Noon Po Sa Amin

KUNG ngayon ay laganap ang balita tungkol sa kinakatakutang Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), anim na taon ang nakalipas nang nagimbal ang UST sa biglaang pagsugod ng maraming estudyante sa emergency room ng noo’y Santo Tomas University Hospital at sinasabing may Hepatitis A.

Matapos ang tatlong buwang pagkalaganap, nagpalabas ng anunsiyo ang UST Health Service noong Abril 17, 1997 na ligtas na sa Hepatitis A ang halos 600 na estudyante. Matatandaan na naunang pumutok ang balitang ito noong dekada ’80 dahil sa malalang pagbahang nararanasan ng Unibersidad.

Sa ulat ni Dr. William Olalia, direktor ng UST Health Service, ang buwan ng Enero at Pebrero ang may pinakamaraming naitalang natamaan ng Hepatitis A; halos 500 estudyante.

Para sa buwan ng Marso, 69 estudyante ang naitalang may-sakit. Aniya unti-unting bumaba ang bilang ng mga natatamaan ng naturang sakit dahil sa agarang pagkilos ng administrasyon.

Kaugnay nito, pinalitan ang mga water pipes at iba pang sisidlan ng tubig sa buong UST. Maging ang mga gripo at drinking fountain ay tiniyak na ligtas sa mikrobyong Coliform bacilli na siyang nagdulot sa naturang sakit.

Ngunit nalaman na hindi lang Hepatitis A ang naging problema ng mga Tomasino sa panahong iyon kung hindi maging typhoid fever, amoebiasis, at diarrhea. Pangunahing isinisisi ang naturang epidemya sa malimit na pagbaha sa lugar at sa mga naimbak na dumi sa mga patubig.

Ayon sa panayam ng Varsitarian sa ilang tao mula sa STU Hospital, Setyembre ng taong 1996 nang biglang magkaroon ng biglang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng typhoid fever samantalang Disyembre naman nag-umpisa ang pagdami ng mga natamaan ng Hepatitis A.

READ
40 taon ng Bayanihan

Upang epektibong lapatan ng solusyon ang epidemya, nakipagtulungan ang Unibersidad sa Department of Health at Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa pag-disinfect ng mga water reservoirs sa loob at labas ng UST.

Ngunit bago pa man ipalabas ng administrasyon ang pahayag ukol sa problemang kinaharap ng Unibersidad, nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan ng Central Student Council at sina Olalia at Prof. Evelyn Songco ng Academic Affairs para sa panig ng administrasyon.

Dahil hindi malinaw ang mga plano ng Unibersidad, nagtipon ang ilang mga estudyante upang ihayag na mabigyan ng sapat na karampatang solusyon ang mga nabiktima ng sakit.

Ayon sa grupo, dapat mabigyan ng konsiderasyon ang mga estudyante sa kanilang mga aralin mula nang malaman ang sakit; magkaroon ng tuloy-tuloy na check-up sa mga pinaghihinalaang pinanggalingan ng mikrobyo; magkaroon ng isang grupong tutukoy kung kinakailangan ng malakihang pagsasa-ayos ng mga patubig sa UST; magkaroon ng libreng screening at medical services; at magkaroon ng karapatang magsagawa ng payapang demonstrasyon ang mga estudyante kung kinakailangan.

Matapos ang mahabang deliberasyon at pag-uusap, nagkasundo rin ang magkabilang panig upang mas mapabuti ang kalagayan ng mga nagkasakit. Ayon sa administrasyon, kailangan ang tulong mga estudyante sapagkat ang kalinisan at disiplina ang tanging solusyon upang iwasang maulit ang nangyaring trahedya.

Tomasalitaan

katsaro (pang-uri)- walang saysay o silbi

Galit na galit si Ben sa mga katsarong gawain ng mga taong-labas.

Sanggunian

The Varsitarian, Tomo LXIX Bilang 13, April 30, 1997

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.