Salve Regina… linukob ng malalamyos na tinig sa isang awiting alay sa Mahal na Birhen ang buong lugar. Mater misericordiae… awiting puno ng pagsusumamo sa lahat ng mga karupukang dinaranas. Dulcis Virgo Maria… puno ng pasasalamat sa isa na namang araw na paghubog upang maging isang tunay na alagad ng Diyos.
Biglang nilunod ng kadiliman ang kapaligiran. Tanging ang ningas ng mga kandila sa altar na lamang ang nagsisilbing liwanag para sa mga tahimik na nagsisilabasan sa kapilya. May iilan na patuloy na lumuluhod, gumagalaw ang mga bibig sa panalangin, habang nakapako ang paningin sa mukha ni Kristo.
Isa na namang araw ang natapos sa makulay na buhay ng isang seminarista.
Sa pananaw ng isang Katoliko, ang kaparian ang siyang nagsisilbing gabay sa tunay na pagkilala sa Maykapal. Naiipit sila sa sitwasyong matagal na nilang pinaghandaan sapul pa noong seminarista pa lamang sila—ang maging isang buhay na halimbawang hindi tinatalikuran ang kanilang tunay na pagkatao.
Sa murang edad na 13, pinasok ko ang seminaryo—musmos at walang kaalam-alam sa tunay na kahulugan ng aking mga ginagawa. Ang paniniwalang tinawag ako ng Panginoon lamang ang aking tanging sandata. Subalit kaduda-duda rin ito sapagkat hindi pa ako nakasisiguro kung sadyang pinalad ako na tawagin o bugso lamang ito ng damdamin ng isang batang nahalina sa buhay ng isang paring hinahangaan.
Marami ang nagtatanong kung paano namin matatagalan ang humigit-kumulang 15 taong pagkakakulong sa loob ng seminaryo. Naghahatid ang katanungang ito ng malaking ngiti sa aking mukha sapagkat sa loob ng anim na taong inilagi ko sa seminaryo, hindi ko naranasan kahit minsan ang “makulong.”
Sa katunayan, dito ko natutunan ang mamuhay na hindi palaging umaasa sa aking mga magulang. Dito ko natutunang harapin ang mga responsibilidad na kadalasan ay ipinagbabawalang-bahala lamang ng iba. At dito ko rin natutunan ang tunay na diwa ng isang pamayanang puno ng pagmamalasakit.
Nang pumasok ako sa seminaryo minor, katumbas ng high school sa labas, tinanong ko sa aking sarili kung nararapat ba akong tumira doon. At nang matapos ko ang apat na taon, kung saan apat na araw kada ikaanim ng linggo ko lang nakakasama ang aking pamilya, pinag-isipan kong mabuti kung itutuloy ko pa ang pagpasok sa seminaryo upang kumuha ng kursong Pilosopiya.
Aaminin kong hindi ko pa ito lubos na nasasagot hanggang ngayon. Hangga’t naririto pa ako sa loob, hangga’t naaliw pa rin ako sa aking mga ginagawa, hangga’t hinog pa rin sa aking puso ang diwang nag-udyok sa akin para pumasok, sapat na ang mga ito upang magtiis at ipagpatuloy ko ang aking nasimulan.
Oo nga’t may mga pagkakataon na naiisipan ko ring umalis dahil sa tukso ng malayang buhay sa labas. Subalit napagtanto ko na sa mga mumunting bagay ko naipadarama sa aking sarili ang pagiging malaya. Oo nga’t naririyan ang mga pari na handang pagsabihan ako sa aking mga kamalian at kakulangan. Subalit batid kong ang paghihigpit nila ay bunsod ng pagnanais na maituwid ang aming landas tungo sa pagsisilbi sa Simbahan.
Sinisimulan at tinatapos namin ang isang araw sa pamamagitan ng pagdarasal. Dito namin pinaninindigan ang aming bokasyon—sa isang taos-pusong pakikipag-ugnayan sa Kanya. Subalit hindi puro dasal at aral ang lahat. Hindi namin tinatalikuran ang aming pagkatao kahit na naiiba kami sa aming mga kaedad. Naririyan na hinihikayat kaming maglaro tuwing hapon, sumali sa mga gawaing labas sa seminaryo (sa kasalukuyan, tatlo kaming seminarista na kasapi sa Varsitarian), makisalamuha sa aming mga kaedad—mapalalaki man o babae, at bigyan ng kaukulang panahon ang aming mga pamilya.
Sa aming diyosesis, may tinatawag na “Summer Apostolate.” Halos isang buwan kaming titira sa isang pamayanan, partikular na sa mga liblib na lugar na hindi masyadong napupuntahan ng mga pari. Dito kami makikisalamuha sa mga tao, makikipiknik sa mga kabataan, makikitagay ng basi sa mga matatanda, makikikain sa mga bahay-bahay at magtuturo ng katekismo sa mga bata.
Hindi mahalaga ang limang oras na pagtahak ng aming sasakyan sa lubak-lubak at bulubunduking daan, isang oras na paglalakad sa hagdan-hagdang palayan, at pagtitiis sa mga lugar na walang kuryente at hindi uso ang asin sa mga pagkain. Ang mahalaga, umuuwi kaming puno ng sigla at pananabik upang maibahagi ang aming karanasan at magsilbing inspirasyon sa iba.
Tumutunog na naman ang buzzer na siyang huhugot sa akin mula sa mundo ng panaginip. Pilit kong binubuhay ang aking inaantok na katawan habang inaayos ko ang aking sarili sa harap ng salamin. Suot-suot ang sotana, magmamadali na naman akong bumaba papunta sa kapilya. Alam kong naghihintay ang aking mga kapwa-seminarista at mga pari sa loob habang nakalinya naman ang iba upang mangumpisal.
Muli, luluhod kami at magpapasalamat sa isa na namang araw ng aming buhay. At sa likod ng mga panalangin ay ang pag-asang ipinapanalangin din kami ng iba upang maging matatag kami sa aming bokasyon.
“God, come to my assistance.” Pagpatak ng alas-sais punto, tatayo ang butihing rektor upang simulan ang pang-umagang dasal. Magsisimula na naman ang isang araw sa makulay na buhay ng isang seminarista. Hector Christian D. La Victoria