AKO SI Anne, isang cancer survivor.

Bisperas ng Pasko nang malaman kong mayroon akong kanser sa matris. Dahil 17 taong gulang pa lang ako nang panahong iyon, hindi makapaniwala ang mga doktor na sumuri sa akin, at maging ang aking pamilya nang sabihin ko ang masamang balita. Iyon ang unang pagkakataon na ipagdiriwang ko ang araw ng Pasko sa ospital kapiling ang mga batang may kanser. Mapalad na lamang ako dahil maagang natuklasan at naagapan ang pagkalat ng cancer cells sa aking katawan. Ngunit marami sa mga munting anghel na nakasama ko ang malubha na ang kalagayan.

Bagaman mura pa ang kanilang pangangatawan, nararanasan na nila ang hirap at sakit na dulot ng masalimuot na proseso ng chemotherapy. Nag-aaral dapat sila o ‘di kaya nakikipaglaro sa mga kaibigan. Ngunit hindi ganoon ang sitwasyon. Ngayon, nasa malamig at mapanglaw na ospital sila kahit araw pa ng Pasko.

Namulat ang aking kaisipan sa masakit na katotohanan na minsan hindi talaga patas ang buhay sa mundong ibabaw. Kung sino ang inosente, siya pa ang nagdurusa; kung sino ang bata, siya pa ang nagsusumikap; at kung sino ang mahina, siya pa ang pilit na lumalaban kahit na bibigay na ang marupok niyang pangangatawan.

Sa tulong ng mga batang kasama ko, nalaman ko ang matinding pangangailangan ng aking kapwa sa pagmamahal at pagkalinga na hindi ko napapansin o pinapansin dati. Sa panahon ng Pasko na inilagi ko sa piling ng mga batang pasyenteng iyon, naranasan ko ang isang maligayang sandali.

Ikalawa ng Disyembre nang sumunod na taon, tuluyan na akong gumaling matapos operahan at tanggalin ng mga doktor ang aking matris. Subalit hindi na ako maaaring magbuntis kapalit nito.

Masakit tanggapin ngunit tuluyan ng naglaho ang pangarap kong magkaroon ng isang malaki at masayang pamilya. Alam ko na hindi doon natatapos ang buhay. Bata pa ako at maraming magagawa.

READ
Pahingi ng tawad

Ayon sa mga doktor, kaunting pahinga na lamang at makakabalik na ako sa paaralan at magagawa ko na rin ang dati kong mga pinagkakaabalahan. Ngunit batid kong may bago akong nais gawin. Ipinangako ko sa aking sarili na ako naman ang maghahatid ng ngiti sa mga pasyenteng may kanser. Dahil dito, sumali ako at naging aktibong miyembro ng isang non-profit, non-government organization na may layuning magbigay-katuparan sa mga simpleng kahilingan ng mga kabataang may karamdaman. Pinili kong tulungan ang mga batang biktima ng kanser dahil naiintindihan ko ang kanilang pinagdadaanan. Nais kong sa kanila ialay ang pag-aaruga na iuukol ko sana para sa magiging mga anak ko.

Ikalima ng Disyembre nang nakilala ko mula sa V. Luna Hospital ang anim na taong gulang na si Maria. May leukemia siya. Maraming pasa ang kaniyang katawan. Nanunuyo at maputla ang kaniyang mga labi at unti-unti namang nalalagas ang kaniyang buhok.

Sabi ng mga doktor, nasa stage three na ang sakit ni Maria. Noong isang gabi lang nahirapan siyang huminga at bumaba ang kanyang presyon sa 60/20 at bumagsak sa 70 ang hemoglobin count niya. Bakas sa kanyang mukha ang mapait na pagdurusa. Malaki raw ang posibilidad na hindi na niya maabutan pa ang Pasko.

Si Lola Mercedes na lamang ang tanging kasama ni Maria sa buhay matapos masawi sa sunog ang kaniyang mga magulang. Ayon kay lola, paubos na ang kaniyang naitabing pera dahil sa pagpapagamot ng apo, ngunit nais pa niyang humaba ang buhay nito.

“Kumusta ka, Maria? Ako si Ate Anne, isang kaibigan. Nandito ako para tulungan ka.”

