MULING naging matunog ang usapin ng seguridad ng bansa sa pagsisimula ng Balikatan 02-1 Military Exercises sa isla ng Basilan kamakailan. Lalahukan ng mahigit 3,800 Pilipino at 660 Government Issued (G.I.) na Amerikanong sundalo ang nasabing pagsasanay.
Mula nang kumpirmahin ni Pangulong Macapagal-Arroyo ang legalidad ng pagsasagawa nito, maraming tanong ang nagsilabasan: Ano ang dahilan ng pagbabalik ng mga “Kano” sa Pilipinas? Matutulad ba sa Afghanistan ang bansa sa pagdating ng mga dayuhang sundalo? Katapusan na naman bang muli ng demokrasya sa bayan ni Juan dela Cruz?
Pagbabalik-kasaysayan
Nagsimulang pumasok sa larawan ng kasaysayan ng Pilipinas ang mga Amerikano noong 1896. Inakala ng marami na ito na ang simula ng tunay na kasarinlan ng Republika mula sa mga dayuhang mananakop. Sa kasawiang palad, sumilang ang panibagong imperyalismo sa katauhan ng mga Amerikano.
Bago sumiklab ang digmaang Kastila-Amerikano noong Abril 24, 1898, tumulak patungong Singapore si Heneral Emilio Aguinaldo kung saan isang kasunduan ang nabuo katuwang ang Konsul-Heneral ng Estados Unidos na si Edward Spencer Pratt. Itinakda ng nasabing kasunduan ang pagtulong sa digmaan ng mga Pilipino sa puwersang Amerikano nang hindi sinasakop ng huli ang Pilipinas, sa halip ay igagalang ang kasarinlan nito.
At matapos ang kasunduan nina Aguinaldo at Pratt, nakaramdam ng pangamba ang Heneral nang dumagsa ang mga tropang Amerikano sa Pilipinas at ipinag-utos ni Heneral Anderson sa kanya na papuntahin ang mga Pilipino sa lugar na hindi makasasagabal sa operasyon ng mga Amerikanong sundalo.
At natiyak ng mga Pilipino ang tunay na hangarin ng Estados Unidos nang magpalabas ng isang proklamasyon noong Disyembre 21, 1898 si Pangulong William McKinley na mananatili ang Pilipinas sa kapangyarihan ng pamahalaan Ameikano.
Matapos talunin ang Espanya sa isang digmaan noong Agosto 12, 1898, binili ng Amerika sa mga ito ang Pilipinas sa halagang 20 milyong dolyares. At habang kinokontrol ng mga Amerikano ang Maynila, nanatili naman sa ilalim ng pamumuno ng mga Pilipino ang ilang bahagi ng bansa. Ngunit matindi ang pagnanais ng mga dayuhan na maangkin ang bansang naging kauna-unahang kolonya ng Amerika. Dahil dito, sumiklab ang digmaang Pilipino-Amerikano noong Pebrero 4, 1889 na nagtagal nang mahigit tatlong taon.
Hindi pinaligtas ng mga Amerikano ang mga Pilipino sa Mindanao na siya ngayong pinagdarausan ng Balikatan. Dumating ang puwersa ng Amerika sa Mindanao noong 1900¯ panahon ng matinding pagtutol ng mga taga-Hilagang Mindanao na mapasailalim sa mga Amerikano na kinalauna’y humantong sa digmaan.
Mula sa Hilagang Mindanao hanggang Surigao, umabot ang labanan hanggang Cagayan. Ngunit gaano man katindi ang pagnanais ng mga Pilipino na mahadlangan ang pananakop, wala silang nagawa laban sa mga bago at de-kalibreng sandata ng mga Amerikano.
Dahil sa pagkabigo laban sa mga dayuhan, inilunsad ng mga nasyonalistang Pilipino ang gerilya upang kahit papaano’y mapahina ang opensa ng mga dayuhan. Ngunit sadyang maparaan ang mga Amerikano kung kaya’t natalo pa rin ang mga Pilipino.
