BILANG kinatawan ng UST, dumalo si UST Rektor P. Tamerlane Lana, O.P. sa ika-10 komperensiya ng Association of Southeast and East Asian Catholic Colleges and Universities (ASEACCU) na ginanap sa Australia sa kauna-unahang pagkakataon noong nakaraang Agosto 2-4.
Si P. Lana ay miyembro rin ng ASEACCU advisory committee.
Isang taunang kaganapan ang komperensiya ng mga pinuno ng Katolikong pamantasan sa buong Timog Silangan at Silangang Asya. Salit-salit itong pinangangasiwaan ng mga kasapi nito. Sa taong ito, pinangasiwaan ng University of Notre Dame ng Fremantle, Western Australia ang komperensiya.
Tema
Dala ang temang “Renewing Our Commitment to the Mission of Catholic Universities through Academic, Administrative and Student Reform,” pangunahing layunin ng komperensiya ang mabigyang diin ang repormang pang estudyante bilang importanteng aspeto ng pangako ng samahan sa misyon ng mga Katolikong unibersidad.
Nais din ng samahan na maitaguyod ang relasyon ng mga Katolikong pamantasan at bigyan ng pagkakataon na matalakay ang ilang mga isyu at problema ng mga ito.
Ayon kay P. Lana, nagpalitan ng kani-kanilang mga pananaw at karanasan ang mga miyembro.
“We also expressed our mutual support in pursuit of educational endeavors among member institutions. Likewise, the ASEACCU fully supports UST’s goals towards the year 2011,” dagdag pa niya.
Bukod sa komperensiya, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga miyembro na malibot ang kanilang host university.
Direksyon
Ayon kay University of Notre Dame Vice Chancellor Dr. Peter Tannock, ginanap ang paglibot upang maipaunawa sa mga miyembro ang mga tradisyon, kasalukuyang kalagayan, at panghinaharap na direksyon ng Simbahang Katolika at ng Katolikong edukasyon sa Australia.
Bukod sa UST, may humigit kumulang na 21 na miyembro ang ASEACCU sa Pilipinas. Kasama rito ang Angeles University, Aquinas University of Legaspi, De La Salle University, Ateneo de Manila University, Miriam College, Notre Dame University, Saint Louis University, at Xavier University. May 26 na miyembro rin ang ASEACCU mula sa iba pang bansa.
Dati nang pinangasiwaan ng UST ang naturang pangyayari noong 1999 sa Calaruega retreat house sa Batangas.
Dumalo rin sa komperensiya si UST Central Student Council president Irvyn Joseph Fabella bilang kinatawan ng Unibersidad sa ika-apat na ASEACCU Student Conference. Elka Krystle R. Requinta