Tomasino siya

KILALA ba ninyo ang nagdisenyo ng iba’t ibang logo o coat of arms ng mga pakultad at kolehiyo sa UST?

Tahimik na naiangat ni Cenon M. Rivera ang sarili sa tagumpay. Dahil sa angking kagalingan, napasakamay niya ang halos 20 parangal sa loob at labas ng bansa.

Tubong-Hagonoy, Bulacan si Rivera. Bago niya natapos noong 1948 ang kursong Art Education sa UST College of Education, isang taon siyang pumasok sa UP College of Liberal Arts. Naging cross-enrollee rin siya sa UP School of Fine Arts. Nagtatrabaho naman siya bilang art director, copy writer, at editor ng ilang advertising agencies habang nag-aaral.

Nang makatapos, kaagad nagturo si Rivera sa dating UST College of Architecture and Fine Arts. Kasabay nito, nabigyan siya ng iba’t ibang scholarship grants. Kabilang na rito ang mula sa gobyerno ng Italya para sa Academia di Belle Arti sa Roma at Reverendissima Fabbrica di San Pietro sa Vatican kung saan pinag-aralan niya ang mosaic-making.

Matapos ang isang taong pag-aaral sa Europa, nakamit ng kanyang obrang Genesi: Leggenda Filippina ang unang gantimpala sa Mostra Lazio 1963. Sa loob ng dalawang taon, nagkamit siya ng dalawang unang gantimpala at halos 15 pagkilala mula sa mga international art contests sa Europa.

Bukod sa pagiging pintor, marami rin siyang pinasukang larangan, tulad ng pagtuturo, research, paglililok, at pagsusulat.

Kaakibat ng pagtuturo niya sa Unibersidad ang pagpapalaganap ng kaalaman sa mga mahihirap na komunidad. Isa siya sa mga aktibong Tomasinong tumulong sa pagtaas ng kalidad ng pagpipinta sa UST sa pamamagitan ng art clubs at exhibitions. Naging director rin siya ng Fine Arts department mula 1966 hanggang 1973.

READ
Thomas Aquinas thrives in UST

Noong 1973, nabigyan ng pagkakataong lumibot sa buong kapuluan si Rivera upang pag-aralan ang Filipino Design ng bawat probinsiya. Binisita niya ang iba’t ibang tanawin, simbahan, mga lumang bahay, at mga palengke. Sa kabuuan, nakalikom siya ng humigit kumulang 30,000 sketches at drawing ng mga ito.

Bukod pa sa sining ng pagpinta, nakapaglimbag na rin siya ng aklat ng mga tula at maiikling kuwento sa Ingles at Filipino. Siya rin ang dibuhista sa Stories and Legends from Filipino Folklore ni Sr. Delia Coronel.

Binigyang-parangal ng College of Education si Rivera noong 1976 sa Golden Jubilee Award para sa kanyang natatanging kontribusyon sa sining, pagsusulat, at edukasyon. Isa rin siya sa ginawaran ng ranggong ‘’full professor’’ sa taon ding iyon. Bukod pa rito, nakatanggap siya ng Hiyas ng Bulacan Award Outstanding Citizen Award, at naging finalist rin sa Metrobank Outstanding Teachers Award. Michael Louie C. Celis

Tomasalitaan:

huga (pang-uri)- paggalaw ng mga bituka

Hindi maipaliwanag ni Mark ang nararamdamang paghuga sa loob ng kanyang katawan tuwing nagugutom.

Sanggunian:

UST Public and Alumni Affairs

Prof. Yolanda Reyes

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.