IPINAGDIRIWANG ng Research Center for the Natural Sciences (RCNS), ang kanilang ika-40 taon ngayong buwan, patunay sa mahabang dedikasyon ng Unibersidad sa pananaliksik sa agham.

Layunin ng kagawaran na lalong mapalawig ang interes sa pananaliksik ng mga miyembro nito para mas lalong mapabuti ang kanilang pagtuturo mula sa kanilang karanasan sa pananaliksik.

Sa nakalipas na 40 taon, masigla ang RCNS sa kanilang mga eksperimento na nagbigay ng malaking kontribusyon sa pagyabong ng siyensiya, hindi lamang sa loob ng Unibersidad kundi pati sa ibang bansa.

Nakalipas

Taong 1997 nang unang makapagpalimbag ang mga mananaliksik ng RCNS ng kanilang mga eksperimento sa Acta Manilana, ang opisyal nitong publikasyon. Ipinamahagi ito sa iba’t ibang mga pamantasan sa loob at labas ng bansa. Patuloy itong tinatangkilik at kinikilala ng mga premyadong internasyonal na publikasyon.

Katangi-tangi ang mga saliksik na nailathala sa nakalipas na limang taon tulad ng “Structure Characterization, Biometric Total Synthesis, and Optical Purity of Two New Pyrrolidine alkaloids, Pandamilactone-A and -B, isolated from Pandanus amaryllifolius Roxb.,” Journal of the American Chemical Society, 2000; “Triaglycerol Biosensor based on Conducting Polymer,” KIMIKA, 2000; at “Preliminary Assessment of a mixture of Capric and Lauric Acids for Low Temperature Thermal Energy Storage,” ENERGY-The International Journal, 1998.

Pinagkalooban din ang RCNS ng patent ang kanilang mga naimbento at nadiskubre tulad ng Fluorescent Lamp Dimer Circuit niAvelino Torres noong 1967, at Medicinal ointment composition based on Ipomoea muricata nina Dekana Rosalinda Solevilla, Ph.D. ng Parmasya at Beatrcie Guevarra, Ph. D. noong taong 1981.

Kasalukuyan

Kasalukuyang may 45 miyembro ang RCNS na binubuo ng mga propesor ng College of Science, Faculty of Pharmacy, College of Education, at Faculty of Engineering.

READ
Dalawang frat nagsagupaan

Nadagdagan ang mga dahon ng laurel ng UST sa mga gantimpalang natanggap ng RCNS at nagkaroon ng pormal na pakikipagtulungan sa pananaliksik sa siyensiya, teknolohiya, at natural products sa mga internasyonal na pamantasan tulad ng University of Western Australia, Tokyo Institute of Technology, University of Illinois, University of Strathclyde, Glasglow, UK, at marami pang iba.

Malaking tulong ang ginampanan ng RCNS sa pagtataguyod ng Thomas Aquinas Research Center (TARC).

“The building of the TARC indicates that the quality of research (produced in RCNS), is already at par with other universities abroad. Through the capability and competence of our researchers, we have gained global acceptability in science and technology,” sinabi ni Nonato.

Naniniwala ang RCNS sa kredibilidad ng kanilang mga pag-aaral kaya’t nakakakuha sila ng mga research grants sa labas ng Unibersidad. Isa na ang UNESCO na nagbigay nito sa pamamagitan ng mga travel grants kung saan pumupunta ang mga mananaliksik sa ibang bansa upang iprisinta ang kanilang gawa o upang makatapos ng panibagong saliksik ukol sa mga natural na produkto na makukuha sa mga halamang-gamot na maaring pagkunan ng mga bagong gamot.

Nadagdagan na rin ang mga kagamitan sa laboratoryo at pasilidad ng Analytical Science at Natural Products Group, ang dalawang pinakamalaking programa ng RCNS.

Hinaharap

Ayon kay Nonato, isang hudyat ang ika-40 taong anibersaryo ng RCNS para mas pataasin pa ang imahe at antas ng Center sa paggawa at pagpapalimbag ng maraming proyekto para sa ikaka-uunlad ng bansa.

Bahagi ng pagdiriwang ang pagdadaos ng isang poster-exhibit sa loob ng lobby ng TARC kung saan makikita ang mga natatanging gawain at saliksik sa nakaraang 40 taon at ang bisyon at misyon ng RCNS.

READ
Media outfits bungle coverage of University

Ayon kay Nonato, bilang pagtugon sa adhikain ni Rektor P. Tamerlane Lana, O.P. sa taong 2011, nakahanay na ang mga programa ng RCNS at adhikain niyang lahat ng mga mananaliksik na may titulong Ph. D. ay mahikayat na lumabas mula sa mga silid-aralan at makisali sa pagtuklas ng iba’t ibang karunungan.

Ilan sa mga plano na nais maisagawa ng Center bago matapos ang taon ay pagkakaroon ng UST Herbarium kung saan ilalagay ang 63,600 halamang nakolekta buhat noong 1924. Balak din nilang magkaroon ng elektronikong talaan ng mga halamang ito at maibilang sa Central Library na maaring maibigay sa mga estudyante at sa ibang pamantasan.

Nais din nilang magkaroon ng koleksiyon sa Microbiology kung saan ineeksperimento nila ang mga bacteria o virus para sa pagdiskubre ng mga bagong gamot at antibiotics.

Ang RCNS ay patuloy sa pagtuklas. Mananatili ang paghahanap ng bagong bagay at mailalabas ang kanilang pagkamalikhain sa siyensiya sa tulong ng marubdob na dedikasyon at mithiing tuklasin ang katotohanan para sa Diyos, tao, at bayan sa pamamagitan ng kanilang mga saliksik.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.