Kinikilala ang UST Museum of Arts and Sciences bilang isa sa may pinakamayamang koleksyon ng mga makasaysayang barya sa bansa. Sinasabing produkto ito ng matagalan at malawakang pananaliksik sa kasaysayan at iba’t ibang kultura.

Malaki ang naging kontribusyon ng mga Dominikong professor sa pangongolekta ng mga nasabing barya.

Sa kanilang pagnanais na mapangalagaan ang iba’t ibang kulturang kaakibat ng mga sibilisasyong sinasagisag ng mga baryang ito, kanilang pinamahalaan at pinaunlad ang koleksyong ito.

Karamihan sa mga barya ay nagmula pa sa iba’t ibang bansa tulad ng Greece, Italya, at España. Matatagpuang nakaukit dito ang mga sinaunang siyudad tulad ng Athens at Roma at ang mukha ni Pope Alexander VIII. Kabilang rin sa koleksyong ito ang unang barya na ginawa sa Pilipinas noong 1861 at ang isang barya na mula pa sa panahon ni Poncio Pilato.

Bukod dito, naging bahagi na rin ng Regional Exposition of the Philippines ang nasabing koleksyon simula pa noong 1895. Idinispley na rin ang mga barya sa Hanoi (Vietnam), Paris (Pransya), Amsterdam, at Philadelphia (Estados Unidos) kung saan umani ng mga parangal ang UST.

May mga pagkakataon rin namang hinihiram ang mga baryang ito ng iba’t ibang institusyon upang idispley sa kani-kanilang commemorative exhibit.

Noon po sa amin

Taong 1953 nang imungkahi ni Ikalawang dekano Hermogenes Santos ng Faculty of Medicine and Surgery, ang pagiging hiwalay na korporasyon ng Fakultad mula sa Unibersidad.

Hindi naman ito sinang-ayunan ng pamunuan ng UST. Sa konsultasyon na isinagawa ng Rektor P. Jesus Castañon, O.P., nailagak ng pamunuan ang kanilang mga pala-palagay tungkol sa isyung ito, bago sila naglabas ng isang memorandum.

READ
Thomasian community welcomes new Rector

Isinaad nila sa kanilang memorandum na ang paghihiwalay ay maaaring pagmulan ng anomalya. Maaapektuhan din umano ng pagbukod ng Faculty of Medicine and Surgery ang karakter ng Unibesidad bilang iisang institusyon na nakasaad sa General Statutes. Anila, magiging masama ring halimbawa ito para sa ibang kolehiyo at fakultad ng Unibersidad na maaaring sumunod sa kanilang pagbukod. Idinahilan din nilang sakaling kulangin ng pondo ang Fakultad, hindi na sila maaaring tulungan ng Unibersidad sapagkat hindi na ito nasasakupan. Hindi na rin makagagamit ang mga mag-aaral ng Medisina ng mga pasilidad ng UST at di na rin makatatanggap ng pangkalahatang serbisyo mula rito.

Tomasino siya

Katangi-tangi at kakaiba ang papel na ginampanan ng Tomasinong si P. Evaristo Fernandez Arias, O.P. nang sumiklab ang rebolusyon sa Pilipinas noong panahon ng Kastila.

Nagtapos ng Pilosopiya at Teolohiya sa Kumbento ng Ocaña sa Toledo, España, tubong Alcazar de San Juan (Ciudad Real, España) si Arias. Noong 1877 ipinadala siya sa Pilipinas bilang isang misyonero kahit hindi pa ganap na pari.

Matapos ng ordinasyon, nagturo siya ng Humanities at Physical Sciences sa limang-taong kursong Segunda Enseñanza ng Colegio de San Juan de Letran.

Nang ilipat siya sa UST noong 1879 upang magturo, kumuha siya ng Licentiate and Master in Philosophy (1884), Licentiate in Theology (1887) at Doctor of Theology (1889) mula sa Unibersidad.

Nahalal siyang Prior ng Santo Domingo Convent noong 1899. Sa kanyang pagbabalik sa Unibersidad noong 1893, nagturo siya ng Dogmatic and Moral Theology.

Nang sumiklab ang rebolusyon sa bansa, siya ang natatanging Dominiko na pumuna sa mga suliranin nito at mga maaaring maging resulta ng paglalaban sa España at sa simbahan. Sa pamamagitan ng kanyang mga naisulat, ginawa niya ang lahat upang pigilan ang karahasang maaaring idulot ng rebolusyon.

READ
Pope firm against divorce

Mula Oktubre hanggang Disyembre ng 1896, walang tigil sa pagpapadala ng mga telegrama si Arias sa pamahalaang Kastila, mga Kastilang Dominiko, at mga Kastilang pahayagan ukol sa kritikal na kalagayan ng Pilipinas. Ang kanyang mga telegrama ang nagbigay linaw sa mga kasinungalingang ibinalita ni Gob. Heneral Ramon Blanco sa pamahalaang Kastila ukol sa kalagayan ng bansa.

Isinulat din ni Arias ang Defensa Obligada, ang dokumentong nagtanggol kay Msgr. Bernardino Nozaleda, dating Arsobispo ng Maynila, sa mga maling paratang ng mga pulitikong Kastila sa kanya.

Kabilang sa mga kanyang isinulat ang Memoria historico-estadistica na tungkol sa Pilipinas, isang aklat para sa Colonial Exposition of Amsterdam, at ang Dominican Martyrs of China, Pedro Sanz and Companions. Girard R. Carbonell at Karen M. Peña

Tomasalitaan

SAGANSAN – (pangngalan) hilera, pila, o hanay

Mahaba ang sagansan ng mga mag-aaral na nagbabayad ng matrikula.

Sanggunian:

University of Santo Tomas Museum of Arts and Sciences

Dr. Norberto de Ramos, I Walked with Twelve UST Rectors

Fidel Villaroel, O.P., The Dominicans and the Philippine Revolution (1896-1903)

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.