Ika-29 ng Marso, 2016, 4:50 n.h – NAKATAKDANG igawad sa Tomasinong manunulat na si Levine Andro Lao ang ikatlong
gantimpala sa Talaang Ginto: Makata ng Taon 2016, ang taunang patimpalak sa
tula ng Komisyon sa Wikang Filipino, para sa kaniyang akdang “Memo.”
Bilingguwal
at iba sa tradisyunal na balangkas ng Filipinong panulaan ang akda ni Lao na
may 144 taludtod, sukat at tugma.
“Nag-Taglish
ako sa pagtula,” ani Lao, 27, tubong Bulacan at dating tagapamahalang patnugot
ng Varsitarian. “Ginamitan [ko] ng tugmang Filipino ang mga salitang Ingles.
Nagkuwento ako.”
Dagdag pa
ni Lao, ikinagagalak niyang maihanay sa dalawang premyadong manunulat na sina
Mark Anthony Angeles (nagkamit ng unang gantimpala) at Adelma Salvador
(nagkamit ng ikalawang gantimpala).
“Dapat
masaya ako, pero mas natatakot ako,” sabi niya. “Big deal na kasi ito para sa
akin. Mahal ko ang panulaang Filipino at matayog ang paghanga ko rito.”
Inilarawan
niya ang panitikang Filipino sa kabuuuan bilang masagana, mayaman, at lalo pang
yumayabong.
Sinang-ayunan
ito ng kampeon na si Angeles, na pinarangalang Makata ng Taon. Binigyang-diin
niya ang kagandahan ng “hugot poems” at “spoken word” bilang sa makabago at
buhay na panulaan.
“Gaya
ng kahit anong bagay, nagsisimula sa pag-ibig ang lahat. [At] gaya ng proseso
ng pag-ibig, kailangang itaas din ng makata ang kaniyang pampolitikang
kamalayan,” aniya.
Idaraos ang araw ng parangal sa ika-2 ng Abril, sa pagbubukas ng Buwan ng Panitikang Filipino.
Sina
Rogelio Mangahas, Victor Emmanuel Carmelo Nadera Jr., at Jerry Gracio ang mga
huradong pumili ng mga nagsipagwaging lahok ngayong taon. Bernadette A. Pamintuan