BANYAGA man sa bansa ang mga misyonerong prayle, hindi naging hadlang sa iba ang kinalakihang salita sa paglinang nila ng wikang Filipino. Ang paghahangad na maikalat ang mabuting balita sa ating wika ang nagbukas ng pinto para sa pag-unlad ng wikang Filipino.
Kahit sa kanyang pagpanaw noong ika-19 ng Nobyembre 2004, kinikilala si Fr. Excelso Garcia, O.P., isang Kastila, sa kanyang mga akdang nagsilbing gabay sa misa ng mga Katolikong Pilipino.
Ayon kay Fr. Fidel Villaroel, O.P., archivist ng UST Central Library, namumukud-tanging tagapagsalita at manunulat ng wikang Filipino si Garcia.
“Isa si Garcia sa mga magagaling na mananalastas gamit ang wikang Filipino,” ani Villaroel sa Varsitarian.
Patunay nito ang paggamit ni Garcia ng Filipino sa pakikipag-usap at pagtuturo sa kanyang mga naging estudyante.
Isa sa mga pamana ni Garcia ang pagsalin niya ng Romanong missal (ang mga importanteng takda at alituntunin sa pagdiriwang ng Banal na Misa) mula Latin sa Filipino. Una itong nalathala noong 1946, bago pa man ang Ikalawang Konsilo Vaticano ng nanawagang isalin sa bernakular ang misa. Si Garcia ang kauna-unahang paring nagsalin ng missal sa wikang Filipino. Lubhang nakatulong ang kanyang pagsasalin para maintindihan ng mga Pilipinong hindi nakaiintindi ng mga turo at sermon ng Simbahan sa Ingles o Latin.
“Ang missal na pang-araw-araw na ito ay papakinabangan ng mga Kristiyano sa lalong ikasusulong nila sa kabanalan at sa ikaliligtas ng sariling kaluluwa,” ani Garcia sa ika-apat na edisyon ng kanyang librong Missal na Panlinggo, na inilimbag ng UST Publishing House noong taong 1961.
Matapos kunin ni Garcia ang kanyang doctoral degree mula sa Faculty of Canon Law noong 1941, naglathala siya ng siyam na maliliit na aklat sa Tagalog tungkol sa kasal, pamilya at iba pa. Malaki rin ang naitutulong sa mga pari at nagpapari ng mga librong Manual for Parish Priests at Moral Canonical Questions I at II ni Garcia.
Naging haligi rin siya ng iba’t ibang departamento ng Unibersidad. Siya ang regent ng College of Nursing mula 1952-1955, at ng College of Education mula 1957-1958. Naging bise-rektor ng Unibersidad din siya noong 1959-1960, at dekano ng Faculty of Canon Law mula 1973-1980. Nagsilbing bise-rektor naman ng Academic Affairs si Garcia noong taong 1973-1979; at patnugot ng Boletin Eclesiastico de Filipinas, ang opisyal na pahayagang interdiocesan ng Simbahang Katoliko sa bansa, mula 1960-1967. Si Garcia rin ang nagsilbing direktor ng dating UST printing office (kasalukuyang UST Publishing House) mula 1981-1988.
Bilang isang pari at akademiko, napatunayan ni Garcia na ang dakilang pagmamahal sa wikang Filipino ang daan para sa pagyabong nito.
Diksyunaryong “English”-Tagalog
Sa 51 taong iginugol ni Fr. Leo James English, isang Australyano, sa Pilipinas, nasaksihan niya ang matagumpay na paglilimbag ng kauna-unahang Diksyunaryong Ingles-Tagalog noong 1965 na sinimulan niyang isulat noong panahon ng Hapon. Tunay sa kanyang apelyido na “English,” sinundan niya ang salin ng kanyang Diksyunaryong Tagalog-Ingles na nailathala noong taong 1986.
May 3,775 pahina at humigit-kumulang na 84,000 na tala sa diksyunaryong Ingles-Tagalog ni English. Humigit-kumulang na 30,000 salitang Ingles ang isinalin ni English sa Tagalog at ginamit sa mga pangungusap para maipakita ang wastong paggamit ng bawat salita.
Ipinamahagi ng gobyerno ng Australya ang 50,000 diksyunaryo sa mga gurong nagtuturo ng Filipino, samantalang nakakuha naman ng 20,000 kopya ang iba’t ibang mga aklatang pampaaralan. Ibinigay din ng gobyerno ng Australya ang mga materyales na ginamit sa unang edisyon ng diksyunaryo sa Aklatang Pambansa ng Pilipinas.
Sina Dr. Jose Villa Panganiban, ama ng Varsitarian at dating punong tagapangasiwa ng Institute of National Language (kasalukuyang Komisyon ng Wikang Pilipino), at Dr. Rufino Alejandro, dating pangalawang tagapangasiwa ng institusyon, ang sumuri ng talahulugan ni Padre English.
“Ang diksyunaryong Ingles-Tagalog ni Padre English sa panahong ito (1965) ay siyang pinakasapat, pinakamatalisik at pinakaganap na diksyunaryong Ingles-Tagalog na nalathala na,” ani Panganiban sa paunang salita ng diksyunaryo ni English.
Nagsilbing gabay ang mga talahulugan ni English sa mga modernong diksyunaryo at tesauro tulad ng Ingles-Pilipino Tesauro-Diksyunaryo ni Panganiban at Ang Bagong Diksyunaryong Ingles-Pilipino ni Vito C. Santos, na siyang dating nakatrabaho ni English.
Hindi maikakaila ang mga magandang naidulot ng mga missal at mga diksyunaryo nina Padre- Garcia at English sa kaban ng pambansang panitikan. Patuloy silang pasasalamatan ng mga Pilipino sa pagmamahal nila sa ating wikang higit pa sa nakararaming Pilipino. Raychel Ria C. Agramon