Muling ginamit ng mga Amerikano ang taktikang nagpabagsak sa Luzon¯ang pagkuha ng serbisyo ng mga Pilipino upang pabagsakin ang mga nasyonalista. Pilipino laban sa Pilipino.
Nabigo ang mga Pilipino sa mga sumunod pa nilang pakikidigma laban sa mga Amerikano noong mga panahong iyon. At dahil sa mga karanasang ito, nangangamba ang ilan sa tunay na pakay ng muling pagdating ng mga “puti” para sa Balikatan dito sa Pilipinas.
Tuntunin
Para sa mga tagapagtaguyod ng Balikatan, ang pagsasagawa nito ang tugon sa panawagang pang-kapayapaan ng United Nations (UN) at pakikiisa sa pakikipaglaban ng Amerika at ng mundo sa terorismo. Ayon sa kanila, ang paghasa at pagpapabuti ng kasanayang-pangmilitar ng mga kalahok ang pangunahing layunin nito.
At ayon sa Terms of Reference (TOR) na nilagdaan nina Armed Forces of the Philippines Chief Gen. Diomedio Villanueva at US Pacific Area Command Chief Admiral Dennis Blair, hindi hihigit sa anim na taon ang pagsasanay. Kailangan ding sundin ng mga dayuhan ang itinatadhana ng Konstitusyon ng Pilipinas at ang mga probisyon sa ilalim ng RP-US Visiting Forces Agreement (VFA).
Ang bilang na 160 tropang Amerikano na kinabibilangan ng 12-miyembrong Special Forces Team lamang ang maaaring italaga sa Basilan. Alinsunod sa TOR, ipinagbabawal ang pagsasagawa nila ng field training exercises (FTX) na wala ang tropang Pilipino.
Hindi rin sila maaaring sumabak sa kahit na anong combat operation, maliban na lamang kung kailangang ipagtanggol ang sariling kaligtasan. Hindi rin pinahihintulutan ng TOR ang pagtatayo ng mga Amerikanong sundalo ng mga permanenteng pasilidad o base sa lugar ng pagsasanay.
Samantala, maaaring magtayo ng mga pansamantalang pasilidad tulad ng troop quarters at silid-aralan kung kinakailangan ito ng mga kalahok sa pagsasanay.
Mahalagang bahagi rin ng TOR ang pagbibigay-limitasyon sa mga gawain ng Amerikanong sundalo. Kailangan nilang manatili sa Company Tactical Headquarters kung saan maaari silang mabantayan nang mabuti.
Konstitusyon
Legal ang Balikatan. Ito ang pangunahing argumento ng mga sumusuporta sa pagsasanay-militar ng mga sundalong Amerikano at Pilipino. At ito rin ang punto ng pagtutol ng mga militanteng grupo laban sa pagpapatupad nito.
Ayon kay Atty. Lowell Culing, kalihim ng Faculty of Civil Law ng UST, alinsunod sa itinatadha ng VFA ang nagaganap na Balikatan.
“Balikatan is legal because it is based on the VFA and the Supreme Court has already approved it,” ani ni Atty. Culing.
Ngunit iba ang kanyang pananaw sa isyung muling pagpapatayo ng base militar ng Amerika sa bansa.
“Depende na sa pulisiya ng pamahalaang Amerika ang posibilidad ng pagtatayong muli ng base militar sa Pilipinas,” pahayag ni Atty. Culling.
“’Yung establishment ng military bases mukhang hindi na feasible para sa kanila. Sa advancement ng technology, in just a matter of few hours they can get to one place on earth. Ganu’n sila kabilis,“dagdag ni Atty. Culing.
Ayon pa rin kay Atty. Culing, walang halaga ang ipinalabas na TOR ng AFP at ng puwersang Amerikano.
“Actually ‘yung objective (ng TOR) is just to pacify those who object (to the Balikatan),” wika niya.
At idinagdag din niya na kung mangyari mang makialam ang mga Amerikano sa operasyon ng mga Pilipino laban sa Abu Sayyaf, kahit papaano’y may maganda itong maidudulot sa bansa.
