NAGSANIB-PUWERSA ang iba’t ibang relihiyon sa buong mundo upang ipalaganap ang diwa ng pagkakaisa sa ginanap na pampublikong pagpupulong ukol sa “Joint Pastoral Ecumenical Delegation Visit to Tarlac, Eastern Visayas and Mindanao” ng World Council of Churches (WCC) at Christian Conference of Asia (CCA), sa Thomas Aquinas Research Complex noong Hulyo 20.
Nilayon ng pulong na may temang “In Defense of Life: Building Resistance through International Solidarity,” na ipahayag ng mga Kristiyano at iba pang relihiyon pagtataguyod ng hustisya at dignidad ng tao. Batid ng delegasyon na nahihirapan ang may 85 milyong Pilipino na maranasan ang ginhawa ng buhay dahil laganap pa rin ang karukhaan, represyong pampulitikal at iba pang uri ng pagyurak sa karapatang pantao sa bansa.
“Nakalulungkot isipin na kahit Katoliko ang Pilipinas, hindi kinikilala ng Sandatahang Lakas ng bansa ang layunin ng Simbahang Katoliko,” ani Clement John ng WCC.
Sa talumpati ni Rev. Gregor Henderson ng Uniting Church in Australia, “When Governments Turn against the People,” natalakay ang madalas na pagpanig ng gobyerno sa mga impluwensyal na tao, na nagdudulot ng pang-aabuso sa mga katutubo.
“There are instances wherein the government permits large mine companies to take advantage of the indigenous people forcing them out of their homes for the companies’ territorial expansion,” ani Henderson.
Binubuo ng mga kilalang pinuno ng Simbahang Katoliko at Protestante kasama na rin ang labing-tatlong kasapi mula sa bansang Australia, Canada, Germany, Hong Kong, Japan, Korea, Norway, Sri Lanka, Switzerland, at United States ang delegasyon na bumisita sa Silangang Kabisayaan, Hacienda Luisita, at Mindanao noong Hulyo 14 hanggang 21. Ipinahayag nila ang kanilang pagtataguyod ng pandaigdigang pagkakaisa kasama ang mga biktima at pamilya ng mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang-pantao.
Ang samahang Peace for Life ang nag-organisa sa pampublikong pagpupulong, sa pagkikipagtulungan ng Social Research Center, National Council of Churches in the Philippines, Ecumenical Women’s Forum, Kasimbayan, Contak Philippines, at Promotion of Church People’s Response.