na nagpapahayag ng pagpapalaganap ng pananampalataya sa mga walang oportunidad na makakuha nito.
Nagkaroon din ng mga serye ng artikulo hinggil sa Central Board of Students upang maiparating sa mga estudyante ang kahalagahan ng student government at ma-ipaalam sa mga estudyante ang mga usapin at suliranin ng Board. Ang mga ito ay pinasinayanan ni Kapitan Elisee Vibar ng Graduate School.
Datapwa’t walang naging problema sa pagkalap ng pondo upang masustentuhan ang mga pangangailangang pinansyal ng Varsitarian dahilan sa naging maayos at organisado ang pagpopondo rito taliwas sa mga nagdaang dekada.
Nagkaroon din ng dalawang patnugot noong 1954. Sinundan ni Benjamin Agarao si Vicente JA. Rosales nang matapos ang termino nito bilang punong patnugot. Si Rosales din ang naging pangatlo sa mga punong patnugot na umupo sa posisyon ng dalawang termino.
Kabilang pa sa mga tanyag na manunulat noong dekadang iyon ay sina Ophelia Alcantara-Dimalanta at Bienvenido Lumbera.
Gayon din noon panahon na iyon ay mayroon nang tagapayo o adviser ang Varsitarian. Bagamat moderator ang tawag, ginagawa nito ang gampanin ng isang tagapayo na siyang humahalili at gumagabay sa mga manunulat ng pahayagan, gaya ng kay Dr. Antonio Molina noong 1954.
Simula pa noon ay minsan sa isang buwan pa na ang lathala ng pahayagan. Nilalaman ng pahayagan ang mag seksyon tulad ng Cadet Section na tumatalakay sa mga isyu at usaping tungkol sa Reserved Officers Training Course (ROTC), Co-Ed na tungkol naman sa mga gawain at pangyayari sa kampus, Sports, Literary, at Features Sections. Julienne Therese S. Villaluz