“Americans think that they are the policemen of the world. Whenever there is trouble they think they are the only one who can solve the problem. Well it’s actually for the protection of the American interest and to drive away probably the conflict. Lumapit na (kasi) sa teritoryo nila (ang problema) kaya’t nagulat sila. Kaya ang gusto nila ilayo. And it’s probably good for the Filipinos para matapos na ang problema dun (sa Mindanao),” paliwanag ni Atty. Culing.
At sa posibilidad na sampahan ng kaso ang mga dayuhang sundalo, malinaw ang sagot ng abugado.
“Papaano mo kakasuhan ang mga Amerikano dito sa Pilipinas? Pagtatawanan lang tayo ng mga Kano ‘pag kinasuhan mo ‘yan, either within the Philippines or in international courts,” pahayag ni Atty. Culing.
Ekonomiya
Sa pagpasok ng mga Amerikano sa Pilipinas, kinuwestyon ng mga kritiko maging ang kalagayang pang-ekonomiya ng bansa–kung uunlad ba o lalong bubulusok ang pamilihan?
Ayon kay Prop. Carlos Manapat, iba’t ibang pananaw ang maaaring mabuo ng bawat isa tungkol sa isyu ng Balikatan.
“The effect is negative on a large scale. It is not very good for an unstable country like ours (to subject to major decisions). But if you’ll look at it in microscales, in some businesses, it’s okay,” paliwanag ni Manapat.
Idinagdag pa ni Manapat na hindi lamang ang mga pulitiko ang nakararamdam ng “hidden agenda” sa Balikatan, kung hindi maging ang mga katulad din niyang ekonomista.
“We will have the same “Olongapo” incidents all over again, the night life, the clubs. And we can merely speculate that aside from helping us, maybe they want another military base and locate military soldiers again in the country,” ani ni Manapat.
Samantala, ayon sa inilabas na pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ikinukubli ng Amerika ang pakikialam nito sa operasyong militar sa operasyong pambansa ng Pilipinas sa ngalan ng Balikatan.
“Bahagi ito (Balikatan) ng malawakan at matagalang digmaan para igiit sa pamamagitan ng puwersa ang kanilang (Amerika) pangingibabaw sa kapaburan ng kanilang (Amerika) mga korporasyong transnasyunal upang lupigin ang mga karibal na imperyalista, maprotektahan ang malaking interes dito sa Pilipinas (negosyo, palengke, murang lakas-paggawa, atbp) nang walang pagpapahalaga sa soberenidad, kasarinlan, at kalayaang sibil,” pahayag ng PKP.
“Hindi mananalakay ang isang bansang imperyalista para lang makapaglunsad ng giyera. Pakinabang siyempre,” panapos na pahayag ng PKP.
Pagkakaisa
Sa pag-usad ng Balikatan, tiyak na mas marami pang tanong, paglilinaw, argumento, at pagbatikos ang susulpot at yayanig sa bansa. Pahayag laban sa pahayag. At muli, Pilipino laban sa Pilipino.
Kamakailan lamang isang pahayag ng Pangulong Arroyo, kung saan tinawag niyang mga “Abu Sayyaf lovers” at “un-Filipino” ang mga pwersang kontra sa pagsasanay-militar, ang nagpasiklab sa damdamin ng iba’t ibang sektor ng lipunan: mula sa pulitiko, mga maka-kaliwang grupo, lider ng Simbahan, at mga grupong Muslim. Mistulang si George Bush ng Amerika ang nagsasalita, diretso, prangka, walang pakialam kung may masasagasaan. Kahanga-hangang paraan para sa mga kanluranin, ngunit isang insulto para sa mga pusong-mamong Pilipino.
Sa paghahanap ng malinaw na solusyon upang makamit ang kapayapaan ng bansa, iba’t ibang paraan ang nasasaisip ng bawat isa. Para sa Pangulo, ang paghingi ng tulong sa Amerika ang solusyon. Para naman sa ilan, kailangang solusyunang mag-isa ng bansa ang mga problemang-pangkapayapaan nito.
Iisa man ang hangarin, nagkakawatak-watak ang mga Pilipino dahil sa pagkakaiba ng kanilang mga pananaw.