NAGING isang normal na pagkakataon na para sa akin ang makakita ng mga pulubing namamalimos sa kalsada. Sa halos apat na taon kong pag-aaral sa UST, nasanay na akong masaksihan ang iba’t ibang mukha ng buhay lansangan dala ng aking pagko-commute paalis at pabalik ng aming bahay.

Bilang pagtugon sa mga ganoong pagkakataon, minsan ay nakikita ko ang aking sariling naghahanap ng baryang maibibigay sa mga namamalimos. Ngunit kadalasan, binabalewala ko lamang ang kanilang paghingi sa pag-iisip na ang kakaunting baryang ibibigay ko ay hindi sasapat para mapabuti ang kanilang sitwasyon sa buhay.

Maaring masolusyunan ng kaunting limos ang panandaliang pangangailangan nila sa pagkain, ngunit hindi maipagkakaila na matapos gastusin ang perang ito, nananatili pa rin silang salat sa mga pangunahing pangangailangan at kulong sa miserableng buhay na siyang nakadepende lamang sa panghihingi sa kapwa.

Masasabi kong ang ganitong klaseng sitwasyon ay mainam na maikukumpara sa Conditional Cash Transfer (CCT) o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pilipinas o DSWD. Sa proyektong ito, nilalayon ng gobyernong solusyunan ang problema ng kahirapan sa Pilipinas sa pamamagitan ng pamimigay ng conditional cash grants upang magbigay ng tulong pangkalusugan at pang-edukasyon, partikular sa mga batang may edad 14 pababa.

Nagbibigay ito ng P6,000 sa isang taon (P500 bawat buwan) sa bawat pamilya para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan at P3,000 sa isang school year (P300 bawat buwan) para tugunan ang gastusing pang-edukasyonal ng kabataan.

Naiintindihan kong nilalayon lamang ng gobyernong magbigay suporta sa mga pamilyang Pilipinong mayroong malaking pinansyal na pangangailangan. Ngunit sa kabila nito, hindi natin maipagkakailang sa direktang pamimigay nito ng pera sa mga mahihirap, kinukunsinte nito ang pagiging tamad at kawalan nila ng kakayanang tugunan ang kanilang mga sariling pangangailangan.

READ
Panitikan sa panahon ng 'social networking'

Sa kabila ng magandang intensiyong mayroon ang ating gobyerno, sa kasamaang palad ay naniniwala akong hindi ito magiging epektibo sapagkat karamihan sa ating mga kababayan ay naging negatibo at mapag-alinlangan na pagdating sa mga proyektong naglalayong paunlarin ang bansa. Gaya ng sinasalamin ng reyalidad, karamihan sa mga tumatanggap ng cash grants ay hindi nagsusumikap na mapaayos ang kanilang pamumuhay. Wari ay ginagamit lamang nila ang pera para tustusan ang kanilang pangaraw-araw na pangangailangan nang hindi iniisip kung saan sila kukuha ng kapalit kapag ito ay naubos na.

Sa halip na magbigay ng panandaliang karangyaan sa mga mahihirap, dapat ay nag-iisip ang gobyerno ng mga paraang pangmatagalan upang masolusyunan ang problema ng kahirapan. Ito ay makakamtan lamang kung bibigyan ng stable na pagmumulan ng kita ang mga Pilipino.

Nagbigay ng parehong argumento si Minority Leader Edcel Lagman nang kinuwestiyon niya ang 89 porsiyentong pagtataas ng CCT funds (pumapatak sa P16 bilyon) na pinaplano ng Malacañang, ayon sa sinabi ni Presidente Aquino sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address. Mula sa 1.8 trilyon na proposed budget para sa susunod na taon, ang gobyerno ay nagtalaga ng P29 bilyon para sa CCT upang maparami raw ang makikinabang sa programa (hanggang tatlong milyong pamilya) sa pagtatapos ng taong 2012.

Ayon kay Lagman, dapat ay gumawa ang administrasiyon ng maayos na istratehiya sa aspeto ng labor at employment upang mas epektibong malabanan ang problema sa kahirapan. Dinagdag din niya na hindi mapangangatawanan ng gobyerno ang pagbibigay ng “dole-outs” kaya ang perang nilalaan para sa CCT ay mas nararapat na gamiting pondo para paigtingin ang mga proyekto ng bansa pagdating sa labor at employment.

READ
University fetes faculty members for years of service

Ipinapakita lamang nito na kahit na ang gobyerno ay may responsibilidad na suportahan ang kaniyang nasasakupan, hindi nararapat na kunsintihin nito ang pagkukulang ng mga tao. Dapat ay gumawa ito ng paraan upang maengganyo ang publikong magsumikap at magsagawa ng mga proyektong magbibigay sa kanila ng stable na pagmumulan ng kita.

Gaya nga ng kasabihang pinasikat ng tanyag na Tsinong talisik na si Lao Tzu, “Give a man a fish; feed him for a day. Teach a man to fish; feed him for a lifetime.”

Ang totoo at makabuluhang paglilingkod ay hindi nasusukat sa pagbibigay ng mga panandaliang solusyon sa mga malalaking problema. Sa katotohanan, ito ay tungkol sa pagtulong sa kapuwang tumayo sa sarili nilang paa ng hindi umaasa sa tulong ng iba.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.