HINDI tulad ng mga naunang enrollment ko sa apat na taon ko sa USTe, naging masalimuot at nakadidismaya ang nakaraang enrollment—hindi dahil sa huling semestre ko na ito, kundi dahil sa pagkakataong ito, hindi na tinatanggap ang magpre-enroll o maski gumamit ng promissory note.

Ang balitang ito ay gumulat sa maraming estudyante na walang kamalay-malay sa bagong patakaran ng Unibersidad. Ito ay nagbunsod upang maraming estudyante (hanggang ngayon) ang hindi makapag-enroll ngayong semestre o ‘di kaya’y napilitang magbayad ng P1,000 late enrollment fee na ayon sa Commission on Higher Education ay napakataas.

Nakapagtataka kung bakit biglaan ang pagpapatupad ng nasabing “no promissory note” at “no pre-enrollment” dahil ito’y hindi naman naipakalat ng malawakan sa mga mag-aaral bago magtapos ang unang semestre. Oo, lumabas ito sa MYUSTe Student Portal, ngunit wala naman itong dahilang nabanggit. Ang sa akin lamang, kung may balak man ang Unibersidad na magpatupad ng ganitong patakaran—lalo’t higit pa na tungkol ito sa pagbabayad sa enrollment—nararapat lamang na ipaalam nila sa paraang tunay na malalaman ng lahat at kinonsulta man lang ang panig ng mga estudyante.

Kamakailan lang din ay naglabas ang Office of the Vice Rector for Finance ng memorandum na mayroon nang anim na porsyento na may “unpaid” at “outstanding,” balance at hindi sila papayagan na mag-enroll sa susunod sa semestre. Hindi ba’t lalo itong panggigipit sa mga hindi makapagbayad ng buo na tuition? Ano nga ba ang dahilan sa pagpapalabas ng mga patakarang ito?

Habang patuloy na pinangangalagaan ng UST ang mga Tomasino sa pamamagitan ng pagbibigay ng magagandang imprastraktura sa Unibersidad, nawa’y pangalagaan din nito ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pakikinig sa mga hinaing nila—sapagkat sila ang UST.

READ
Bills on pharmacy, nursing a welcome news

Isang lumalaking grupo ngayon sa Facebook ang “No to UST No- Enrollment policy on Students with Unpaid Balance” na mayroon nang higit 1, 700 likes. Ang nasabing page ay patuloy na lumalaki at dito nag-uusap ang mga Tomasinong may daing laban sa nasabing alituntunin. Nawa’y sa munting kolum na ito ay matulungan ko ang aking mga kapwa Tomasino na marinig ang kanilang hinaing.

Naririyan (sana) ang mga student leaders upang kumatawan at iparating sa mga kinauukulan ang boses ng karamihan ng mga Tomasino. Sila ay nasa puwesto dahil sila ang iniluklok ng mga Tomasino na umaasa na nasa kanila ang simpatya ng mga ito.

Ang UST, bilang isang Katolikong institusyon, ay higit na dapat umuunawa sa pangangailangan ng mga Tomasino na nagnanais ng kalidad na edukasyon.

“Isang semester na lang ga-graduate na ako, pero dahil sa memorandum hindi ako makaka-enroll this sem at ‘di makakagraduate this year!” ani Ange Cantor-Dela Cruz, isang 5th year Chemical Engineering na naglahad ng kaniyang saloobin ukol sa bagong enrolment policy sa Varsitarian Facebook page.

No to UST No- Enrollment policy on Students with Unpaid Balance!

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.