(Larawan mula sa The Art Scene in Cebu website)
18 Agosto 2015, 10:19p.m.
– PUMANAW na ang
Tomasinong tanyag sa larangan ng modern visual arts na si
Romulo Olazo kaninang umaga, ika-18 ng Agosto, sa edad na 81.
Nagtapos si Olazo ng fine arts sa Unibersidad
kung saan naging estudyante siya ng mga Pambansang Alagad ng Sining na
sina Victorio Edades at Diosdado Lorenzo.
Nakasama naman niya sa klase ang isa pang Pambansang
Alagad na si Ang Kiukok, kapwa pintor na si Ong Bungian, at iskultor na si
Ting Ping Lay.
Nakilala si Olazo sa
istilong printmaking na naging daan upang itanghal niya ang
kaniyang mga obra sa Paris, San Francisco, Tokyo at Brazil.
Huling itinanghal ang
kanyang seryeng “Diaphonous” sa Museo Ayala Nobiyembre
ng nakaraang taon. Kinilala ito bilang kanyang magnum opus sapagkat
ito’y nagtataglay ng kaniyang estilo sa paggamit ng abstract color
scheme at translucent lights.
Kabilang si Olazo sa
mga pinarangalan ng Thirteen Artists Award ng Sentrong Pangkultura ng
Pilipinas.
Isa sa tatlong anak
nila ni Patricia Tria Olazo, si Jonathan, ay tumanggap din ng nasabing
parangal.
Taong 2003 nang
sumailalim sa operasyong heart bypass ang pintor. Naka-pacemaker at wheelchair man,
pinagpatuloy niya ang pagtanghal ng kanyang mga obra. Amierielle
Anne A. Bulan