BALAK palitan ng bagong-talagang Dekano ng College of Fine Arts and Design (CFAD) ang kasalukuyang kurikulum ng Kolehiyo upang maging mas “globally competitive” ang kanilang mga estudyante.

Ayon kay Prop. Jaime de los Santos, luma na ang kasalukuyang kurikulum na ginawa pa humigit kumulang 20 na taon at makangilang ulit na ring nirebisa.

“The (current) curriculum is outdated because it does not answer the anticipated needs (of Fine Arts) in the coming decades,” wika ni de los Santos.

Sinabi ni de los Santos na tutukan nila sa bagong kurikulum ang pag-subdivide sa bawat major upang mas magiging epektibo ang mga estudyante sa larangan na kanilang pipilin.

Bilang halimbawa, sinabi niya na sa Advertising Arts magkakaroon na ng majors in Illustration, Graphic Arts, Textile Design, at Visual Merchandising.

Sinabi rin niya na may mga estudyanteng pumapasok sa CFAD na isang aspeto lamang ng kanilang kurso ang gusto nila—tulad ng Sculpture, Textitle Design, Graphic Arts, etc.—subalit isang asignatura lamang ito sa major na pinasukan nila.

“When you enter (the CFAD), (the College) teaches you everything from A to Z. With the proposed curriculum, if you want to specialize in a certain letter, then (the College) will teach you that extensively,” dagdag pa niya.

Bukod pa rito, sinabi ni de los Santos na ibabalik din ang practicum sa bagong kurikulum para mabigyan ng karagdagang pagsasanay ang mga estudyante sa industriyang papasukin nila. Sa kasalukuyan, and Industrial Design lamang ang may on-the-job training.

Gusto ring dagdagan ni de los Santos ang bilang ng mga freshmen na papasok sa CFAD. Ayon sa kanya, hindi naman isinasakripisyo ng Kolehiyo ang kalidad ng mga estudyanteng tinatanggap nito sa pagtanggap ng mga karagdagang aplikante kung ikikumpara sa mga nakaraang taon. Sinabi niya na nararapat namang makapasok sa kolehiyo ang karamihan sa kanila ngunit hindi na tinatanggap ng CFAD dahil kulang ang kanilang mga pasilidad tulad ng silid-aralan at mga kompyuter.

READ
UST wins inter-med dance meet

Sinabi naman ni de los Santos na pumayag na ang Unibersidad sa kanilang kahilingan para sa karagdagang kompyuter. Mareresolba naman ang problema nila sa kakulangan ng silid-aralan kapag nakalipat na ang CFAD sa Gusaling Beato Angelico sa susunod na semester o pasukan, ayon sa kanya.

Samantala, sinabi ni de los Santos na natapos na nila ang kurikulum para sa MA in Fine Arts degree na ipakikilala sa UST Graduate School sa susunod na pasukan. Sinabi ni de los Santos na makakapili ang mga magiging estudyante ng naturang kurso kung gusto nilang magpakadalubhasa sa Painting, Sculpture, Visual Communication Arts, o sa Film o Video Art.

Bago siya umupong Dekano noong Agosto 1, Pangalawang Dekano ng CFAD si de los Santos mula Nob. 2000. Nagsimula siyang magturo sa Unibersidad noong 1987 at naging pinuno ng Advertising Arts department noong 1995 hanggang maging Katulong na Dekano siya para sa Fine Arts noong 1998 sa lumang College of Architecture and Fine Arts. Nagtapos siya sa UST ng Advertising Arts noong 1968 at nakuha niya ang kanyang diploma sa MA in Fine Arts sa UP-Diliman ngayong taon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.