“Ate Anne, kailan po ako gagaling?” Tila tinig ng anghel ang kanyang mahina at malamig na boses. Nakita ko ang pag-asa sa kaniyang mga mata kahit na alam niyang may taning na ang buhay niya. Pinipigilan ko ang pagpatak ng mga luha sa aking mga mata.

READ
Pseudoscience 101

“Gagaling ka rin, kung kailan mo ito nanaisin. May gusto ka bang kahit na ano, Maria?”

“Totoo po ba si Santa Claus?” Inosente niyang itinanong.

“Oo naman. Hangga’t may batang tulad mo na naniniwala sa kanya, nandiyan lang siya.”

“Talaga? Kung ganoon po, gusto ko siyang makita bago ako mamatay.”

Sa aking pagtulog sa gabi, iniisip ko kung paano maisasakatuparan ang kanyang kahilingan. Batid kong kaunti na lamang ang natitirang araw para tuparin ito.

Subalit hindi pa huli ang lahat. Bisperas ng Pasko nang isang magandang ideya ang pumasok sa aking isipan.

“Maria, may balita ako sa’yo. Hindi makakapunta si Santa Claus pero darating ang asawa niyang si Mrs. Claus mamaya sa pagdiriwang natin. Ayos lang ba ‘yun sa’yo?”

“Bakit daw po?”

“Ah…nagkasakit kasi siya, Maria.”

“Katulad ko rin po?”

“Uhm…Oo.”

“Gagaling po ba siya, ate Anne?”

“Oo, tulad ng paggaling mo.”

“Gusto ko na po siyang makita.”

“Mamaya, pagkatapos ng chemotherapy mo. Tibayan mo ang iyong kalooban at manalangin ka para mapabilis ang paggaling mo.”

Iyon na ang huling sesyon ng chemotherapy ni Maria. Sapat na lamang ang natitirang pera ni Lola Mercedes at ilang donasyon para sa pambayad nito.

“Salamat, iha, sa naitulong mo sa pagpapa-chemo ni Maria. Tatanawin ko itong malaking utang na loob,” pasasalamat ni Lola Mercedes sa tulong na inabot ko.

“Huwag n’yo pong isipin ‘yun, lola.”

Habang nasa therapy room si Maria, abala naman kami sa paghahanda ng sorpresa sa tulong ng mga nars at ilang mga doktor. May handog na munting regalo ang bawat isa at umaasang mapapaligaya si Maria.

READ
Coming out of my shell

Handa na ang lahat. Masaya ang bawat isa na nag-aabang sa paglabas ni Maria. Suot ko na rin ang costume ni Mrs. Santa Claus. Sumbrerong pula, itim na bota, at bestidang pula na may nakapalibot na puting bulak sa laylayan nito. Bitbit ko sa aking balikat ang isang sakong pula na puno ng damit at laruan. Ipinalangin ko na magustuhan niya ang sorpresang ito. Madilim na nang lumabas si Maria mula sa therapy room. Nakatulog siya sa sobrang pagod. Hinintay ko ang pagdilat ng kaniyang mga mata. Umaga na nang magising ako—araw ng Pasko. Pero si Maria, hindi na ito naabutan pa.

Sa kaniyang mga labi may ngiting naka-guhit. Tinanong ko ang lumuluhang si Lola Mercedes kung pumanaw ba nang maligaya si Maria. “Marahil nagising siya at nakita ang asawa ni Santa sa kaniyang tabi bago tuluyang nasawi,” aniya.

Siyam na taon na rin ang nakararaan mula nang maganap ang pangyayaring iyon. Hindi man ako maaaring magbuntis dahil sa aking operasyon, nagkaroon naman ako ng maraming anak sa katauhan ng mga batang may kanser. Itinuring ko silang mga sariling anak.

Natuklasan kong ang daan tungo sa katuparan ng ating mga pangarap ay hindi sa pamamagitan ng pag-unawa kung anong gusto natin at kung paano ito makukuha. Kundi sa pag-unawa kung anong mayroon tayo’t kung paano natin ito maibabahagi sa iba. Maglaho man ang mga ginawa natin para sa ating sarili sa ating pagpanaw, hindi naman maglalaho ang ginawa natin para sa ating kapwa.

Kaya naman sa pagbubukas ng panibagong panahon ng Pasko, panibagong kahiligan na naman ang muli ko sanang mapagbibigyan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.